Skip to main content

Tugon kay Patrick




Kaibigang Patrick,

Una sa lahat, walang pangangailangang magpaumanhin sa akin. Para saan?--kung saan wala naman akong ginagawa, at mas mahalaga, ako'y nananabik pa sa anumang matinong usapan tungkol sa kung anuman at lalo na sa "pilosopiya." Dahil lagi't lagi tayong may matututunan. Ako ang dapat na magpasalamat sa iyo.

Ngunit may pag-aalangan ako sa pagsabing ako'y namimilosopiya; hindi ko matatawag na ang ginagawa ko'y pamimilosopiya na. Oo, nasa larangan tayo lag't lagi ng pilosopiya. Ito ang ipinahihiwatig ni Platon sa kanyang sinabing "For by nature, my friend, man dwells in philosophy." Ngunit itong pananahan sa pilosopiya ay walang iba kundi isang pagiging-malapit lamang dito. Kaya naman, higit sa lahat, masasabi kong hindi pa ako namimilosopiya; sa katotohanan, ako'y sumusubok lamang na gawin ito. Kaya naman ako'y nagsusulat ng mga sanaysay na sa pangunahing kahulugan nito'y (Essais) isang "pagtangka." Pagtangka: ibig sabihin, mga iba't ibang pagsubok upang lalong makalapit sa pilosopiya at sa hinahanap.

At gaya ng mahihinuha mo, mas madalas na hindi matutumbok ang pilosopiya at ang kung anumang hinahanap sa larangang ito. Lagi't laging padaplis lamang ang anumang pagtangka ng pagsusulat (kaya naman "Matapos sabihin ang lahat ng masasabi . . . ."). Ito'y mga ehersisyo lamang. O, sa iyong talinhaga, isang pagmimina. Pansinin: sa pagmimina, hindi madaling mahahanap ang ginto. Matagal, mahirap, nagkapapagod ang buong paghahanap; at kailangang tanggapin na sa huli, maaaring hindi kailanman makahanap ng ginto. Gaya ng mga pilosopo. O gaya natin. Kailangan tanggapin na baka walang katuturan ang buong paghahanap kung ang ibig sabihin ng "katuturan" ay walang iba kundi ang pagkamit ng hinahanap. Ngunit alam mo na naman na mas "mahalaga" ang paghahanap sa pagkamit. Hindi tayo tumutubo sa pagkamit. At madalas, sa mismong pagkamit, may di maunawaang kalungkutan na bumabalot sa atin. At ang tawag dito sa kakaibang kalungkutang ito ay tristia amoris.
Natutunan ko ito sa ating Guro.

Kaya may pagdududa ako sa ibang dali-daling sinasabing sila'y pilosopo. Maraming ganyan. Kung susundan ang sinabi sa itaas, para bang nahanap na nila ang kanilang hinahanap, o, sa isang salita, tapos na ang kanilang pamimilosopiya. Dahil kung ang pamimilosopiya'y isang walang hanggang pagtangka, para bagang sinasabi nilang nasubukan na nila ang lahat at wala nang kailangan pang subukan. Hindi na kailangang magsimula. Kung saan, gaya ng pangunahing pagbibigay kahulugan nila Husserl at Heidegger, laging baguhan o "perpetual beginner" ang pilosopo. Baguhan dahil laging may bagong kailangang subukan. At hindi ito nangangahulugang natapos na ang sinimulan dati--kadalasan, nagsisimula tayo ulit dahil naligaw tayo o napatid: hindi nahanap ang hinahanap. At dahil hindi nahanap, kailangang hanapin ulit. Alam mo na ito.

May katotohanan sa iyong kabatiran na hindi isang pakikipagtalastasan o debate ang pamimilosopiya. May pag-aalangan din ako sa mga nagdedebate. Una sa lahat, dahil hindi kasinghalaga sa kanila ang katotohanan kaysa sa retorika at pangangatwiran. Makikita ito sa mismong struktura ng isang debate: hindi mo pipiliin ang iyong pinaniniwalaang nasa katotohanan kundi ibibigay nila sa iyo kung anong partido ka tungkol sa isang paksa. Maaaring para o laban ka sa isang paksa at hindi mahalaga kung alin ito. Sa isang salita, hindi mahalaga ang katotohanan. Ang mahalaga'y talunin ang kabila, baligtarin ang kanilang sinasabi, at maging masigasig sa iyong pananalita.

