Skip to main content

Pagmamalabis ng Pag-ibig



Para kay Thunder Girl



IPAGPATAWAD MO
Vic Sotto


Ipagpatawad mo, aking kapangahasan
Binibini ko, sana'y maintindihan
Alam kong kailan lang tayo nagkatagpo
Ngunit parang sa 'yo, ayaw nang lumayo
Ipagtawad mo, ako ma'y naguguluhan

'Di ka masisi na ako ay pagtakhan
'Di na dapat ako pagtiwalaan
Alam kong kailan lang tayo nagkatagpo
Ngunit parang sa 'yo, ayaw nang lumayo
Ipagpatawad mo, minahal kita agad

Minahal kita agad
Minahal kita agad
Ipagpatawad mo

(Minahal kita, aah)
(Kay tagal-tagal aah)
Sana nama'y ipagpatawad mo
Ang malabis na kabilisan ko
Ngunit ang lahat ng ito'y totoo


***

Bakit humihingi ng kapatawaran ang mangingibig?

Madalas, dahil sa isang kasalanang nagawa sa iniibig. Mas madalas pa, ang kasalanang ito'y nagdulot ng sakit o kapamahakan sa kanya. O sa isang salita, dahil nasaktan ang iniibig.

Ngunit, kailangang tanungin kung bakit sasaktan ng isang mangingibig ang kanyang iniibig? Dahil para bagang taliwas ito sa mismong galaw ng pag-ibig--ang makasakit. Sa lahat, ito ang iniiwasan--at ni hindi man maisipang gawin--ng mangingibig. Paano niya kasi sasaktan ang siyang nagbibigay sa kanya ng kaligayahan, ang nagbibigay sa kanya ng dahilang umibig, ng dahilang maging--sa wakas--isang mangingibig?

Kung gayon, kailangang isiping hindi nais manakit ang mangingibig. Ngunit, maaaring nakasasakit pa rin siya sa iniibig kaya naman may pangangailangan siyang humingi ng pagpapatawad. Paano kaya ito iisipin? Dahil hindi lamang ito isang tanong sa pagitan ng malisya o kawalan nito--isang tanong sa pagsadyang manakit o hindi. Lagpas pa rito, isa na itong tanong ukol sa kung paanong maaaring makasakit ang isang mangingibig kahit hindi niya nais na ito'y mangyari. Paano kaya nakasasakit ang dalisay at malumanay na pag-ibig? O paano nababaligtad ang pag-ibig mula sa pagiging mapagbigay tungo sa pagiging sakim, isang kasakiman na may binabawas o kinukuha mula sa iniibig, kaya naman maaari siyang masaktan? O mas mabuting itanong: paano ako magkakasala kung tunay ang pag-ibig ko? Tignan natin.

Una, maaaring maging sakim ang pag-ibig dahil hindi ito isang sapat na pag-ibig. Kapag sinasabi nating "sapat" ang pag-ibig, ang kahulugan nito'y nasa tamang sukat ang pagbibigay ng sarili (salita, gawa, damdamin, atbp.). Kaya naman kapag hindi sapat ang pag-ibig--o "kulang na pag-ibig"--para bagang may pandarayang nagaganap dahil hindi binibigay ang nararapat ibigay.

Ngunit, sino naman ang makapagsasabi kung ano ang nararapat na sukat o nauukol na timbang ng pag-ibig? Tiyak na hindi ang iniibig--dahil siya lamang ang tumatanggap ng pag-ibig kaya nama'y hindi niya hawak, kumbaga, ang timbangan o hindi niya masasabi na nagkukulang ang ibinibigay sa kanya. Kaya naman ang umiibig lamang ang makapagsasabi kung nagkukulang siya sa kanyang pag-ibig na handog sa iniibig. At paano niya ito malalaman?

Hindi na kailangang tanungin ito: habang maaaring hindi malaman (agad o magpakailanman) ng mangingibig kung kailan sapat na ang kanyang pag-ibig, tiyak namang malalaman niya kung kailan siya nagkukulang. Paano? Dahil hanggang sa may natitira pa rin sa kanya, hanggat hindi pa rin siya nauubos, alam niyang may maaari pa rin siyang ibigay. At kung ganito ang mangyari, o kung manatiling may matira sa sarili, hindi ito kailanman maaaring maging isang sapat na pag-ibig. At dahil hindi sapat, dalawa lamang ang maaaring kahulugan nito para sa mangingibig: may kasakimang natitira o hindi talaga siya tunay na umiibig. Sa parehong pagkakataong ito, may kakulangan sa bahagi ng umiibig.

Ngunit kailangan bang humingi ng kapatawaran ang mangingibig dahil lamang sa kakulangan? Maaaring hindi. Bakit? Dahil ang lahat ng nagkukulang ay maaari pang madagdagan hanggang sa maging sapat na ito. O mas mabuting sabihin: maaari pa kasing matuto ang mangingibig, maaari pang magbago.

