Skip to main content

Maligayang Pasko Mga Kaibigan



Batang Banal (What Child is This?)
Inawit ni Joey Albert


Anong Hiwaga 'tong naganap
Gabing tahimik walang ulap
Sanggol sa hamak na sabsaban
Ay siyang Hari ng langit at lupa

Halina, Halina at sambahin
Taos puso nating Siyang mahalin
Halina, halina't ating dinggin
Tumatawag ang Batang Banal

At doon sa langit nag-iisa
Bituing sakdal sa ibang tala
Na tila ba'y tinatawag ka
Tignan mo ang sanggol ni Maria

Halina, Halina't ating sundin
Mahiwagang talang nagniningning
Dali, dali na't ating dalawin
Salubungin ang Batang Banal

Pastol, Angel at Tatlong Hari
Sumasamba, Bumabati
Ngayon mundo'y may pag-asa na
Ligtas na sa pagdadalamhati

Siya ang ating hinihintay
Pangako ng langit ngayo'y binigay
Halina, halina't buksan ang puso
Papasukin ang Batang Banal



Ang tumungo sa bituin--ito lamang.
--Martin Heidegger


Naaalala ko na noong bata pa ako na para bagang mahiwagang panahon ang Pasko. Napansin ko kasi na tila maligaya ang karamihan ng taong nakikita ko: galante sa mga regalo at aguinaldo ang mga ninong, tito at tita, puno ang mesa ng pagkain, nag-iinuman ang mga matatanda habang nakapaglalaro kaming mga bata ng aming mga bagong laruan buong gabi. Ang nakapagtataka noon ay dahil nagaganap ang lahat ng kasiyahang ito nang wala namang may kaarawan; hindi lang iisa ang may regalo ngunit lahat; wala ring kinakantahan ng Happy Birthday o nagboblow ng keyk. Ngunit kahit walang celebrant, para namang celebrant ang lahat. Hindi ko naunawaan. Ngunit hindi naman ito kailangang maunawaan ng isang batang ang alam lamang ay makakakain siya ng spageti at may iuuwi siyang bagong G.I. Joe.


Birthday daw ni Jesus, sabi ng mga magulang ko. Sino siya? Mas kilala ko si Santa Claus. Nasa patalastas o nasa mall siya. Binabasa pa nga niya ang sulat ko kung saan nakalista ang gusto kong BMX o Transformers na robot. Dumarating din siya sa bahay namin (narinig ko siya minsan na nadapa sa bubong namin), nakikipag-usap sa mga magulang ko, at nag-iiwan ng pinakamagaganda at mamahaling regalo. Mabait si Santa. Mayaman pa. At kahit hindi ko naman siya nakikita, napakatotoo ni Santa.


Nagdaan ang panahon (para naman ang tanda ko na) at napag-alaman kong wala palang Santa at maaari palang maging malungkot sa Pasko. Paghihiwalay sa mga karelasyon (bakit laging kapag Pasko?), mga unang Pasko na wala na ang mga yumao sa pamilya, sakit at panglaw, mga ngiting pilit, pusong nagdadamdam kung bakit masaya ang iba habang ako'y nag-iisa. Nadaanan ko na iyan at maaaring higit pa. Kaya naman dumating ang panahon na kung paparating na ang Pasko, para akong naghahanda para sa isang pakikipagtunggalian o laban: Hindi ka magpapatalo ngayon, I will have a good Christmas, Magiging maligaya ako ngayong Pasko. Nakalulungkot aminin na ang dating mahiwaga at inaantabayanang araw ng Pasko ay unti-unting naging isang bundok na kailangang akyatin, isang multong kailangang hindi pansinin, o di kaya'y isang malakas na bagyong kailangang batahin. Natutununan kong ang Pasko ay hindi para sa malungkutin.


Hindi ko alam ang nagbago sa mga taong iyon. Tumatanda lamang ba ako? Malabong iyon ang dahilan dahil dapat nga lalong maging makahulugan ang panahong ito dahil sa payak na dahilang (dapat o sana) mas marunong na akong makaintindi ng mga kahulugan--na ang Pasko ay hindi tungkol sa mga materyal na regalo ngunit sa mga minamahal mong tao, na ito'y paggunita sa nagdaang taon at pasasalamat sa biyaya ng mga bagong pagkakataon. Naunawaan ko ang mga ito. Ngunit minsan hindi naging sapat ang mga kabatirang ito upang labanan ang pakiramdam na nilisan na ako ng kaligayahan ng Pasko.


Ngunit nabatid ko nitong mga huling taon na hindi Pasko ang nag-iwan sa akin; ako pala ang lumisan. Hindi Pasko ang nagbago, kundi ako.


At ang nagbago sa akin, marahil ganoon naman talaga, ay ang maling pag-aakala na ang Pasko ay para sa sarili. At kapag hinahangad mo ang kaligayahan, ayon kay Nietzsche, hinahangad mo rin ang kalungkutan. Ang alanganin sa pag-asam ng kaligayahan ay itintutudla mo ang iyong sarili sa isang kalagayan na baka hindi naman maaari o baka hindi naman nararapat. Ganito ang ibig kong sabihin: huwag mong pilitin ang iyong sarili na maramdaman ang hindi mo naman maramdaman dahil lalo mong inilulugmok at nilulunod ang iyong sarili. Baka hindi Pasko ang nararapat na panahon upang pag-isipan at pahirapan ang sarili. Hindi naman kasi para sa sarili ang Pasko kundi sa Kanyang may kaarawan at nagdala ng mabuting balita na tayong lahat ay ililigtas sa lahat ng paghihirap at lungkot.


