Skip to main content

Karunungan ng Pag-Ibig


Sa aking mga mag-aaral

Pagkatapos ng isang taon, tayo ay humahantong sa paglalarawan ni Jean-Luc Marion sa pag-ibig: na ang pag-ibig ay ang “pagdanas ng isang maligayang pagdiriwang ng nakikita at timbang na bagtasan ng mga hindi makitang titig.”


-->At dahil ang pag-ibig ay sabay nakikita at hindi nakikita, nagiging posible kung gayon na kahit hindi ko nakikita ang aking iniibig, nakikita at minamahal ko pa rin talaga siya. Kaya naman hindi kinakailangang nagtititigan ang dalawang nag-iibigan para magmahalan; hindi nila kailangang nakaharap sa isa’t isa. Gaya ng sinabi ni Antoine de Saint-Exupery: Love does not consist in gazing at each other but in looking outward in the same direction. Kung gayon, kung naniwala lamang si Orpheus sa pagmamahalan nila ni Eurydice, hindi niya na sana kinailangang makitang sumusunod sa kanya si Eurydice palabas ng Hades. Kung nagtiwala lamang si Orpheus sa pagmamahal ni Eurydice, hindi na niya sana kinailangang siya’y makita, at nakapaglakad sana sila tungo sa iisang direksyon, tungo sa parehong abot-tanaw kung saan maaari sila muling magmahalan.

-->Ngunit, kung iisipin muli, paano ba magtitiwala sa isang pagmamahal na hindi nakikita? O paano pa ba maaaring malaman ni Orpheus kung tunay ang pagmamahal ni Eurydice kung hindi niya ito titignan? At narito ngayon ang huling problematiko na sinasabi ni Marion sa sanaysay na “What love knows.” Ang problematiko ay ganito: kung walang nakikita sa pag-ibig, o ni hindi na kailangang makakita ang mangingibig, wala rin akong malalaman tungkol sa iniibig. O muli: kung hindi ko nakikita ang iniibig, at siya lamang ang nakakakita sa akin, gaya ng nakikita ni Eurydice si Orpheus habang hindi nakikita ni Orpheus si Eurydice, tila wala akong maaaring malaman tungkol sa kanya—lalo na kung iiwanan ba niya ako o hindi.

-->Ang nakataya rito ay ito: isa bang bulag na pagtataya lamang ang pag-ibig? Isa ba itong pagsabing dahil hindi kita makikita at makikilala, dahil wala akong anumang katiyakang hawak, magtitiwala na lamang ako sa iyo? May makikita pa rin ba ang bulag na pag-ibig at may malalaman pa rin ba itong mangmang na pag-ibig? O sa isang salita: Bulag at mangmang ba talaga ang pag-ibig? Bilang gabay sa atin, ito marahil ang sagot ni Marion: Oo, may mata ang pag-ibig kaya ito ay nakakakita, at may kaalaman rin ang pag-ibig kaya ito ay may katotohanan.
--> ***

Ngunit kailangan muna ng ilang paglilinaw dahil tila kakaibang uri ng kaalaman ang kaalaman ng pag-ibig. Iba ang nalalaman ng pag-ibig dahil hindi na ito kagaya ng kaalaman tungkol sa mga obheto ng daigdig, kaalaman tungkol sa mga nagmemeron, o kaalaman sa mga nakikita. Muli, dahil kapag ginawa kong obheto ang isang iniibig ko, kapag kailangan ko siyang makita, tuluyan siyang maglalaho gaya ng paglaho ni Eurydice sa pagbaling at pagtingin ni Orpheus.


-->At isa pa: ang kaalaman ng pag-ibig ay hindi rin lamang nakabatay sa kaalaman o katiyakan ng pag-iisip at pananampalataya ng tao. Madalas isiping isang “lundag” ang pag-ibig, isang pagtalon at sabay pag-asa na ako’y sasaluhin; at tanyag ang imaheng ito dahil may pagka-romantiko: ipinahihiwatig nito ang katapangan ng mangingibig sa pag-iwan ng lahat, pati na ang sarili; at marahil may katotohanan din naman dito. Ngunit pansinin na kapag sinasabi kong nagtitiwala ako, o nananampalataya ako at umaasa ako sa isang iniibig ko, ang sinasabi ko talaga ay hindi ko talaga tiyak kung maaasahan kita, ngunit tiyak akong itataya ko pa rin ang pag-ibig ko. Ano ang ibig sabihin nito?

