Skip to main content

Takot at Pag-Ibig




Para kay Patrick


Interesanteng tanong ang kung bakit natatakot ang mangingibig. Interesante dahil sa simula't sapul, isang kabalintunaan ang mga salitang takot at pag-ibig. Gaya ng mga sinabi ni Patrick, walang maaaring humadlang sa pagmamalabis ng labis na pag-ibig dahil kung hindi nito ubusin ang sarili o ibigay ang lahat, hindi na ito labis—tunay—na pag-ibig, at kung gayon, hindi na ito pag-ibig. Alam natin ito: na wala naman dapat ikatakot ang pag-ibig. "Walang takot ang pag-ibig," ang sabi ni San Pablo. Sinasabi rin ito ni San Agustin sa Ang Lungsod ng Diyos: "Walang takot sa pag-ibig; pinapalayas ng dalisay na pag-ibig ang lahat ng takot, dahil may paghihirap sa takot. Hindi dalisay ang pag-ibig sa siyang natatakot" (XIV, kab. 9). Sa isang pormal na paraan, walang bahid ng takot ang diwa ng tunay na pag-ibig dahil takot mismo ang kabaligtaran ng pag-ibig: ang lahat ng takot ay ang takot umibig; at ang lahat ng pag-ibig ay ang pag-ibig na lagpasan ang lahat ng takot. Ngunit ito nga ba ang nangayayari sa simula't madalas? Tignan natin sa pamamagitan ng mga nakapag-papaisip na tanong ni Patrick.

Una, halaw sa karanasan ng marami masasabing ang pagkabigo ang siyang una at madalas na ikatakot ng mangingibig. Ang ibig sabihin nito'y mayroon kasing itinataya ang mangingibig. Sa unang pagpapakita pa lamang hanggang sa hayagang pagbigkas ng pag-ibig, inilalagay ko ang aking sarili sa isang mapanganib na lugar at pagkakataon. Mapanganib dahil, bilang unang umibig, ako ang unang "gumawa ng paraan," unang naglantad at unang nagpakita; at sa lahat ng ito, bilang una, hindi ko maitatangging umaasa ako na tangkilikin niya kundi man sundan niya ako. Makikita agad ang peligro sa ganitong pagkakaton: hindi lamang maaaring hindi niya ako tanggapin o higit pa'y gayahin, ngunit, aminin na natin, marahil isara niya rin sa akin agad ang pinto, paalisin o palayasin, o—mas masakit—hindi pansinin. Sa isang salita, natatakot akong matakot siya sa akin. Dahil kung matakot siya sa akin at sa ipinakikita at ipinahihiwatig ko (dahil sa anumang dahilan, hal., pagkalito, di pagtiwala, o malisya, atbp.) tiyak na—dahil tao lamang siya at di diyos—lalayo siya sa akin gaya ng pagtakbo ng isang tao mula sa sakuna. Dahil kung labis ang pag-ibig ko, gaya ng nabanggit sa unang katha, hindi ko maaaring hindi ipakita ang pagmamalabis at pagmamadali ko; kaya naman, sa lahat, ito ang nakakatakot para sa kanya na maaaring di man ako kilala o di man ako kaibigan. Hindi ito isang kahinaan o pagkukulang sa bahagi niyang aking labis na minamahal—ito ang batas ng ating kalikasan. Isang kalikasan na maaari lamang mabuwag, sa ganang maaari lamang niyang lagpasan ang anumang takot at bigla rin akong tanggapin o higit pa'y labis ding mahalin, kung siya rin ay nagpasiyang ibigin din akong labis kung umibig. Ngunit alam naman natin na hindi madalas mangyari ito.

Kung gayon, makikita na sa likod ng takot na mabigo ang aking pag-ibig ang takot na matakot siyang sa akin. At tunay itong takot na ito, isang takot na madalas pumigil sa maraming manginginbig. Ang pinanggagalingan kasi ng takot na ito'y walang iba kundi ang katotohanan na sa mimsong pagpapahayag at pagpapakita ko ng aking pag-ibig, inaasa ko sa kanya ang aking sarili, sa kanya na maaaring tanggapin ako o itanggi, o mas madaling sabihin, sa kanyang hindi ko maaaring hawakan. Ang pakiramdam at lalo na ang pasiya niya'y kanya; at anumang gawin ko upang ipakita na ako'y totoo, siya pa rin sa huli ang manghuhusga kung ako nga ay tunay at, sa madaling salita, kung nais niya rin akong ibigin. Ito ang panganib na nararanasan ng sinumang nangangahas na umibig: habang tiyak siya sa sarili niya, hindi naman tiyak sa simula't madalas ang iniibig. Kaya nasa kanya ang kapangyarihan: ibinigay ko na ang regalo ko, maaaring niyang hindi pansinin o higit pa'y ibalik sa akin; wala na sa akin ang "manobela" o "bola" dahil pinasa ko na. O mas mainam na halimbawa: tulad ako ng isang testigo na sinabi na ang lahat ng nalalaman niyang katotohanan sa husgado, ngunit ang hukuman pa rin ang magpapasiya kung "totoo" ang sinabi niya. Hindi mahalaga kung "tama" o "mali" ang pasiya ng hukuman o niyang aking iniibig. Ang tanging nararanasan ko lamang ay wala ako sa lugar na maghatol dahil hindi ko isip ang isip ng hukom at hindi ko kamay ang kamay ng iniibig. At sa lahat, natatakot akong ipawalang-bisa niya (kahit hindi man itanggi—minsa'y mas madali itong tanggapin) ang katotohanan ng aking pag-ibig at kasunod nito'y hindi talaga ako ibigin.

