Skip to main content

Ang Pangako ng Mangingibig



NAKAPAGTATAKA
Haji Alejandro


Walang tigil ang gulo
Sa aking pag-iisip,
Mula nang tayo'y nagpas'yang maghiwalay;
Nagpaalam pagka't hindi tayo bagay,
Nakapagtataka

Kung bakit ganito
Ang aking kapalaran;
Di ba't ilang ulit ka nang nagpaalam,
At bawat paalam ay puno nang iyakan?
Nakapagtataka, nakapagtataka

Hindi ka ba napapagod,
O di kaya nagsasawa,
Sa ating mga tampuhang
Walang hanggang katapusan

Napahid na'ng mga luha,
Damdamin at puso'y tigang,
Wala nang maibubuga,
Wala na 'kong maramdaman

Kung tunay tayong nagmamahalan
Ba't di tayo magkasunduan?

Walang tigil ang ulan
At nasaan ka araw?
Napano na'ng pag-ibig sa isa't isa?
Wala na bang nananatiling pag-asa?
Nakapagtataka, saan na napunta?

Hindi ka ba napapagod,
O di kaya nagsasawa,
Sa ating mga tampuhang
Walang hanggang katapusan

Kung tunay tayong nagmamahalan,
Ba't di tayo magkasunduan?

***

Ang nakapagtataka sa lahat ay kung paanong hindi magkasunduan ang dalawang nagmamahalan.

Madaling sabihin agad na kaya sila hindi magkasundua'y dahil hindi sila talagang nagmamahalan. Dahil taliwas yata sa diwa ng pag-ibig ang hindi pagbigyan ang iniibig. At paano magkakasunduan kung hindi pagbibigyan ng isa ang kabila? O kung hindi sinusubukang unawain siya upang lalo't pang mahalin siya. "Pagbibigyan kita--dahil mahal kita." Sinasabi nito na kapag hindi kita pagbibigyan, hindi kita mahal. At kung ganoon, hindi talaga tayo magkakasunduan.
Ngunit kailangang tignan ang kaugnayan sa pagitan ng mga salitang pagbigyan at pag-ibig. Kapag sinasabi ko kasing pagbibigyan kita, para bagang ang sinasabi ko'y hahayaan kita. Ngunit kailan natin hinahayaan ang isang kung-anuman? Madalas, kapag may ginagawa (o may gagawin) itong maaaring hindi kanais-nais, hindi para sa sarili nito ngunit para sa iyo, ikaw na kailangang magsabing hahayaan ko na. Halimbawa, kapag nagpaalam ang binatilyong maglakwatsa, pinagbibigyan siyang lumabas ng magulang na tiyak na mag-aalala.

Kaya nama'y sa isang banda, para bagang ang ibig sabihin ng pagbigyan ay hayaan. Ngunit sa kabila nama'y maaaring lumabas na ang talaga palang kahulugan nito'y pabayaan--pababayaan na kita, pagbibigyan na kita. Masalimuot: dahil naghahalo sa salitang pagbigyan ang isang uring pagwawalang-bahala at isa ring uring mapagpatawad na paghaya. Sa huli at sa mas karaniwang gamit nito, kapag pinagbibigyan ko ang aking iniibig, ang talagang ginagawa ko'y pinapatawad ko siya. Pagpapatawad? Ngunit anong nagawa niyang kasalanan?

Hindi moralistiko ang pag-ibig kaya nama'y kailangang isiping hindi talaga nagkakasala sa isa't isa ang dalwang nagmamahalan. Mas mabuting sabihin na maaaring may mga pagkakataong hindi lamang talaga sila nagkakasundo. At dito, bumalik na tayo sa sinumulan natin: bakit maaaring hindi magkasundo ang dalwang tunay namang nagmamahalan? Ngunit sinagot na ito: baka kasi hindi pinagbibigyan ng mangingibig ang kanyang iniibig kung nagkamali, nagkulang, o nagkasala ito. May katotohanan dito.

Kaya naman maaaring maghiwalay ang dating magkayakap o di kaya'y mauwi pa sa galit at poot ang dating inakalang dalisay na pag-ibig. Hindi maisasantabi na ang bawat isa'y masaktan o mahirapan. Mahirap kasing umibig--sa payak na dahilang walang maiaalok na kayamanan ang umiibig kundi ang mismong payak na pag-ibig nito. Sa anumang pasiyang umibig, ang tunay na pasiya'y maging mahirap ito sa harap ng iniibig. Anong ibig sabihin nito? Na pinagpasiyahan kong wala akong halaga sa sarili ko dahil ang mahalaga lamang mula sa ngayo'y ikaw na iniibig ko. At dahil sa ganitong pagbubukas ng pag-ibig, hindi maiiwasang maging bukas din ang umiibig sa sakit na maaari lamang niyang maranasan dahil sa mismong kilos ng pagbubukas ng sarili. Gaya ng kamay na sa mismong pagbubukas upang makapagbigay ay maaaring paluin o itanggi.

