Skip to main content

Pangungulila ng Pasko

15



PASKO NA SINTA KO
Music: Francis Dandan
Lyrics: Aureo Estanislao

Pasko na sinta ko
Hanap-hanap kita
Bakit nagtatampong
Nilisan ako

Kung mawawala ka
Sa piling ko sinta
Paano ang Paskong
Inulila mo

Sayang sinta ang sinumpaan
At pagtitinginang tunay
Nais mo bang kalimutang ganap
Ang ating suyuan at galak

Kung mawawala ka
Sa piling ko sinta
Paano ang Paskong
Alay ko sa iyo




***



Ginagawa kang mag-isa ng pag-ibig
Virginia Woolf



Bakit sa Pasko, higit sa iba pang panahon, nararamdaman ang malalilm na lungkot ng pagiging mag-isa? Bakit sa Pasko, higit sa anumang okasyon, ipinagdiriwang ang pagmamahalan ng mga magkasintahan? Ano ba ang nasa Pasko na kailangang isiping maligaya ako kasama ng iba at iniiwasan ang pagiging mag-isa?

Maaari namang tignan ang Pasko bilang isa sa maraming pagdiriwang na nangangahulugan lamang ng bakasyon at pahinga. Ito marahil ang inaantabayanan ng mag-aaral na nais iwanan ang mga gawain sa paaralan; para sa isang nagtatrabaho, ibig sabihin nito'y ilang araw din ng hindi pagpasok; para sa mga tindahan o ibang kainan, isang araw--bihirang pagkakataon!--na maaaring magsara. Gaya ng iba pang bakasyon, isang paghinto't pagpahinga ang kalakip ng Pasko.

Ngunit kung titignan naman ang karamihan, para bagang lalong nakapapagod ang Pasko. Abala ang lahat sa pamimili at pagbabalot ng kanilang mga regalo para sa mga kaanak at mga minamahal; hindi matapos-tapos ang mga salu-salo (sa opisina, kabarkada, kaanak, atbp.); at sa halip na mamahinga lalo pang nilulubos ang mga araw na ito--na kung minsa'y ang absurdo ay kailangan pa ng bakasyon pagkatapos ng Pasko.

Kaya ano nga ba ang nangyayari sa atin kapag Pasko? Ano ang nagbabago sa habang hinihintay ang araw na ito?

Hindi nararamdaman ang Pasko sa biglaang lamig ng hangin o sa kislap ng mga palamuti't ilaw na kinukulayan ang sa karaniwa'y madidilim na gabi. Hindi rin nalalaman na Pasko na dahil sa kumakapal na trapik o sa sarap ng hamon, tsokolate't keso sa hapag-kainan. Hindi naman sa ang mga ito'y mga palamuti lamang, mga aksidental na katangiang kaagapay ng tunay na diwa ng Pasko; sa katunayan, maaaring ang mga ito'y tanda ng araw na iyon, mga tagapagpapahayag sa pagdating ng hinihintay ng lahat. Subalit alisin ang lahat ng ito (sabihin nati'y nasa malayo kang lugar, sa ibang bansa kung saan wala ang lahat ng mga tandang ito) hindi pa rin maitatanggi ang pakiramdam na hatid ang Pasko: isang pakiramdam na sa isip man o sa diwa, talagang nariyan, at waring may sinasabi. At para bagang ito ang sinasabi sa bawat isa: Umibig ka ngayong Pasko.

Kaya tayo hindi nakapagpapahinga o umaalis ng bansa. Kaya tayo nagpapaganda ng bahay o bumibili ng regalo. Dahil ang Pasko ay para sa iba--para sa lahat ng iba maliban sa akin. Binibigyan ako ng Pasko ng pagkakataong makapagbigay na, pansinin, maaaring maging kakatuwa kung gagawin ko ito sa ibang panahon o pagkakataon (halimbawa, unang araw ng Nobyembre). Ang Pasko ay isang pagkakataong magpasalamat at magbigay sa mga nagmahahal sa akin; at, maaaring higit pa o mas mahalaga, lalo na doon sa ni hindi ko naman kilala o hindi naman ako minahal (pagbibigay sa mga nangangailangan). Mahal man ako o hindi, ang natitiyak ko lamang naman talaga ay nais kong magmahal sa Pasko. Binubulungan ako ng maginhawang ihip ng hangin: magbigay, magmahal ka ngayong Pasko.