Lagi't laging may panahon at pagkakataon pang lumago at tumubo ang isang hindi sapat na pag-ibig. Kaya naman nangangailangan ng panahon ang pag-ibig--upang magbunga. Harinawa sa pagbunga ng pag-ibig sa panahon, magiging sapat din ito balang araw. Kaya naman may pag-asa ang umiibig. Dahil lagi't lagi itong may panahon pa rin upang umibig at umibig nang higit pa sa dati. Sa ganitong paraan, walang pangangailangang humingi ng kapatawaran ang mangingibig gaya ng hindi nangangailangang pagalitan ang musmos kung hindi pa siya marunong ng algebra o pisika.

Ikalawa, paano kung sapat naman ang pag-ibig na handog ng mangingibig? May mga pagkakataon kung saan para bagang nasa tamang sukat at nasa tamang panahon ang pag-alay ng mangingibig sa kanyang iniibig. Sa mga ganitong pagkakataon (kahit minsanan lamang ito mangyari) hindi humihingi ng tawad ang mangingibig. Para saan pa kung ang handong niyang regalo'y tinatanggap nang maluwalhati ng kanyang iniibig? Para saan pa kung nagbubunga agad ang pag-ibig sa pagitan ng dalawang mangingibig na para bagang sinukat para sa isa't isa. O sa isang salita, ni hindi man papasok sa isip ang salitang "pagpapatawad" kung maligaya ang mga mangingibig. Hindi na kailangang pag-usapan pa ito.

Ang natitira na lamang na posibilad ay ito: maaari bang maging sakim ang pag-ibig kung ito'y isang pag-ibig na lampas sa tamang sukat o timbang? O maaaring bang makasakit ang isang labis na pag-ibig?

Maaaring isipin agad na oo. Dahil alam natin mula sa karanasan na ang lahat ng labis ay masama. Ngunit maliban sa mababaw na dahilang dito, alam din natin na pagdating lalo na sa usaping tungkol sa pag-ibig, hindi maiiwasang baka matakot ang iniibig kapag siya'y handugan ng isang labis na pag-ibig. Matatakot siya? Oo.

Dahil ang umiibig nang labis, di man niya nais ito, ay lagi't laging magmumukhang isang baliw. Ganyan yata ang mukha ng labis na pag-ibig: isang mapangahas na pagpapakita ng isang hindi na matagong pakiramdam o pagnanasa. Kung sa iba'y maaari nilang maitago ang kanilang pag-ibig (hal. pagmunihan pa ito, paghintay ng tamang pagkakataon, maging "segurista," atbp.), ang baliw na pag-ibig nama'y hindi kayang magtago, na para bagang hindi na makayanan ng isip na pigilan ang damdamin, hindi na kaya ng dila na manahimik. O mas simpleng sabihin: ang labis na pag-ibig ay isang pag-ibig na nababaliw sa sarili nitong pag-ibig. Gaya ng isang lasing at ang kanyang alak o gaya ng isang makata at ang kanyang mga salita. Kaya naman sinabi ni Platon na ang pag-ibig ay isang uri ng kabaliwan o mania. At sino ba ang hindi matatakot sa isang taong mukhang baliw at nagsasabi pang iniibig ka niya?

Ngunit sapat bang dahilan ito upang mangailangang humingi ng pagpapatawad ang isang mangingibig--dahil baka natakot niya ang kanyang iniibig? Maaaring hindi. Dahil habang hindi maiiwasang magmukhang baliw ang labis na pag-ibig, alam ng nabaliw sa pag-ibig na hindi niya ito ginagawa upang manakot o makasakit--ngunit ginagawa niya ito dahil wala na siyang alam na iba pang paraan kung paano maipahayag ang kanyang damdamin. At dito siya maaaring magkasala.

Kasalanan ng labis na pag-ibig na hindi ito makapagtago o makalayo. Kasalanan ng labis na pag-ibig na ito'y nagmabilis at nagmalabis.

Dahil walang alam na ibang paraan ang isang labis na pag-ibig kundi ang magmalabis--kahit na alam nito na sa pagmamalabis magmumukha itong baliw. O kahit alam nitong sa pagmumukhang baliw, maaaring matakot ang iniibig--at sa kahuli-huliha'y iwanan na lamang ang baliw sa sarili niyang kabaliwan.

Kaya naman dapat maunawaan din ng baliw ang kanyang iniibig. Kailangan niyang maunawaan na, di gaya niya, hindi baliw sa pag-ibig ang kanyang iniibig. At dahil hindi naramdaman ng inibig ang nag-uumapaw na pag-ibig ng mangingibig, hindi niya mauunawaan ang mga ginagawa o sinasabi ng baliw na mangingibig. Kaya maaari maguluhan ang iniibig. Kaya naman maaaring hindi niya ibalik ang pag-ibig ng nagmalabis na umibig.

