Skip to main content

Mga Panahon ng Pag-ibig

Bakit Ngayon Ka Lang
Ogie Alcasid

Bakit ngayon ka lang?
Bakit ngayon kung kailan ang aking puso’y
Mayroon nang laman?
Sana’y nalaman ko
Na darating ka sa buhay ko
‘Di sana’y naghihtay ako.

Ikaw sana ang aking yakap-yakap.
Ang iyong kamay lagi ang aking hawak
At hindi kanya.

Bakit ngayon ka lang dumating sa buhay ko?
Pilit binubuksan ang sarado ko nang puso
Ikaw ba ay nararapat sa akin?
At siya ba’y dapat ko nang limutin?
Nais kong malaman
Bakit ngayon ka lang dumating?

Ikaw sana ang aking yakap-yakap.
Ang iyong kamay lagi ang aking hawak.
At hindi kanya,
At hindi kanya.

Bakit ngayon ka lang dumating sa buhay ko?
Pilit binubuksan ang sarado ko ng puso.
Ikaw ba ay nararapat sa akin?
At siya ba’y dapat ko nang limutin?
Nais kong malaman
Bakit ngayon ka lang dumating?


***

Madaling magsisi. At mas madalas pa, ang tunay na pagsisisi ay hindi pagsisi sa iba—ibang tao, pagkakataon, Diyos, atbp.—ngunit ang pagsisisi ng sarili sa sarili.
Ang ibig sabihin nito’y may mga nagawa akong pagkakamaling kung titignan ko sa ngayon ay hindi ko sana nagawa. Marahil masasabi ko ngayon na nagmadali pala ako dati; o di kaya wala pala ako sa “tamang pag-iisip” upang makita ang mga bagay-bagay sa ilalim ng sapat na kaliwanagan upang maging mas makatwiran. O dahil karamihan sa ating mga pagkakamali ay pagkakamali lamang talaga—na hindi mabibigyan ng paliwanag o dahilan subalit ganoon lang talaga—maaaring lalo pang maging mabigat ang aking pagsisisi dahil wala akong masisi, ako man o iba. Kaya naman may halong galit at poot ang pagsisisi, o sa mas malumanay na pagpapakita nito, isang uri ng “pagka-asar.” Makikita ito sa pagsabing “Kung alam ko lang . . . sana . . . .”
Tignan natin ang sinasabi nitong mapagsising “Kung alam ko lang . . . sana. . . .” Malinaw na ipinahihiwatig nito na nagkaroon ng pagkukulang sa kaalaman kaya naman ginawa ang ginawa. Kung gayon, hindi talaga pinagsisisihan ang mismong ginawa kundi ang kakulangan ng kaalaman sa panahong iyon. Dahil kung naging tunay at tapat ang gawa, ito’y sumunod lamang sa isang paghatol ng pag-iisip ukol sa taglay na kaalaman o kakulangan nito (pareho lamang ang dalwa). Absoluto ang paggawa dahil absoluto ang kalooban; ngunit ang kaalaman pa rin ang siyang nagbibigay ng hulma at intensyon sa kalooban bago ito makapagpasiya. At dahil limitado ang kaalaman, maaaring magkamali ito—bagkus maaari ring “mali” ang ginawa. Kaya naman ngayon, sinasabi ko sana nalaman ko.
Mabigat ang sinsabi ng mapagsising-”sana.” Bakit? Dahil malinaw na ipinapahayag nito pareho ang pagkakamali at ang tunay na inaasam; kaya naman tapat ang “sana,” para bang walang itinatago o ikinukubli. Ngunit ibang-iba ang magpagsising-”sana” sa “sanang pag-asa. Mababatid agad na lumilingon sa nakaraan ang una, habang tumitingin sa hinaharap ang ikalawa. Higit pa, malungkot at mabigat ang mapagsising-”sana,” habang magaan kahit malalim ang umaasang “sana.” Para bang ganito: isang kumpisal ang una at isang dasal ang ikalawa.
At dito makikita ang kalabuan sa pagsisisi, kalabuan dahil para bagang ipinaghahambing nito ang dalwang hindi maaaring ipaghambing. Ano ang mga ito? Sa pagbaling at paglingon ng pagsisisi, nakatingin sa nakaraan ang mga mata nito, habang nasa kasalukuyan pa rin ang mga paa. Kaya naman maaaring magsisi: dahil “kung alam ko lang dati ang nalalaman ko ngayon, sana iba ang ginawa ko noon upang maging iba ang kasalukuyang nararanasan ko.” Makikita agad na may mga mabibigat ding pasan ang pagsisisi, mga bigat na maaaring maging pabigat hindi sa nakaraan kundi sa kasalukuyan. Anong ibig sabihin? Na sa mismong pagsabing “sana,” para bagang tinatanggalan ko ng bisa hindi lamang ang kasalukuyan kundi