-->Sa unang pagkakataon may inaaming kamangmangan ang pagtataya ng pag-ibig; isang kamangmangan na dala muli ng katotohanang ang iniibig ay hindi isang obheto para sa aking kamalayan. Ngunit pansinin na habang may kamangmangan sa pagtataya, may katiyakan pa rin ito. Ngunit paano ito magtataglay ng katiyakan kung kadalasan nagtataya nga tayo dahil nasa larangan na tayo ng tsansa o ng mga bagay na hindi natin kayang malaman?—gaya ng kawalan ng katiyakan kung iibigin din ako kapag siya ay inibig ko? Tungkol dito, sinabi ni Marion na tiyak pa rin ang pagtataya o pag-asa dahil ang kailangan ko lamang gawin ay maghintay, upang makita kung may darating o babalik sa akin, upang makita kung iibigin din ako ng iniibig ko. Tignan na nasa diwa na ng mismong salitang “pagtataya” ang katiyakan nito: tiyak ang pagtataya at pag-asa dahil nakatitiyak ito sa sarili nitong taya o pusta. Ibig sabihin: tiyak na may pinupusta ako, anuman ang halaga nito, at mas mahalaga, tiyak din ako na malalaman ko rin kung mananalo o matatalo ba ang aking pusta o ang tinaya kong pag-ibig—o ang bantog na pusta ni Pascal. Gaya ng sa lotto, dahil kailangan lamang abangan kung kailan ang bola upang malaman ang mga numerong mabubunot, magiging tiyak din ang pagkatalo ko o pagkapanalo ko—sa isang absolutong paraan.

-->Ganoon din yata sa pag-ibig bilang isang pagtataya o pag-ibig sa anyo ng pag-asa. Dahil tiyak din naman na dalawa lamang ang mangyayari at dahil malalaman ko rin ito di maglaon, kailangan ko lamang magtiwala at umasa sa kanya na ako ay iibigin din; at dahil kailangan ko lamang maghintay sa kanyang sagot (isang matamis na Oo o isang dumadagundong na Hindi) may katiyakan pa rin ang pagtatayang ito. (Gaya ng malalaman din naman ni Orpheus pagdating sa lupa kung sinundan siya ni Euyrice o hindi, kung mahal pa rin siya o hindi. At dahil aasa lang naman siya kay Eurydice, maglalakad lamang si Orpheus. At alam naman nating madali lang maglakad, gaya ng madali lang magtaya sa pag-ibig.)

-->Kaya naman wala talagang pagtatayang nangyayari sa pagtataya ng pag-ibig. Wala rin talagang pag-asang inaasahan ang pag-asa dahil hindi nito kailangan ng pag-asa. (Kaya naman si Sokrates ang pinakamarunong sa lahat dahil alam niyang hindi niya alam—sabay marunong na mangmang at mangmang na marunong.)

-->Ang kaalaman ng pagtataya o pag-asa ay tulad pa rin ng ating kaalaman sa mga obheto o mga nagmemeron. Habang nagmimistulang mangmang ang pagtataya o pag-asa ng pag-ibig, tiyak pa rin ito, dahil tiyak ito sa sarili nito; ang malalim na suliranin lamang ay sa akin pa rin nanggagaling ang katiyakan, at hindi ito nagmumula o umaabot sa iniibig ko. Kaya ako pa rin ang araw na pinag-iikutan ng lahat. Ginagawa ko lamang isang “laro” o pagkakataong maglaro ang tinatawag kong iniibig ko (pagtaya o paglaro o pag-asa: walang pinagkaiba). Hanggang sa mistulang mabigat na pasiya ng pagtataya at pati na rin sa para bagang dalisay na pananampalataya ng pag-asa, wala pa ring nalalaman ang aking pag-ibig tungkol sa aking iniibig na hindi ko pinataw sa kanya o hindi nanggagaling sa akin. Kaya pagdating pa rin sa siyang iniibig, nananatili akong bulag at mangmang. O baka dahil hindi na mahalaga na siya’y makita at makilala—dahil nakikita at tiyak naman ako sa aking sarili. Ngunit pag-ibig pa rin ba ito?—kung sa huli ako pa rin ay mag-isa at ang iniibig ko ay isa lamang salamin?