Talaga namang mahirap isipin at sariwain ang isang pangayayaring higit dalwang libong taon na ang nakalilipas. Wala kasi tayo roon sa munting sabsaban ng mga kapong baka kung saan isinilang ang Kristong-bata. Hindi rin natin nakita ang magagarang hari mula sa silangan at ang mga payak na pastol na ginabayan ng isang mahiwagang tala upang salubungin ang pagdating ng Haring Pastol. Hindi ko maunawaan kung paano isinilang ng isang birhen ang Anak ng Diyos, lalo na't di ko matarok kung bakit ginawa ng Diyos na Siya'y maging tao. Hindi ko nakita at maaaring hindi ko kailanman mauunawaan ang mga ito. Paglilinaw: hindi dahil ako'y skeptiko. Ngunit baka hindi naman para unawain ng ating isip ang hiwaga ng mga ito. Ang pagsilang kay Hesus, sa halip na unawain, ay maaari lamang ipagdiwang nang buong pasasalamat.


Sasabihin ng mas matandang Hesus kay Marta noong Siya'y bumisita sa kanilang tahanan na "huwag kang mag-abala at mag-alala sa maraming bagay, iisang bagay lamang ang kinakailangan" (Lukas 10: 41). Payak si Kristo. Gaya ng payak ang Diyos, at gaya ng payak ang Pasko. Iisa lamang ang kinakailangan sa Pasko. Tanggalin mo ang maliliwanag na ilaw na dekuryente sa loob at labas ng mall, sa mga poste sa kalye o sa ating mga krismas tree, patayin mo ang lahat ng iyan mamayang gabi, at doon mo makikita sa gabing biglang nagdilim na may mananatiling liwanag na manggagaling sa iisang bituing sakdal sa ibang tala. Tinatawag tayo ng mahiwagang talang nagniningning na iwanan ang ating sarili at sundan ito upang salubungin ang maligayang pagdating at tuluyang makilala sa unang pagkakataon ang Batang Banal na Anak ng Diyos at ni Maria.



Caravaggio, The Nativity with Saint Lawrence and Saint Francis


Comments

Popular posts from this blog

The Fields of Amorsolo

The first National Artist in Philippine history, referred to warmly as the “Grand Old Man of Philippine Art,” Fernando Amorsolo (1892–1972) still stands today as a looming figure in Philippine art responsible for being one of the artists who helped define what we up to now visually imagine as essentially Filipino. The images of rural life, of golden fields below clear blue, blue skies; the smiles of farmers which diminish their weariness as they plant, harvest, and winnow rice;most especially the iconic figure of the Filipina maiden working in the fields—the beloved dalagang bukid--; these, I believe, even after generations of Filipino painters since Amorsolo, have remained in our hearts and memory. Amorsolo did what great masters do for their country: bestow upon it its own icons, represent its native beauty, that is, to give its people and lands an identity and a face. There are, however, as many intentions for art as there are works of art. And these intentions will always remain in…

[Payapang Daigdig]

Written by Pat Nogoy, S.J.

Payapang Daigdig Felipe de Leon, Sr. 
Ang gabi'y payapa Lahat ay tahimik  Pati mga tala      Sa bughaw na langit 

Kay hinhin ng hangin Waring umiibig          Sa kapayapaan          Ng buong daigdig     
Payapang panahon    Ay diwa ng buhay Biyaya ng Diyos       Sa sangkatauhan
Ang gabi'y payapa Lahat ay tahimik Pati mga tala Sa bughaw na langit  
Pati mga tala           Sa bughaw na langit


The gift delivers Being/being Jean Luc Marion

There is something about the night.
The blanket of darkness hovering the other half of the day sparks ambivalence. Everything is the same in darkness—fear, joy, pain, triumph, doubt, glory, sorrow. Identities recede unto the vast anonymity. There is a pervading anxiety where existence slips into nothingness. One is never certain what to make out of darkness; maybe that is why the night shakes us because we never know. One cannot avoid imagining a something that is greater, higher, mightier, (even sinister) that lurks (hence the power of ghos…

Without Why (The Rose) II

Lifetime is a child at play; moving pieces in a game.
Kingship belongs to the child.

Heraclitus, Fragment 52


The child at play never asks itself why it plays. The child just plays; and if it could, it will play as long as possible, it will play throughout its life. See its delight and witness its smile.

If it would never go hungry or if the sun would never set it too will never leave its playmates and playthings. Time flies at play because it stops or suspends time. Time -- as we grownups only know too well -- is the culprit for order, schedules and priorities; yet for the child, there is no time, there is only bottomless play. It is we who impose that this or that should be done at this or that time. We stop the absurd and supposedly endless play ("He does nothing but play") because we insist that discipline, order and priorities be instilled in the child at an early age ("He needs to learn other things beside playing"). So that the child will become like us one da…