pati na rin ang aking mga nararanasan sa kasalukuyan. Uli: sa pagtingin sa nakaraan at sa pag-asam ng kung-anuman maliban sa kasalukuyan, ang ginagawa ko’y ipagpaliban ang kasalukuyan—at lahat ng sumasaloob dito—para sa isang hindi lamang “wala na” kundi para sa isa ring “wala na talaga.” Sa madaling salita, naiipit ako sa mapanganib na pagitan ng nakaraang lumipas at ng kasalukuyang hindi ko na hinahayaan dumating. Hindi dumarating? Oo—dahil hindi naman marunong umasa ang mapagsisising-”sana,” hindi lumilingon sa hinaharap. Sa katunayan, kabaligtaran ng pag-asa ang pagsisisi—dahil inaakala ng pagsisisi na nasa kamay nito ang lahat ng bagay at lahat ng panahon—lahat ng posibilidad.
Habang madaling unawain ang mga pag-iisip na ito, hindi maaaring maisantabi ang katotohanan na may mga bagay na talagang mahirap hindi pagsisihan o mahirap hindi isiping sana’y (hindi) nangyari (hal., kasalanan). At di gaya ng tinutukoy ng mapagsising-”sana,” mayroon ding isang karanasan kung saan habang hindi naman pinagsisisihan ang nakaraaan (hindi naman “nagkamali”), maaari rin namang “gisingin” ang nakaraan mula sa pananahimik nito dahil sa mga pangyayaring nagaganap sa kasalukuyan. Anong ibig sabihin nito? Habang hindi naman ako nagsisisi sa nakaraan—sabihin nating masaya pa ako dito—maaari ko pa ring tanungin bigla: “paano kaya kung hindi. . . ano kaya ang nangyari o mangyayari?” Madaling tanungin ito ng mga may malilikot na isip; at wala namang panganib dito. Ngunit, muli, maaaring magkaroon itong “paano kaya kung. . . ?” ng talab at bigat kapag tinatanong ko ito dahil at sa harap ng isang bagong posibilidad na dumating mula sa kung-saanman at nagpakita sa ngayon at dito.
Sa mas mainam na paraan, nagkakaroon ng bigat ang tanong na “paano kaya kung. . . ?” kapag may nakikita akong “mas magandang” posibilidad sa harap ko ngayon na hindi ko ma-ako o masubukan o magawang-totoo sa dahilang may mga bagay na hindi ko maaaring gawin ngayon bunga ng aking nakaraan—o mas mabuting sabihin, dahil may mga pinagpasiyahan ako noon na (dapat ay) may talab pa rin sa akin ngayon. Alam na natin ito: gaya ng paglabas ng mas bagong modelo ng telepono kung kaila’y kabibili mo lamang ng isa, o gaya ng pag-alok sa iyo ng isang marangyang trabaho kung kaila’y pang-tatlong taon ang pinirmahan mong kontrata sa kasalukuyang trabaho, o gaya ng huling pagdating ng pagkatagal-tagal na hinintay na pag-ibig kung saan may iniibig ka na dahil hindi ka naman maaaring maghintay magpakailanman. Ang tawag natin sa ganitong mga karanasan kung saan hindi naman talaga tayo nagsisisi kundi nanghihinayang (lamang?) dahil sa pagdating ng mga bagong posibilidad kung saan para bagang nakatali tayo sa nakaraan ay: “sayang.”
“Sayang”… at hindi “kung alam ko lang”: dahil alam kong wala naman akong ibang paraan noon upang malaman ang hinaharap—na maaari palang may dumating na “mas magandang” posibilidad. “Sayang”… hindi “nagkamali ako”: dahil sa katunayan, “tama” pa rin ang naging pasiya ko noon; ang suliranin lamang ngayo’y hinahamon ang dati kong pasiya nitong bagong posibilidad. Malinaw na kung hindi ko naman “nakita” itong bagong posibilidad na ito—at kung hindi ako nabighani, o lalo pa’t nahumaling—hindi ko naman pagdududahan ang nakaraan at ang pasiyang ginawa ko noon, kung tama man ito o mali. Sa katunayan, ni hindi pagsisisi sa sarili ang diwa ng “sayang” kundi isa itong uri ng pagka-inggit. Pagka-inggit?—paano naman pumasok ang inggit at kanino maiinggit?