***


-->
Bumalik tayo kay Orpheus nang sandali.

Paano muli makikita ni Orpheus si Eurydice nang hindi siya nakikita? Paano kaya siya makatitiyak nang hindi lamang bulag na umaasa kay Eurydice? Paano kaya siya magkakaroon ng katiyakang mula kay Eurydice lamang at walang iba habang hindi siya nakikita at nananatili siyang tahimik sa kanyang likuran? Saan kaya, sa huli, maaaring makahanap ng isang anyo ng pag-ibig kung saan may nalalaman ako tungkol sa iniibig kahit hindi ko siya kailanman maaaring makita at hindi rin maaari lamang asahan?

Mayroon na tayong karanasan ng hinahanap nating pambihirang anyo ng pag-ibig. Makikita ito sa kaalaman at katiyakang taglay natin sa ating mga ka-ibigan. Sa ating mga kaibigan, hindi bulag at hindi rin mangmang ang ating pag-ibig; bagkus kitang-kita natin sila o kilalang-kilala natin sila.


-->
Pansinin na pagdating sa ating mga kaibigan, hindi natin sila kailangang lagi’t laging makita. Hindi ba’t kahit matagal nang hindi nagkikita ang mga magkakaibigan, halimbawa, sa isang barkada, sa oras na magkita sila at magkasama, para bagang kahapon lamang sila nagkita at walang lumipas na panahon? Kahit hindi nakikita ang kaibigan, hindi ba’t alam na alam natin at tiyak na tiyak tayo na kaibigan pa rin natin ang ating kaibigan, na minamahal pa rin tayo ng ating kaibigan, at ni hindi man lamang natin kailangang tanungin ang ating mga sarili kung nariyan ba talaga o kasama pa rin ba natin sila—sa tagumpay man o pagkawasak, sa lungkot o kaligayahan, sa pagtanda o pati na rin sa kamatayan?

Tiyak ang kaalaman ng pag-ibig sa pagitan ng mga magkakaibigan: hindi nito kailangan ng pagpapatunay at hindi rin nito kailangan ng pag-asa. Alam ko na sa dulo ng lahat, mawala man ang lahat, nariyan ang aking kaibigan. Alam ko ito nang may buong katiyakan; at ang katiyakang ito ay hindi na nanggagaling sa akin ngunit nakaugat na sa aking kaibigan. Hindi man niya sabihin, manahimik man o pagdudahan ko man, sumusunod siya sa akin, lagi lamang nasa likuran, tinitignan ang bawat hakbang ko. Hindi man niya sabihin: gaya ng hindi niya kailangan sabihing ipinagdarasal niya ako.


-->Pansinin din na wala na yatang mas nakakikilala sa atin kundi ang ating mga kaibigan. Hindi lamang sa dahilang ang mga magkakaibigan ang may “pinagsamahan” sa matagal na panahon; kung sa tagal lamang ng samahan, mas kilala tayo dapat ng ating mga magulang, kapatid, atbp. Ngunit bakit para bagang mas nauunawaan tayo ng kaibigan? Bakit para bagang mas kilala ng magkakaibigan ang isa’t isa? Wala kasing tinatago ang kaibigan dahil alam nito na hindi ko ito paghuhusgahan. At kung hindi rin ako huhusgahan, maaari kong ipakita ang aking sarili, at magpakilala nang walang pangamba o takot. Hindi natatakot ang kaibigan na lumabas sa sarili at kumilos sa paraang tapat sa sarili nito (aletheia) dahil alam nitong hindi ito pagagalitan o pagbabawalan. Hindi naman nangangahulugang pinababayaan lamang ng magkakaibigan ang isa’t isa; sa katunayan, makikita sa mga magkakaibigan ang kakaibang anyo ng malalim na pag-ibig—ang paghaya sa isa’t isa, isang sabay na pahintulot at pagbibigay (Gelassenheit). Tila ganito: Hinahayaan kita, hindi dahil hindi kita iniibig, ngunit dahil nga iniibig kita—at dahil may buong tiwala ako sa iyo, dahil kilala kita, dahil kaibigan kita.