Kung gayon, kailangan pa rin bang humingi ng kapatawaran ang labis na pag-ibig mula sa labis niyang inibig? Sa totoo lamang ay hindi niya ito kailangang gawin. Bakit? Dahil hindi naman nawalan o nasaktan ang kanyang nais ibigin. Marahil, natakot lamang. Baka naguluhan nang saglit. Ngunit, di gaya ng iiwanang mangingibig, maaari siyang agad na mamuhay na para bagang walang nagyari--dahil hindi rin naman siya umibig. Kaya hindi humihingi ng pagpapatawad ang nagmalabis na umibig dahil baka nasaktan niya ang inibig.

Humihingi ng tawad ang labis na umibig hindi dahil sa nasaktan niya ang kanyang inibig ngunit dahil nasaktan niya ang kanyang sarili--sa pamamagitan ng kanyang labis na pag-ibig. Masakit--dahil walang natira at walang bumalik. Masakit uli--dahil winasak ng kanyang labis na pag-ibig ang lahat ng posibilidad ng lalo pa itong umibig. At ang masakit sa lahat--dahil, kasama ng pagiging mapagmalabis, hindi rin makapaghintay ang labis na pag-ibig.

Kaya sa huli, humihingi ang labis na pag-ibig ng kapatawaran mula sa labis na inibig dahil kailangan na nitong bumalik sa sarili habang nais pa sana nitong manatili sa pag-ibig. Dahil kailangan na nitong hilumin ang sarili habang nais pa nitong ibigay ang duguang sarili. Dahil kailangan na nitong buuhin muli ang sarili na naubos sa pagmamalabis at pagmamadali.

Sianabi ni Descartes na isa lamang ang pinanggagalingan ng lahat ng pagkakamali ng tao: ang pagmamadali. At nagmamadali lamang ang siyang nagmamalabis. Ito ang pagkakamali ng isang labis na pag-ibig: na ito'y nagmabilis, dahil ito'y nagmalabis. Dahil hindi siya marunong magtago, manahimik, o maghintay. O baka dahil hindi lamang niya talaga alam kung paano umibig nang hindi labis.








Comments

Popular posts from this blog

The Fields of Amorsolo

The first National Artist in Philippine history, referred to warmly as the “Grand Old Man of Philippine Art,” Fernando Amorsolo (1892–1972) still stands today as a looming figure in Philippine art responsible for being one of the artists who helped define what we up to now visually imagine as essentially Filipino. The images of rural life, of golden fields below clear blue, blue skies; the smiles of farmers which diminish their weariness as they plant, harvest, and winnow rice;most especially the iconic figure of the Filipina maiden working in the fields—the beloved dalagang bukid--; these, I believe, even after generations of Filipino painters since Amorsolo, have remained in our hearts and memory. Amorsolo did what great masters do for their country: bestow upon it its own icons, represent its native beauty, that is, to give its people and lands an identity and a face. There are, however, as many intentions for art as there are works of art. And these intentions will always remain in…

[Payapang Daigdig]

Written by Pat Nogoy, S.J.

Payapang Daigdig Felipe de Leon, Sr. 
Ang gabi'y payapa Lahat ay tahimik  Pati mga tala      Sa bughaw na langit 

Kay hinhin ng hangin Waring umiibig          Sa kapayapaan          Ng buong daigdig     
Payapang panahon    Ay diwa ng buhay Biyaya ng Diyos       Sa sangkatauhan
Ang gabi'y payapa Lahat ay tahimik Pati mga tala Sa bughaw na langit  
Pati mga tala           Sa bughaw na langit


The gift delivers Being/being Jean Luc Marion

There is something about the night.
The blanket of darkness hovering the other half of the day sparks ambivalence. Everything is the same in darkness—fear, joy, pain, triumph, doubt, glory, sorrow. Identities recede unto the vast anonymity. There is a pervading anxiety where existence slips into nothingness. One is never certain what to make out of darkness; maybe that is why the night shakes us because we never know. One cannot avoid imagining a something that is greater, higher, mightier, (even sinister) that lurks (hence the power of ghos…

Without Why (The Rose) II

Lifetime is a child at play; moving pieces in a game.
Kingship belongs to the child.

Heraclitus, Fragment 52


The child at play never asks itself why it plays. The child just plays; and if it could, it will play as long as possible, it will play throughout its life. See its delight and witness its smile.

If it would never go hungry or if the sun would never set it too will never leave its playmates and playthings. Time flies at play because it stops or suspends time. Time -- as we grownups only know too well -- is the culprit for order, schedules and priorities; yet for the child, there is no time, there is only bottomless play. It is we who impose that this or that should be done at this or that time. We stop the absurd and supposedly endless play ("He does nothing but play") because we insist that discipline, order and priorities be instilled in the child at an early age ("He needs to learn other things beside playing"). So that the child will become like us one da…