Kapag sinasabi kong “sayang,” waring naiiinggit ako sa sarili ko ngayon na nakaharap sa “mas magandang” posibilidad kumpara sa dating ako na nagpasiya sa kung-anumang posibilidad na nagpakita sa akin dati. Kailangang linawin: hindi ako naiiinggit sa iba na maaaring makatamo ng posibilidad na nakikita ko rin ngayon (kahit ito ang unang pagpapakita ng pagka-inggit na ito), ngunit naiiingit ako sa sarili ko na maaari sanang matamo itong bagong posibilidad na hindi maaaring maging katotohanan ngayon dahil sa pagpasiya ko dati. Mas mabuting sabihing naiinggit ang kasalukuyang ako sa nakaraang ako. At bakit? Dahil kung ang nakaraang ako lamang ang nasa kasalukuyan—at mas mahalaga—kung malaya pa sana ako ngayon gaya ng dating ako bago nagpasiya, walang duda’y ang pipiliin ko ngayon ay ang bago at “mas magandang” posibilidad na bumibighani sa akin ngayon. Samakatuwid, naghahalo ang pagsisisi at panghihinayang at pagka-inggit sa salitang “sayang.” “Sayang. . .” dahil mas maganda sana ang telepono o trabahong ito. “Sayang. . .” dahil mas masaya siguro ako kung siya ang iniibig ko.
At masasabi ko lamang ang “sayang” dahil nakatuntong naman ako sa nakaraan. Dito nababaligtad naman ang galaw ng “sana”: dahil nasa nakaraan ang paa ng “sayang,” habang ang mata’y nakatingin naman sa kasalukuyan. Maaari lamang ako manghinayang dahil nakatali ako sa nakaraan habang may dumating na mas “magandang” posibilidad sa kasalukuyan. “Sayang. . . dahil hindi maaari.” At “hindi maaari” dahil nagpasiya ako dati na pumili ng isang posibilidad na, gusto ko man o hindi, ang siyang humuhubog sa aking hinaharap.
Sa isang banda, para bagang tinali ko ang aking sarili sa napagpasiyahan ko noon—na para bagang nagiging limitasyon ang anumang pasiya. Kaya naman sinabi ng pilosopong si Jean-Paul Sartre na absurdo o isang kabalintunaan ang kalayaan: malaya ako, kaya maaari akong pumili mula sa walang-hanggan mga posibilidad na nasa harap ko; ngunit sa mismong pagpili ko, nawawala lahat ng ibang posibilidad maliban sa pinili ko—kaya hindi na ako malaya. Sa paningin ni Sartre, ang tao ay hinatulan ng pagkabilanggo sa kanyang kalayaan: “Man is condemned to be free.”
Ngunit, sa kabilang banda naman, hindi nangangailangang maging para bagang isang mahigpit na tanikala ang nakaraan. Una, maaari namang iwanan lahat ng nakaraan at lahat ng mga pagpasiyang ginawa dati upang maging malaya sa ngayon. Lagi’t lagi namang maaari kong kalasin ang anumang tanikala sa pamamagitan ng lakas o sa kung anumang pagdadahilan (wasto o mali). Madalas at madali itong gawin. Ikalawa—at mas mahirap—maaari pa rin namang maging magaan at malumanay ang pagdala ko ng aking mga nakaraang pasiya, kahit sa harap ng isang magandang posibilidad na para bagang nangangako ng isang kasalukuyang mas masaya at isang bukas na mas maganda. Paano? Sa isang banda, maaari kong talikuran ang bagong posibilidad at iwanan—na para bagang hindi siya dumating; isang magandang panaginip, pero panaginip pa rin. Ngunit sa ikalawa, maaari ko pa rin namang yakapin ang bagong posibilidad na ito. At anong uri ng pagyakap ito? Isang pagyakap na hindi nangangahulugang gagawin ko siyang akin upang palitan ang nakaraan at kasalukuyan, ngunit isang pagyakap na para bagang ang ipinahihiwatig ay: “Sana…sayang…ngunit hindi talaga.”
Hindi isang pagwawalang-bahala ang “hindi talaga”—na para bagang binabawasan ko ang katotohanan ng kagandahan nitong bagong posibilidad, niyang bagong dating. Sa lahat ng maaari hindi ko gawin, hindi ko maaaring hindi siya galangin, siyang bagong dating, siyang madali namang ibigin. Subalit maaari ko pa rin naman siyang galangin sa ibang paraaan maliban sa pagkamit sa kanya sa katotohanan at hindi lamang bilang posibilidad—dahil “hindi talaga.” Ang “hindi talaga” ay galing sa isang malalim na pag-unawa na, marahil, mas mahalaga ang malinaw na pasiya sa paiba-ibang pagkakataon, na maaaring hayaan ko na lamang siyang bagong dating, dahil wala naman siya sa tamang panahon.

