Skip to main content

Si Heidegger at Sharon Cuneta: Mga "Bituing Walang Ningning"

Kung sinuman ang may sasabihin balang araw
Tahimik sa maraming bagay.
Kung sinuman ang maglilisik ng kidlat
Sa matagal na panahon—ulap.

Nietzsche (1883)


Sa panahon ng matinding pagsubok at pagkabigo, si Sharon Cuneta ang aking bituing naging gabay sa mga gabing madilim.

Kakatwa, ngunit totoo; iyan marahil ang kapangyarihan ng mga awit at ang hiwaga ng mga mang-aawit: hindi nila kailanman malalaman ang talab o bisa (kung mayroon man o wala, para sa mabuti man o sa masama) ng mga salitang sinambit nang walang katiyakang kung may makaririnig o makaiintindi. Gaya ng makata: umaawit ang mang-aawit para lamang umawit at wala nang iba; kaya naman lagi't laging mag-isa ang mga artista. Gaya ng palaisip.

Bakit si Sharon Cuneta at di man lamang si Gary V. at ang kanyang relihiyosong pamimilit o si Andrew E. at ang kanyang mga bastos na pangungulit? Si Sharon Cuneta dahil siya ang kumanta ng "Bituing Walang Ningning." At lalo na sa kabalintuaang isang Megastar pa ang umawit ng awit tungkol sa pagdidilim ng mga gabing walang bituin. Megastar at "Bituing Walang Ningning": hindi lamang ito isang kabalintuaan, ngunit, dahil nga sa pagiging kabalintuaan, lalo't lalong nagiging totoong-totoo. At ito'y isang kaalamang taglay ng mga makata na hindi maunawaan ng mga pilosopo maliban sa ama nitong si Sokrates: na nananahan ang katotohanan sa kabalintunaan.

"Bituing Walang Ningning": ngunit kailangan pa ring isiping bituin ang bituin. At bilang pag-bituin ng bituin, tigib sa pagningning ang bituin kung di lamang sa pangangailangang ito'y nananahan sa yakap ng kalaliman ng dilim, ngunit sa payak na dahilang walang bituing hindi nagniningning. Tanggalin mo ang ningning, hindi na bituin ang bituin. May tinatawag na mga itim na bituin, mga bituing tumigil na sa pagningning--sa pagod? sa pagsuko? Ngunit ang mga ganitong bituin, mga itim na bituin, ay mga patay na bituin, at gaya ng lahat ng bagay na matingkad na namumuhay sa isang buhay na uniberso, hindi na bituin ang patay na bituin.

Kung gayon, bakit hindi nagniningning itong "bituing walang ningning"? Hindi dahil sa kakulangan o kawalan ng ningning ng mismong bituin makikita ang katwiran; ngunit sa mismong dahilan na may mga bituing hindi nakikita dahil sa hindi natatanaw o naaabot ng mata ang kanilang ningning. Mahina ang ating mga mata habang walang-hanggan ang tindi ng liwanag ng bawat bituin. Hindi makita ang ningning dahil may mga malalayong bituin gaya ng may mga kabatirang hindi matarok ng ating pag-unawa dahil sa kalaliman, at gaya ng may mga katotohanang hindi pa nagpapakita mula sa kinakukublihan. "Wala sa mga bituin ang pagkukulang, mahal kong Brutus," ang sabi ni Shakespeare, "nasa atin."

Dahil tahimik na nagniningning ang lahat ng bituin, tahimik na umaasa na balang-araw sila'y matuklasan sa gitna ng dilim, tahimik na nagadadasal and mga bituin na kung di man sila maunawaan sa panahon ng kanilang panandaliang ningning, na naging sapat ang kanilang pagsubok na magsiwalat ng liwanag nang walang dahilan o paliwanag kahit na marahil walang nakakita at dahil dito’y walang makaalala.

