Skip to main content

Ang mga Anak ng Pasko







        
Auf die Geburt eines Kindes
Friedrich Hölderlin

Wie wird des Himmels Vater schauen
Mit Freude das erwachs’ne Kind
Gehend auf blumenreichen Auen
Mit andern, welche lieb ihm sind.

Indessen freue dich des Lebens
Aus einer guten Seele kommt
Die Schönheit herrlichen Bestrebens,
Göttlicher Grund dir mehr noch frommt.


Sa Pagsilang ng Isang Bata

Paano makikita ng Makalangit na Ama
Nang anong galak ang batang lumaki
Naglalakad sa mga bulaklak sa kaparangan
Sa piling ng mga minamahal, hindi nag-iisa.

Samantala maging galak na nabubuhay ka
Mula sa mabuting kaluluwa sumisinag
Ang kagandahan ng isang dakilang pagpupunyagi,
Higit pa rin ang ipinagkakaloob ng banal.


On the Birth of a Child
Salin ni Michael Hamburger

How will the heavenly Father see,
With what delight, the child more grown
Walking through wildflowers of the lea
With others dear to it, not alone.

Meanwhile be glad that you are living,
From a good soul there issues forth
The beauty of a noble striving
Divine ends grant still greater worth.


***



TAHIMIK ANG BANAL NA KASULATAN tungkol sa kabataan ni Hesus. Maliban sa kuwento ng kanyang pagsilang, ang pinakamalinaw na salaysay tungkol sa kanyang kabataan ay noong nawala at naiwan siya ni Maria sa templo nung siya ay labindalawang taong gulang. Pagkatapos ng pangyayari sa templo ay mahabang panahon pa ang lilipas bago natin muling maaabutan si Hesus; malaki, may dunong, at nasa sapat na gulang na siya nung siya ay bininyagan, at ito naman ang magiging simula ng kanyang pampublikong buhay (na matatapos ‘di maglaon sa kanyang kasimpampublikong kamatayan).


Pierre Mignard. The Virgin of the Grapes1640–50. 
Oil on canvas, 121 x 94 cm. Musée du Louvre, Paris.


Ngunit ano kaya ang iba pang mga pangyayari sa kabataan ni Hesus, nung hindi pa siya isang pampublikong katauhan, at isang musmos pa lamang? Ano kaya ang mga kuwento, halimbawa, tungkol sa unang labindalawang taon ng maikling buhay niya? O ano kaya si Hesus nung bata? Masayahin kaya siya? Makulit? Mapaglaro? O tahimik? Iyakin? Nakikipaglaro kaya siya sa ibang bata? Malambing kaya siya sa kanyang ina? Sino kaya ang Kristong Bata? Habang totoo nga na may ilang bakas sa mga Ebanghelyo na maaari nating gamitin upang magkaroon ng kahit papaano’y payak na larawan ng kanyang kabataan, hindi na natin talaga makikilala ang batang Hesus gaya ng pagkakakilala natin sa tumandang Hesus, o ang Hesus na gumawa ng mga himala at nangaral sa mga tao, ang Hesus na dumaan sa kanyang Pasyon at ipinako sa krus. Magiging mga lihim na lamang para sa atin ang kanyang kabataan, kung dahil lamang sa payak na dahilan na tila walang nakaisip na kailangan pa itong pag-usapan, isulat at ipaalam sa lahat.—Gaya ng kadalasang nangyayari na hindi natin pinag-uusapan at ibinabahagi sa lahat ang mga kuwento sa sarili nating kabataan.


Bakit nga kaya tahimik din tayo tungkol sa ating kabataan lalo na sa harap ng mga tao na hindi malapit sa atin? Dahil kaya sa nakalimutan na natin ito sa paglipas ng ng mga taon? Para bang hindi naman; kung binabalikan natin ang nakaraan, malinaw at matingkad pa rin sa atin ito, at maaari pa nga natin sabihin na “parang kailan lang,” o “parang kahapon lamang,” na tayo’y naging bata. At hindi rin naman siguro sa dahilang walang nangyari sa atin nung nasa murang edad pa tayo, o walang dapat ikuwento, o may kuwentang ikuwento. Madalas, hindi ba puno ng maliligaya at makukulay na sandali ang mga alaala natin ng kabataan? (At kung magkukuwento ka na rin lamang, hindi ba mas magandang ibahagi ang maliligayang sandali ng ating buhay, sa halip ng mga madidilim at masasakit na kabanata nito? Isa pang tanong: Bakit nga kaya mas maraming trahedya kaysa komedya?). At hindi ba’t kahit anong pilit nating sabihin na maligaya naman tayo ngayong nagkaedad na—dahil may sarili nang karera, kung sakali’y may sariling pera, sariling tahanan, sariling pamilya, nagsarili na, o may sarili na—hindi pa rin maitatanggi na walang kaparis ang saya at tuwa noong tayo’y mga bata? Sabi nila, walang ibang yugto ng buhay ang maaaring tumumbas sa ating kabataan. Hindi mo na ito mababalikan o mauulit sa parehong paraan.