Sa panahon ng mga sinaunang Griyego, mayroong mga guro ng retorika at pangangtwiran na pumupunta sa iba't ibang mga lugar upang magturo sa mga kabataan. Binabarayan sila sa galing ng pakikipagtalastasan at pagsasalita at pamimilit na mapatunayang tama ang kanilang nalalaman. Kaya naman ang tawag sa kanila'y mga sophos o "sophists" o mga "marunong." At talaga namang may nalalaman at magagaling sila. Ngunit, gaya ng mahihinuha sa salitang philo-sophia, o pagmamahal at paghahanap ng karunungan, hindi sila mga pilosopo. Sa katunayan, ang unang nangahas na sumalungat sa kanila ay walang iba kundi si Sokrates.

Hindi naniwala si Sokrates na mahahanap sa debate ang katotohanan. Mailap kasi ang katotohanan; hindi ito napapatunayan at lalo nang walang huling salita ukol dito (di gaya ng debate na may tinatanghal na "panalo"). Kaya naman dialogo ang struktura ng mga sulatin ni Platon. Sila'y mga usapan lamang kung saan madalas makikitang nagtatanong si Sokrates sa mga sophos dahil hindi niya alam ang "sagot." Totoo, madalas na "napapatunayan" ni Sokrates na hindi talaga alam ng mga sophos ang kanilang sinasabi; ngunit hindi ito ang kanyang pakay--na pahiyain sila. Ngunit, at talaga namang madaling isipin, madalas na nagagalit ang mga tinatanong ni Sokrates dahil nagmumukha silang tanga sa huli. At marahil ito ang unang hakbang ng nais na mamilosopiya: na amining ako'y tanga, hindi sa ako'y bobo, ngunit sa ganang wala akong alam. At gaya ng sinabi ni Sokrates, may karunungan sa kaalamang wala akong alam. Kaya naman maaari akong magsimula.

Ngunit hindi naman banidoso ang "pagmimina" ng pilosopo. May nahahanap ring ginto. Kung ika'y mapalad, nagpapakita rin ang katotohanan (aletheia). Kung ika'y masinop, madadatnan din ang Lichtung. At kung pababayaan mo akong magsalita mula sa aking karanasan, wala nang mas gaganda pa sa mga karanasang ito. Ngunit sila'y panandalian. Kaya naman sinabi ni Platon na para itong kamatayan.



Comments

Post a Comment

Popular posts from this blog

The Fields of Amorsolo

The first National Artist in Philippine history, referred to warmly as the “Grand Old Man of Philippine Art,” Fernando Amorsolo (1892–1972) still stands today as a looming figure in Philippine art responsible for being one of the artists who helped define what we up to now visually imagine as essentially Filipino. The images of rural life, of golden fields below clear blue, blue skies; the smiles of farmers which diminish their weariness as they plant, harvest, and winnow rice;most especially the iconic figure of the Filipina maiden working in the fields—the beloved dalagang bukid--; these, I believe, even after generations of Filipino painters since Amorsolo, have remained in our hearts and memory. Amorsolo did what great masters do for their country: bestow upon it its own icons, represent its native beauty, that is, to give its people and lands an identity and a face. There are, however, as many intentions for art as there are works of art. And these intentions will always remain in…

Without Why (The Rose) II

Lifetime is a child at play; moving pieces in a game.
Kingship belongs to the child.

Heraclitus, Fragment 52


The child at play never asks itself why it plays. The child just plays; and if it could, it will play as long as possible, it will play throughout its life. See its delight and witness its smile.

If it would never go hungry or if the sun would never set it too will never leave its playmates and playthings. Time flies at play because it stops or suspends time. Time -- as we grownups only know too well -- is the culprit for order, schedules and priorities; yet for the child, there is no time, there is only bottomless play. It is we who impose that this or that should be done at this or that time. We stop the absurd and supposedly endless play ("He does nothing but play") because we insist that discipline, order and priorities be instilled in the child at an early age ("He needs to learn other things beside playing"). So that the child will become like us one da…

A Love Sooner than Later

BROWN PENNY William Butler YeatsI whispered, 'I am too young,' And then, 'I am old enough'; Wherefore I threw a penny To find out if I might love. 'Go and love, go and love, young man, If the lady be young and fair.' Ah, penny, brown penny, brown penny, I am looped in the loops of her hair. O love is the crooked thing, There is nobody wise enough To find out all that is in it, For he would be thinking of love Till the stars had run away And the shadows eaten the moon. Ah, penny, brown penny, brown penny, One cannot begin it too soon.

*
One cannot begin to love too soon--conversely, one should not love too late or in life's demise. That waiting for the "right time," or the "right person" to love, what are these but the cries or sighs of an unready, even tired, heart? One becomes ready only when one begins to understand love slowly (or again), and one understands love progressively when one, simply, performs the act of love. Love, like mos…