"Bituing Walang Ningning": gaya ng pag-iisip na walang dinggin. Pansinin: tahimik lahat ng palaisip. Pagbalik ng matandang Platon galing sa pagtangka niyang hubugin si Dionysio na maging pilosopong-hari, nanahimik ang dakilang manunulat ng dialogo. Pagkatapos isulat ang lahat ng maisusulat, sinabi ni Tomas de Aquino na hindi niya na kaya pang magsulat. Bago malimbag ang Critique of Pure Reason, may sampung taon ng pananahimik si Kant. Pagkatapos niya mapuno ang lahat ng kanyang maliliit na kwaderno ng mga tala mula sa mga naririnig niyang boses, nanahimik si Nietzsche sa kabaliwan hanggang sa kanyang kamatayan. Si Heidegger din, nanahimik: nanahimik at namatay ding tahimik tungkol sa pakikilahok niya sa Nazismo.

"Pag-iisip na tahimik." Ibig sabihin: pag-iisip na hindi nagmamadaling magsalita o marinig. Sa kabaligtaran, nangangahulugang pag-iisip na nagkukubli o nagtatago. Ngunit kailangang linawin: hindi nagtatago ang tahimik na pag-iisip dahil sa sakim o sa takot--hindi makasarili ang katotohanan at lalo na't wala itong takot. Marahil hilig ng pag-iisip na maging tahimik dahil sa tahimik na pag-iisip hilig ng katotohanang magpahayag. Tahimik din kasi ang katotohanan: gaya ng pamumulaklak ng rosas, gaya ng pagsikat ng araw, gaya ng kamatayan ng isang bituin.

At mahilig manahimik ang palaisip dahil lagi't laging nais nitong maging alisto kung sakaling may sasabihin pang lihim ang katotohanan. Kaya naman dalubhasa ang palaisip sa larangan ng paghihintay: paghihintay na magpakilala ang hindi pa nagpapakilala, paghihintay na magpakita ang hindi pa nagpapakita, paghihintay sa pagningning ng mga hindi pa natatanaw na mga bituin.

Pagkatapos ng Kehre ni Heidegger, isang salita ang hindi niya tinalikuran at di na binitawan: ang salitang Gelassenheit. Ang Gelassenheit, maaaring sabihin ng mga dalubhasa, ay walang iba kundi ang pagsuko ni Heidegger sa kanyang "iniwanang" proyekto na maunawaan ang Meron na kanyang sinimulan sa dakilang Sein und Zeit; na para bagang hayaan na lamang natin ang Meron, hayaan itong magmeron, at sa dulo'y tuluyang iwanan gaya ng pag-iwan sa metapisika. Ngunit maaari ring ang Gelassenheit ay walang iba kundi ang tahimik na paghihintay sa muling pagningning ng Meron: tapos na kasi ang unang paglantad nito mula sa pagkakubli; at walang ibang magagawa ngayon kundi maghintay.

Pansinin: hindi ito isang katamaran, isang pagwawalang-bahala, o pagsuko: lalong mahirap maghintay kaysa maghanap, lalong dakila ang naghihintay kaysa sa nagsasaliksik. Wala kasi ang bola sa taong naghihintay o mas mabuting sabihin: wala siyang boses; at wala rin siyang lakas dahil pulos kahinaan lamang ang kanyang kapangyarihan--kaya naman ayon kay Heidegger, kawalan ng pamimilit at kabaligtaran ng "will to power" ang Gelassenheit. Ngunit hindi ba sinasabi ng ating karanasan na lalong kailangan ng lakas ang taong nais maghintay--isang lakas na wala nang lakas, isang tahimik na lakas, baka isang lakas na humuhugot ng lakas hindi na sa sariling kalooban o tinig lamang kundi sa dalisay na lakas ng pag-asa?

Oo, mangangahas akong sabihing umasa rin si Heidegger. Dahil kung hindi, paano niya kaya tinuon ang kanyang huling mga taon sa paghintay ng muling pagdating ng Meron: ang tinawag niyang "ibang simula" o "other beginning"? Alam niyang hindi niya na aabutan ito at alam niyang hindi niya lubos na mauunawaan itong bagong simula: ngunit naging tapat siya sa paghihintay. Marahil, bukod sa kawalan ng masasabi pagkatapos na masabi ang lahat ng masasabi, maaari ring sabihing pagkatapos isipin ang lahat ng maiisip, walang ibang magagawa kundi maghintay. Ito ang pasan ng paghihintay; ngunit ito rin ang siyang dangal ng pag-iisip na marunong manahan sa dilim. Dahil may kaunting liwanag pa rin: ito ang tinawag ni Heidegger na Lichtung.