At dito nagiging problematiko ang Pasko para sa ilan. Dahil paano kung wala kang mapagbigyan? O di kaya'y walang makapiling sa mga pagdiriwang? Sa isang salita, Paano ang Pasko kung wala kang sinisinta? Sa madaling sabi, kung wala akong obhetong maaaring ibigin at buhusan ng pagmamahal ngayong Pasko, nagiging alanganin ang pakiramdam ko sa panahong ito. Walang obheto: ibig sabihin wala akong makasama maliban sa aking sarili (sa pamimili ng regalo, sa noche buena, sa simbang gabi, atbp.); wala akong mabigyan (ng regalo, ng panahon, ng pasasalamat); o walang akong mapag-alayan ng pag-ibig. At kapag nangyari ito, minsa'y nagiging malabnaw ang Pasko--na parang "hindi ko naramdaman ang Pasko"--o di kaya'y, mas malupit, nagiging malungkot ang Pasko. Dahil ako, sa panahong pinakakaibig-ibig dahil madali at masarap umibig, dahil ako ay nag-iisa.

(Madalas na sabihin ng mga sikologo na may tinatawag na isang uri ng kalungkutan na nararamdaman ng iba sa pagsapit ng malamig na panahon, na sa atin, katumbas din ng pagdating ng Pasko: seasonal affective disorder o isang uri ng pagkalungkot o depression na dala ng pagbabago ng panahon. Dahil malamig daw kasi, dahil nagtatago ang araw at nagiging kulay-abo ang lahat, at dahil walang tumutubo. Maaring may katotohanan dito. Ngunit maaari ring ito ay sintomas lamang ng mas malalalim na katotohanan: na hindi nating ibig maging mag-isa sa malalamig na gabi ng Pasko.)

Kapag wala kasi akong iniibig sa Pasko, binabaligtad ko ang diwa nito, ipinawawalang-saysay ko ito, o di kaya'y winawasak ko ito. Hindi naman sa malisyosyo kong ginagawa ang pagwasak na ito (sa katunayan ni hindi ko nga ito maisip gawin dahil masasaktan lamang ako). Tahimik kong binabata ang kalungkutan ng pagiging mag-isa sa Pasko. Sa susunod na Pasko, iibig din ako. Pero ngayon, dadaanan ko na lamang ito.

At kailangang daanan lamang dahil "walang lusot" ang kalungkutan ng pagiging mag-isa tuwing Pasko. Bakit? Dahil mas ipinadarama sa akin ang kapanglawang ito kapag nakikita ko ang kaliwa't kanang mainit na pagmamahalan ng mga mangingibig. Dumudoble ang lungkot kung napaliligiran ito ng ligaya, nagiging malalim ang katotohanan ng pag-iisa sa pagkilala na ang lahat ay may kasama. Hindi ito isang kasakiman; ito ang batas ng pag-ibig. Kaya muli, hinaharap ko ang tanong: Paano ang Pasko kung ulila ako?

Kaibigan ng mga mangingibig ang Pasko, isang sakuna naman ito sa nag-iisa. Naisasakatuparan ang Pasko para sa nagbibigay, ginagawang sakim naman nito ang walang mapagbigyan. At sa paghahanap ng mapagbibigyan (nakasusunog sa kamay ang regalong walang tatanggap), dumadapo sa alaala ang huling tumaggap, ang huling nakasama, ang huling inibig. At ito na marahil ang huling parusa para sa mga nag-iisa sa Pasko: hindi mo maiiwasang tandaan, balikan ang nagdaang Pasko, ang huling maligayang Pasko. Siya na huli kong inibig ay hindi maaaring hindi hanapin ngayong panahon ng matinding kalungkuta't at pinakamalalim na pag-iisa. Kaya ko nararamdaman ang lungkot sa Pasko ay dahil naalala ko na naging maligaya na ako dati. Na posbile palang ako'y maging maligaya.