Comments

Popular posts from this blog

The Fields of Amorsolo

The first National Artist in Philippine history, referred to warmly as the “Grand Old Man of Philippine Art,” Fernando Amorsolo (1892–1972) still stands today as a looming figure in Philippine art responsible for being one of the artists who helped define what we up to now visually imagine as essentially Filipino. The images of rural life, of golden fields below clear blue, blue skies; the smiles of farmers which diminish their weariness as they plant, harvest, and winnow rice;most especially the iconic figure of the Filipina maiden working in the fields—the beloved dalagang bukid--; these, I believe, even after generations of Filipino painters since Amorsolo, have remained in our hearts and memory. Amorsolo did what great masters do for their country: bestow upon it its own icons, represent its native beauty, that is, to give its people and lands an identity and a face. There are, however, as many intentions for art as there are works of art. And these intentions will always remain in…

Without Why (The Rose) II

Lifetime is a child at play; moving pieces in a game.
Kingship belongs to the child.

Heraclitus, Fragment 52


The child at play never asks itself why it plays. The child just plays; and if it could, it will play as long as possible, it will play throughout its life. See its delight and witness its smile.

If it would never go hungry or if the sun would never set it too will never leave its playmates and playthings. Time flies at play because it stops or suspends time. Time -- as we grownups only know too well -- is the culprit for order, schedules and priorities; yet for the child, there is no time, there is only bottomless play. It is we who impose that this or that should be done at this or that time. We stop the absurd and supposedly endless play ("He does nothing but play") because we insist that discipline, order and priorities be instilled in the child at an early age ("He needs to learn other things beside playing"). So that the child will become like us one da…

A Love Sooner than Later

BROWN PENNY William Butler YeatsI whispered, 'I am too young,' And then, 'I am old enough'; Wherefore I threw a penny To find out if I might love. 'Go and love, go and love, young man, If the lady be young and fair.' Ah, penny, brown penny, brown penny, I am looped in the loops of her hair. O love is the crooked thing, There is nobody wise enough To find out all that is in it, For he would be thinking of love Till the stars had run away And the shadows eaten the moon. Ah, penny, brown penny, brown penny, One cannot begin it too soon.

*
One cannot begin to love too soon--conversely, one should not love too late or in life's demise. That waiting for the "right time," or the "right person" to love, what are these but the cries or sighs of an unready, even tired, heart? One becomes ready only when one begins to understand love slowly (or again), and one understands love progressively when one, simply, performs the act of love. Love, like mos…