Ano, ngayon, ang maaaring nating hintayin? Hindi sinabi ni Heidegger kung ano ito--at paano nga naman niya sasabihin kung hindi pa nga ito dumarating gaya ng paano mo ipakikilala ang isang taong hindi mo pa nakilala?

Ngunit alam ni Sharon Cuneta ang sagot sa tanong. Maaari nating hintaying magningning ang mga bituing di pa dumarating. Dahil gaya ng palaisip man o makata, lahat naman ng bituin, magtago man ito o manahimik, balang araw walang magagawa kundi magningning.

At wari ko'y alam din ito ng palaisip na si Heidegger kahit hindi niya na nahintay ang makatang si Sharon Cuneta. Dahil paano niya masasabi ang mga salitang ito sa Poetry, Language, Thought?


Di kailanman maaabot ng kadiliman ng daigdig
ang liwanag ng Meron.

Nilisan na tayo ng mga diyos
at hindi pa dumarating ang Meron.
Ngunit nagsimula na ang tula nito: ang tao.

Ang abutin ang bituin--ito lamang at
wala nang iba.

Ang pag-iisip ay ang paghintay sa isang kaisipan lamang
sa pag-asang balang araw ito'y magniningning
gaya ng liwanag ng araw na babalot sa daigdig.

Comments

Popular posts from this blog

The Fields of Amorsolo

The first National Artist in Philippine history, referred to warmly as the “Grand Old Man of Philippine Art,” Fernando Amorsolo (1892–1972) still stands today as a looming figure in Philippine art responsible for being one of the artists who helped define what we up to now visually imagine as essentially Filipino. The images of rural life, of golden fields below clear blue, blue skies; the smiles of farmers which diminish their weariness as they plant, harvest, and winnow rice;most especially the iconic figure of the Filipina maiden working in the fields—the beloved dalagang bukid--; these, I believe, even after generations of Filipino painters since Amorsolo, have remained in our hearts and memory. Amorsolo did what great masters do for their country: bestow upon it its own icons, represent its native beauty, that is, to give its people and lands an identity and a face. There are, however, as many intentions for art as there are works of art. And these intentions will always remain in…

[Payapang Daigdig]

Written by Pat Nogoy, S.J.

Payapang Daigdig Felipe de Leon, Sr. 
Ang gabi'y payapa Lahat ay tahimik  Pati mga tala      Sa bughaw na langit 

Kay hinhin ng hangin Waring umiibig          Sa kapayapaan          Ng buong daigdig     
Payapang panahon    Ay diwa ng buhay Biyaya ng Diyos       Sa sangkatauhan
Ang gabi'y payapa Lahat ay tahimik Pati mga tala Sa bughaw na langit  
Pati mga tala           Sa bughaw na langit


The gift delivers Being/being Jean Luc Marion

There is something about the night.
The blanket of darkness hovering the other half of the day sparks ambivalence. Everything is the same in darkness—fear, joy, pain, triumph, doubt, glory, sorrow. Identities recede unto the vast anonymity. There is a pervading anxiety where existence slips into nothingness. One is never certain what to make out of darkness; maybe that is why the night shakes us because we never know. One cannot avoid imagining a something that is greater, higher, mightier, (even sinister) that lurks (hence the power of ghos…

A Love Sooner than Later

BROWN PENNY William Butler YeatsI whispered, 'I am too young,' And then, 'I am old enough'; Wherefore I threw a penny To find out if I might love. 'Go and love, go and love, young man, If the lady be young and fair.' Ah, penny, brown penny, brown penny, I am looped in the loops of her hair. O love is the crooked thing, There is nobody wise enough To find out all that is in it, For he would be thinking of love Till the stars had run away And the shadows eaten the moon. Ah, penny, brown penny, brown penny, One cannot begin it too soon.

*
One cannot begin to love too soon--conversely, one should not love too late or in life's demise. That waiting for the "right time," or the "right person" to love, what are these but the cries or sighs of an unready, even tired, heart? One becomes ready only when one begins to understand love slowly (or again), and one understands love progressively when one, simply, performs the act of love. Love, like mos…