***
-->
Ngunit paano posible ang ganitong kataka-takang pag-iibigan ng mga magkakaibigan? Paano posibleng may sabay na katiyakan at pagkilala ang pag-ibig na ito?

Marahil ganito: dahil may pag-ibig, ayon kay Marion, na hindi lamang nagpapakita sa anyo ng damdamin o eros, o sa anyo ng kaalaman o agape. Bagkus ang pag-ibig sa pagitan ng mga magkakaibigan ay isang pag-ibig na hindi na lamang nanggagaling mula sa kusa o gawain ng tao. Ibig sabihin ang pag-ibig na ito ay hindi lamang galing sa tao o pantao. Ang kataka-takang pag-ibig na ito ay pag-ibig na ating tinatanggap mula sa larangang lagpas sa tao, mula sa Siyang nakahihigit sa tao—mula sa caritas ng Diyos, sa pag-ibig ng Diyos, o sa tinatawag nating Diyos ng pag-ibig.


-->
Dahil kung tayo lamang, kung tao lamang ang iibig sa loob ng abot-tanaw ng mga kakayahan (at kahinaan) nito, lagi’t laging mapapaloob at makukulong lamang tayo sa mga hangganan ng pagnanasa, pag-iisip at pag-asa. Ngunit dahil nanggagaling ang dalisay na pag-ibig hindi na lamang mula sa atin kundi sa Kanya, nagiging posible na maranasan natin ang malalim na kaligayahan ng pagkakaibigan—isang kaligayahang matatamasa ngayon at sabay na tumatagal; isang kaligayahan kung gayon na hindi kailanman matutumbasan ng pansamantalang tamis ng pagnanasa o ng mga patikim na ligaya ng pag-asang hindi pa dumarating.

Sinabi ni San Pablo na ang pinakamataas na kaalaman ay ang kaalaman tungkol sa pag-ibig ni Hesus (Mga Taga-Epeso 3:19). Pinakamataas: dahil hindi kayang maranasan ang pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan lamang ng ating pakiramdam, at dahil hindi rin ito maaabot at matatarok ng ating pag-iisip lamang. Ang kaalaman tungkol sa pag-ibig ng Diyos ay lagpas sa atin sa payak na dahilang ang Diyos ay siyang nakahihigit sa anumang maiisip (Anselmo). Ngunit, ayon kay Marion, tunay na kaalaman pa rin ang kaalaman natin sa pag-ibig ng Diyos at, sabay nito, nagkakaroon din ng katiyakan ang pag-ibig—kaya naman hindi lamang ito bulag at mangmang. At bagaman payak ito, bagaman kakaunti lamang ang nalalaman ng pag-ibig na ito, may katotohanan pa rin. Ngunit anong katotohanan? Ayon kay Pascal may tatlo.
-->
Tinawag ni Pascal ang kaalaman tungkol sa pag-ibig ng Diyos bilang ikatlong antas ng karunungan.

Ang unang antas aniya ay ang karunungan sa larangan ng nakikita. Sa larangang ito ang nagtatagumpay ay ang malalakas at makapangyarihan. Sila na sa pamamagitan ng tapang at lakas, talino at galing, ay nagiging mga mananakop ng kalawakan at panahon. Sila ang mga marunong tungkol sa mga lihim at pamamalakad ng daigdig. Sila ang mga inaalala ng mga kanta at kuwento; kaya hindi sila nakalilimutan ng kasaysayan. Sila ang mga bayani at hari.

Ang ikalawang antas ng kaalaman ay ang kaalaman tungkol sa mga bagay na hindi nakikita. Ang larangang ito’y matatagpuan walang iba kundi sa kaharian ng pag-iisip at napapaloob sa kasaysayan ng ideya. Ang pilosopo ang hari sa larangang ito dahil ang pilosopo lamang ang kayang lumampas sa larangan ng nakikita upang pagnilayan ang kahulugan ng mga nagmemeron at masilayan ang katotohanan ng Meron.