Ngunit kailangang sabihin nang walang pagsesentyemento na walang ibang paraan kundi maghintay sa pasiya niya. Sa ganitong panahon ng paghihintay ko nararanasan ang isang uri ng kamatayan, gaya ng sinabi ni Patrick. At muli, sa paghihintay din wari "tumitigil" ang aking pag-ibig, isang pagtigil na hindi naman katapusan, ngunit isang uri ng kaalamang para bagang "sapat" na para sa aking iniibig ang nakita at narinig niya sa akin, kumbaga, alam kong alam niya nang iniibig ko siya, at sa ngayo'y wala nang ibang maaaring gawin kundi maghintay. At itong paghihintay na ito ang panahon kung saan tayo'y nababalot ng dilim ng pagkatakot dahil walang katiyakan—kamatayan.

Ukol sa ikalawang posibilidad na ibinigay: natatakot ang mangingibig na pagkamalan siyang baliw dahil sa ipinapakita niyang labis na pag-ibig. Maaari. Subalit sa sa kabilang banda, sinasabi ng karanasan na walang anumang takot ang baliw. Ang pagkatakot ang huling dadampi sa nararamdaman ng mangingibig. O mas mabuting sabihin na ang pagkabaliw ang siyang kabaligtaran ng takot o ang kawalan nito. Muli, gaya ng sinabi ni Platon na isang uri ng mania o kabaliwan ang pag-ibig, dahil sa wika natin, wala itong pakialam sa takot, para baga siyang isang hayop na nakawala sa kulungan ng takot at kaya naman mukhang "nagwawala" ang mga maningingibig. Nagwawala dahil nakawala, ibig sabihin kumawala na kasi sa mga rehas ng isip ang kanyang masidhing damdamin, kung saan ang kahulugan nito'y hindi niya na maipaliwanag ang kanyang pag-ibig, o wala na siyang maibigay na dahilan sa kanyang pag-ibig. At kung wala na akong maibigay na paliwanag, hindi na rin ako maaaring hadlangan ng aking "isip" o "katwiran" mula sa nais kong gawin. Ano ito nais kong gawin sa aking pagwawala?—ang umibig nang walang sukat dahil hindi na masukat o matimbang ng pag-iisip o ang umibig nang labis sa "akma" o "tama lang" o "dahan-dahan lang… dahil baka matakot siya." Nabaliw siya sa pag-ibig—ang ibig sabihin nito'y hindi maunawaan ng iba ang mga pinaggagagawa niyang tila ba nahumaling sa iniibig, na para bagang nawala na siya sa katwiran o "tamang pag-iisip," o nabaliw na. At ang pagkabaliw dahil nakawala na sa katwiran ang pag-ibig: pag-ibig na wala nang takot sa anuman—kahit mabigo.

Dahil ang takot ay nanggagaling sa katwiran, ang pag-ibig sa damdamin ng puso. Ang takot mabigo ay takot ng isip, ang puso't pag-ibig wala naman kinatatakutan. Tungkulin ng isip, ayon muli kay Platon, ang maghari at kung kailanga'y pigilan ang damdamin, habang tungkulin lamang ng puso na umibig. Nangangailangan ng katiyakan ang katwiran, isinasantabi ng pag-ibig ang lahat ng katwiran dahil kung mangangatwiran lamang ito, wala talaga itong iibigin kailanman o simuman dahil hindi naman makatwiran ang anumang pag-ibig—kung iisipin ko lamang, hindi ko naman "kailangang" umibig. Walang makatwirang katiyakan ang pag-ibig, kaya naman padalus-dalos ito sa kanyang pagmamalabis, isang pagmamalabis ayon sa sukat ng katwiran. Dagdag pa'y mukhang baliw ito dahil wala namang dahilan, tila nagwawala ang mangingibig dahil nawawala na sa sariling isip. Bakit, kung gayon, ginagawa ito ng labis na mangingibig? O paano posibleng lagpasan niya ang anumang takot at katwiran upang umibig lamang?

Dahil may katiyakan ding taglay ang pag-ibig, isang katiyakang hindi makatwiran o nanggagaling sa pag-iisip, ngunit tunay na katiyakan pa rin. Ano itong katiyakang ito: na totoo ang aking pag-ibig, at dahil dito, hindi ko maaaring hindi ito ipahayag, ipakatia, o mas mabuti, ibigay. Sinabi na ni Pascal na "may mga nalalamang dahilan ang puso na hindi nauunawaan ng isip." At, taglay lamang ang kaalamang kailangan nitong umibig, gaya ng nasabi na, nagpapasiya ako na maging mangingibig; ngunit ang pasiyang ito'y di na pasiya ng isip ngunit pasiya na ng puso.