Ang pagiging mapagbigay ng pag-ibig? Ngayon, ibang-iba ito sa pagsabing pagbibigyan kita. Sa una, walang ibang alam ang mapabigay na pag-ibig kundi ang magbigay. (Kaya naman tanga ang pag-ibig.) Sa ikalawa, tila kailangan ko pang isipin kung kailan ko pagbibigyan ang iniibig ko, kung kailan sobra na, kung kailan kaya ko pa. Muli, sa una nama'y walang kaubusan ang pagbibigay dahil wala namang kayamanan ang mahirap na pag-ibig kundi ang sarili nitong pagbibigay ng walang-kaubusang sarili. Sa ikalawa naman muli, para bagang sinasabi nitong may mga hangganan ang pagbibigay ko, na kapag hindi ko na kaya'y suko na ako, o kapag "ubos" na ako--pagod na, wala nang maibubuga, sawa na--tama na. Na tamang iwanan na kita.

At dito nababasag ang kabalintunaan ng nakapagtatakang problema. Umiikot ang sagot ng bugtong sa hindi napansing salitang magkasunduan. Muli: "Kung tunay tayong nagmamahalan / Ba't di tayo magkasunduan?" Ngunit kailangang tanungin ang mas pangunahing tanong: Ang pag-ibig ba'y isang kasunduan sa pagitan ng dalwang tao? Isang kasunduang kailangang pasukin at maipasatotohanan ng dalwang pirma? At ano ang kasunduang ito kundi isang kasunduang para bagang ang sinasabi'y pagbibigyan kita ngunit hindi mo maaaring gawin ang mga sumusunod . . .. Sa isang salita, isang kasunduang nagsasabing pagbibigyan kita lag'i lagi--huwag mo lang ako sasaktan.

Kung saan ang tanging pinapasok lamang na kasunduan ng tunay na pag-ibig ay ang pasiya nitong magbigay kailanman nang walang kapalit, kahit pa man ano ang mangyari, o kahit ano pa man ang gawin ng iniibig sa mangingibig. Ito ang tunay na kahirapan ng tunay na pag-ibig: sa pamamagitan ng isang pasiya, mulang nagyo'y wala nang iba pa itong gagawin kundi ang magbigay ng sarili kahit na ang sariling ito ay basag, hirap o wala na. Ang ibigay ang nauubus na o wala na--tunay na pag-ibig dahil mahirap ang pag-ibig.

Ngunit, dahil sa ang tanging nalalaman lamang ng mahirap na pag-ibig na ito ay ang magibigay ng lahat sa lahat ng pagkakataon, maaari tuloy nitong gawin ang kaisa-isang bagay na hindi mangangailangan ng isang kasunduan para magkatotoo o mapatunayan.

At ano ang tanging magagawa ng isang tangang pag-ibig? Maaari itong mangako. Maari itong mangakong umibig pa rin--magtago man ang araw, hindi man ito ibigin pang muli.



Comments

Popular posts from this blog

The Fields of Amorsolo

The first National Artist in Philippine history, referred to warmly as the “Grand Old Man of Philippine Art,” Fernando Amorsolo (1892–1972) still stands today as a looming figure in Philippine art responsible for being one of the artists who helped define what we up to now visually imagine as essentially Filipino. The images of rural life, of golden fields below clear blue, blue skies; the smiles of farmers which diminish their weariness as they plant, harvest, and winnow rice;most especially the iconic figure of the Filipina maiden working in the fields—the beloved dalagang bukid--; these, I believe, even after generations of Filipino painters since Amorsolo, have remained in our hearts and memory. Amorsolo did what great masters do for their country: bestow upon it its own icons, represent its native beauty, that is, to give its people and lands an identity and a face. There are, however, as many intentions for art as there are works of art. And these intentions will always remain in…

[Payapang Daigdig]

Written by Pat Nogoy, S.J.

Payapang Daigdig Felipe de Leon, Sr. 
Ang gabi'y payapa Lahat ay tahimik  Pati mga tala      Sa bughaw na langit 

Kay hinhin ng hangin Waring umiibig          Sa kapayapaan          Ng buong daigdig     
Payapang panahon    Ay diwa ng buhay Biyaya ng Diyos       Sa sangkatauhan
Ang gabi'y payapa Lahat ay tahimik Pati mga tala Sa bughaw na langit  
Pati mga tala           Sa bughaw na langit


The gift delivers Being/being Jean Luc Marion

There is something about the night.
The blanket of darkness hovering the other half of the day sparks ambivalence. Everything is the same in darkness—fear, joy, pain, triumph, doubt, glory, sorrow. Identities recede unto the vast anonymity. There is a pervading anxiety where existence slips into nothingness. One is never certain what to make out of darkness; maybe that is why the night shakes us because we never know. One cannot avoid imagining a something that is greater, higher, mightier, (even sinister) that lurks (hence the power of ghos…

Without Why (The Rose) II

Lifetime is a child at play; moving pieces in a game.
Kingship belongs to the child.

Heraclitus, Fragment 52


The child at play never asks itself why it plays. The child just plays; and if it could, it will play as long as possible, it will play throughout its life. See its delight and witness its smile.

If it would never go hungry or if the sun would never set it too will never leave its playmates and playthings. Time flies at play because it stops or suspends time. Time -- as we grownups only know too well -- is the culprit for order, schedules and priorities; yet for the child, there is no time, there is only bottomless play. It is we who impose that this or that should be done at this or that time. We stop the absurd and supposedly endless play ("He does nothing but play") because we insist that discipline, order and priorities be instilled in the child at an early age ("He needs to learn other things beside playing"). So that the child will become like us one da…