-->Ikatlong antas naman ng kaalaman ang pag-unawa sa pag-ibig ng Diyos o caritas. Ang larangan ng pag-ibig, dahil pinakamataas, ay nangangailangang lumampas sa parehong daigdig ng nakikita at hindi nakikita. Ngunit anong pambihirang larangan kaya ito na sumasaibayo sa parehong daigdig ng katawan at pag-iisip? Anong uring larangan kaya ito na hindi naman natin kailanman mapapasok o mauunawaan dala ng ating kahinaan sa harap ng nakahihigit sa atin? Ano, sa wakas, ang nakikita at nalalaman ng pag-ibig—lalo na ng pag-ibig na bigay ng Diyos?

-->Sinabi na sa simula pa ni Marion na sabay nakikita at hindi nakikita ang pag-ibig. At ang sabay na pagtingin at pagkabulag ng pag-ibig ang tunay na milagro, ang tunay na pambihira. Pambihira dahil ang Siyang hindi nakikita ay nagpakita—sa katawan at katauhan ni Hesus, “ang wangis ng Diyos na hindi nakikita” (Mga Taga-Kolosas 1:15)—at patuloy pa ring nagpapakita. Patuloy na nagpapakita ang Diyos sa ating daigdig sa mukha ng ating kapwa.

--> -->At sa larangang ito, sa dukhang kaharian ng pag-ibig, hindi na ang bayani o ang pilosopo ang naghahari—kundi ang mga santo. -->Silang mga lingkod ng Diyos, silang handang tumugon sa tawag ng bawat kapwa, silang handang makipagka-ibigan sa sinuman dahil nakikita ng mga santo ang katotohanan ng Diyos sa mukha ng bawat tao.


Huling lektura, ika-19 ng Marso
2009


Comments

Popular posts from this blog

The Fields of Amorsolo

The first National Artist in Philippine history, referred to warmly as the “Grand Old Man of Philippine Art,” Fernando Amorsolo (1892–1972) still stands today as a looming figure in Philippine art responsible for being one of the artists who helped define what we up to now visually imagine as essentially Filipino. The images of rural life, of golden fields below clear blue, blue skies; the smiles of farmers which diminish their weariness as they plant, harvest, and winnow rice;most especially the iconic figure of the Filipina maiden working in the fields—the beloved dalagang bukid--; these, I believe, even after generations of Filipino painters since Amorsolo, have remained in our hearts and memory. Amorsolo did what great masters do for their country: bestow upon it its own icons, represent its native beauty, that is, to give its people and lands an identity and a face. There are, however, as many intentions for art as there are works of art. And these intentions will always remain in…

Without Why (The Rose) II

Lifetime is a child at play; moving pieces in a game.
Kingship belongs to the child.

Heraclitus, Fragment 52


The child at play never asks itself why it plays. The child just plays; and if it could, it will play as long as possible, it will play throughout its life. See its delight and witness its smile.

If it would never go hungry or if the sun would never set it too will never leave its playmates and playthings. Time flies at play because it stops or suspends time. Time -- as we grownups only know too well -- is the culprit for order, schedules and priorities; yet for the child, there is no time, there is only bottomless play. It is we who impose that this or that should be done at this or that time. We stop the absurd and supposedly endless play ("He does nothing but play") because we insist that discipline, order and priorities be instilled in the child at an early age ("He needs to learn other things beside playing"). So that the child will become like us one da…

A Love Sooner than Later

BROWN PENNY William Butler YeatsI whispered, 'I am too young,' And then, 'I am old enough'; Wherefore I threw a penny To find out if I might love. 'Go and love, go and love, young man, If the lady be young and fair.' Ah, penny, brown penny, brown penny, I am looped in the loops of her hair. O love is the crooked thing, There is nobody wise enough To find out all that is in it, For he would be thinking of love Till the stars had run away And the shadows eaten the moon. Ah, penny, brown penny, brown penny, One cannot begin it too soon.

*
One cannot begin to love too soon--conversely, one should not love too late or in life's demise. That waiting for the "right time," or the "right person" to love, what are these but the cries or sighs of an unready, even tired, heart? One becomes ready only when one begins to understand love slowly (or again), and one understands love progressively when one, simply, performs the act of love. Love, like mos…