At madaling gawin ng puso itong pasiyang umibig nang labis. Dahil wala sa kalikasan ng pag-ibig na magtago, manahimik, o maging makasarili (ibigin lamang ang sarili). Likas sa pag-ibig ang lumabas sa sarili nitong pagtatago at maglantad sa harap ng iniibig. Ang tawag ng mga pilosopo dito sa di mapigilang paglabas ng pag-ibig ay ek-stasis, isang pagtalon, pag-alis at pakikipagsapalaran ng sarili tungo sa iba-sa-sarili at lagpas sa kinalalagyan nito. Sa salita natin, makikita ito sa "kalooban"—at dahil lumalabas mula sa kaloob-looban ng isang tao ang pag-ibig. Higit pa, gaya ng mahihinuha sa salitang "ecstatic," ang pagtalon na ito'y isang maligaya at kagalak-galak na pagtalon, at hindi puno ng takot o pag-aalangan. Pansinin: hindi naman malungkutin ang mga umiibig. Sa katunayan, labis silang maligaya, taglay ang isang nag-uumapaw na ligaya na di na galing sa isang makatwirang katiyakan. Para bagang may lihim silang di kailanma'y malalaman ng iba. At dahil sa kaligayahang ito, gaya ng nasabi na, kaya naman nagmumukha siyang baliw o "manic," na isang uri ng sikolohikal na karamdaman o sakit sa utak. Marahil ito ang sakit ng lahat ng labis kung umibig.

Sa huli, kailangang tanungin kung saan nanggagaling itong kaligayahang ito? Ano ang maligaya kong tinutungo nang walang takot? Gaya ng mahihinuha sa mga nasabi na sa itaas, kapag "nagwawala" ang mangingibig, nawawala ito sa sarili, maligaya itong tumatalon tungo sa iniibig, at doo'y tahimik na nananahan sa paghintay taglay lamang ang malalim na katiyakan ng puso at matibay na pasiyang umibig, umibig at lalo pang umibig. Sa pakikipagsapalarang ito tungo sa Iyo, alam kong habang tunay ngang mapanganib ang pag-alis ko, hinihigitan ang panganib na ito ng aking maligayang pag-ibig sa isang paraan na pati ang takot ko'y iniibig ko na rin—dahil iniibig kita.

Comments

Popular posts from this blog

The Fields of Amorsolo

The first National Artist in Philippine history, referred to warmly as the “Grand Old Man of Philippine Art,” Fernando Amorsolo (1892–1972) still stands today as a looming figure in Philippine art responsible for being one of the artists who helped define what we up to now visually imagine as essentially Filipino. The images of rural life, of golden fields below clear blue, blue skies; the smiles of farmers which diminish their weariness as they plant, harvest, and winnow rice;most especially the iconic figure of the Filipina maiden working in the fields—the beloved dalagang bukid--; these, I believe, even after generations of Filipino painters since Amorsolo, have remained in our hearts and memory. Amorsolo did what great masters do for their country: bestow upon it its own icons, represent its native beauty, that is, to give its people and lands an identity and a face. There are, however, as many intentions for art as there are works of art. And these intentions will always remain in…

[Payapang Daigdig]

Written by Pat Nogoy, S.J.

Payapang Daigdig Felipe de Leon, Sr. 
Ang gabi'y payapa Lahat ay tahimik  Pati mga tala      Sa bughaw na langit 

Kay hinhin ng hangin Waring umiibig          Sa kapayapaan          Ng buong daigdig     
Payapang panahon    Ay diwa ng buhay Biyaya ng Diyos       Sa sangkatauhan
Ang gabi'y payapa Lahat ay tahimik Pati mga tala Sa bughaw na langit  
Pati mga tala           Sa bughaw na langit


The gift delivers Being/being Jean Luc Marion

There is something about the night.
The blanket of darkness hovering the other half of the day sparks ambivalence. Everything is the same in darkness—fear, joy, pain, triumph, doubt, glory, sorrow. Identities recede unto the vast anonymity. There is a pervading anxiety where existence slips into nothingness. One is never certain what to make out of darkness; maybe that is why the night shakes us because we never know. One cannot avoid imagining a something that is greater, higher, mightier, (even sinister) that lurks (hence the power of ghos…

Without Why (The Rose) II

Lifetime is a child at play; moving pieces in a game.
Kingship belongs to the child.

Heraclitus, Fragment 52


The child at play never asks itself why it plays. The child just plays; and if it could, it will play as long as possible, it will play throughout its life. See its delight and witness its smile.

If it would never go hungry or if the sun would never set it too will never leave its playmates and playthings. Time flies at play because it stops or suspends time. Time -- as we grownups only know too well -- is the culprit for order, schedules and priorities; yet for the child, there is no time, there is only bottomless play. It is we who impose that this or that should be done at this or that time. We stop the absurd and supposedly endless play ("He does nothing but play") because we insist that discipline, order and priorities be instilled in the child at an early age ("He needs to learn other things beside playing"). So that the child will become like us one da…