Naiwang ulila ng mga nagdaang Pasko, ang nakikita ko tuloy ay ang nalibreng oras na sa kagawia'y kasama dapat siya, ang krismas tree na puno ng mga regalong ni wala naman ni iisang nanggaling sa kanya, at ang hapag-kainan na kulang ng isang silya.

Bakit may bigat na walang katumbas ang mga alaala natin ng mga nagdaang Pasko? Bakit di mapigilang hanapin ang nawawala o hintayin ang hindi na naman darating sa panahong ito?

Dahil ang Pasko ay ang panahon ng pag-ibig. Isang panahon upang alalahanin ang Unang Pasko at ang Unang Regalo. Isang panahon ng paggunita sa mga minahal mo at nagmahal sa iyo, kahit wala na sila upang pasalamatan, kahit mga bakas na lamang ang kanilang iniwan. At isang panahong kailangan mong isiping ika'y maligaya. Kailangang lamang itong daanan nang may pag-asa. At alam ito ng mga marunong maghintay para sa panibagong buhay--gaya ng bagong buhay na hatid ng Sanggol ng Ama.



30

Comments

  1. Merry Christmas and a Happy New Year to you and your family! Know that God loves you very much... as is, where is... (= Oh, I almost forget. You're a romantic. Don't worry, He'll give you your heart's desire next Christmas (=

    ReplyDelete

Post a Comment

Popular posts from this blog

The Fields of Amorsolo

The first National Artist in Philippine history, referred to warmly as the “Grand Old Man of Philippine Art,” Fernando Amorsolo (1892–1972) still stands today as a looming figure in Philippine art responsible for being one of the artists who helped define what we up to now visually imagine as essentially Filipino. The images of rural life, of golden fields below clear blue, blue skies; the smiles of farmers which diminish their weariness as they plant, harvest, and winnow rice;most especially the iconic figure of the Filipina maiden working in the fields—the beloved dalagang bukid--; these, I believe, even after generations of Filipino painters since Amorsolo, have remained in our hearts and memory. Amorsolo did what great masters do for their country: bestow upon it its own icons, represent its native beauty, that is, to give its people and lands an identity and a face. There are, however, as many intentions for art as there are works of art. And these intentions will always remain in…

[Payapang Daigdig]

Written by Pat Nogoy, S.J.

Payapang Daigdig Felipe de Leon, Sr. 
Ang gabi'y payapa Lahat ay tahimik  Pati mga tala      Sa bughaw na langit 

Kay hinhin ng hangin Waring umiibig          Sa kapayapaan          Ng buong daigdig     
Payapang panahon    Ay diwa ng buhay Biyaya ng Diyos       Sa sangkatauhan
Ang gabi'y payapa Lahat ay tahimik Pati mga tala Sa bughaw na langit  
Pati mga tala           Sa bughaw na langit


The gift delivers Being/being Jean Luc Marion

There is something about the night.
The blanket of darkness hovering the other half of the day sparks ambivalence. Everything is the same in darkness—fear, joy, pain, triumph, doubt, glory, sorrow. Identities recede unto the vast anonymity. There is a pervading anxiety where existence slips into nothingness. One is never certain what to make out of darkness; maybe that is why the night shakes us because we never know. One cannot avoid imagining a something that is greater, higher, mightier, (even sinister) that lurks (hence the power of ghos…

A Love Sooner than Later

BROWN PENNY William Butler YeatsI whispered, 'I am too young,' And then, 'I am old enough'; Wherefore I threw a penny To find out if I might love. 'Go and love, go and love, young man, If the lady be young and fair.' Ah, penny, brown penny, brown penny, I am looped in the loops of her hair. O love is the crooked thing, There is nobody wise enough To find out all that is in it, For he would be thinking of love Till the stars had run away And the shadows eaten the moon. Ah, penny, brown penny, brown penny, One cannot begin it too soon.

*
One cannot begin to love too soon--conversely, one should not love too late or in life's demise. That waiting for the "right time," or the "right person" to love, what are these but the cries or sighs of an unready, even tired, heart? One becomes ready only when one begins to understand love slowly (or again), and one understands love progressively when one, simply, performs the act of love. Love, like mos…