Kapag bata ka kasi, wala kang dapat alalahanin o kailangang isipin o dapat na ikatakot dahil lagi namang nariyan sila Mommy at Daddy sa iyong tabi. Alam mong kailanman ay hindi ka mag-iisa. Wala ka ring mabibigat na tungkulin maliban sa tangi mong tungkulin na maglaro at magsaya. Kung may karunungan man ang mga bata, dalubhasa sila sa sining ng pagiging masaya. Hindi isang matinding suliranin para sa kanila ang kaligayahan dahil wala namang ibang paraan, o alternatibo, kundi ang maging masaya. Hindi tanong para sa mga musmos kung paano ba maging tunay na maligaya, kung saan ito matatagpuan, at kung bakit ito mahalaga; laging tunay kasi ang bawat ligaya para sa kanila, laging nariyan lamang ang mga bagay na maaari nilang ikatuwa.


Ngunit tayo—tayo na nakalimot na kung paano maging masaya, na kailangan pang pag-isipan kung ano ang “tunay” na kahulugan ng kaligayahan at ng buhay—kinakailangan pa nating dumako kung saan-saan upang hanapin ang makapagpapaligaya sa atin. Tayo—tayo na natutunan nang malupit pala ang daigdig, na kinakailangan pang pagsikapan ang bawat ngiti, pagpawisan ang bawat ginhawa, na natuklasan na na lagi palang may nakatagong lungkot sa likod ng bawat halakhak—kinailangan na nating matuto kung paano ba mag-isa, bilang paghahanda sa walang kasinglungkot at huli nating pag-iisa.


Kung gayon, gaya ng sinumang bata, tiyak na naging masaya ang kamusmusan ni Hesus. Mapagmahal ang kanyang mga magulang (kahit minsa’y naiwan siya sa templo), inaruga at iniligtas sa anumang kapahamakan (paanong hindi kung siya’y binantayan din mula sa langit ng kanyang Ama?), o sa isang salita, siya ay minahal. May mga laruan at kalaro siguro siya, namasyal kasama ng kanyang mga magulang, at gabi-gabing natutulog nang nakangiti at may pananabik sa darating na umaga na ligaya lamang ang maaaring dala.

Bartolomé Esteban Perez Murillo. Infant Christ Offering a Drink of Water
 to St John1675-80. Oil on canvas, 104 x 124 cm. Museo del Prado, Madrid.


Kung ang Pasyon ni Hesus ay magsisimula lamang sa kanyang pagtanda, maaari nating sabihin na nangyari naman sa kabataan ang Kaligayahan ni Hesus. At iyan marahil ang dahilan kung bakit hindi na ibinalita at isinulat ang maligayang yugto na ito sa buhay ni Hesus. Hindi sa dahil hindi naging makabuluhan ang panahong iyon, o dahil walang makaalala, o dahil walang drama; ngunit dahil malapit sa puso ni Hesus ang kanyang pagkabata. At kung ipinagkaloob niya na sa atin ang kanyang kamatayan, ipagkaloob na natin sa kanya ang kanyang kabataan. May mga bagay kasi na para sa iyong sarili lamang. Ayon nga kay Nietzsche, hindi tayo nagsusulat o nagsasalita tungkol sa mga mahal sa atin. Kinukupkop lamang natin sila sa ating puso, at itinatago sa alaala ang mga sandali kung kailan tayo naging maligaya. Upang balang araw, sa sandali ng pinakamalalim na pag-iisa, alam natin kung saan sila muling makikita.


At bagaman minsan lang nga tayo maging bata, maaari pa rin naman nating gunitain ang mga maliligayang araw na lumipas. Iyan naman din ang biyaya ng Pasko—ang kaisa-isang panahon sa buong taon na nagbibigay sa atin ng pagkakataon upang balikan ang nakaraan, at magpasalamat sa mga nagmahal sa atin. Hindi lamang para sa mga bata ang Pasko, para rin ito sa lahat ng naging bata. Laging may sapat na dahilan upang tayo ay maging kasingsaya ng isang batang may bagong laruan. Kung may isang bagay na itunuro sa atin ang ating kabataan, ito ay ang aral na marunong na tayo—dahil naranasan na natin—kung paano maging maligaya. Kailangan mo lamang itong tandaan o balikan.


Baka kasi nakalimutan lang natin sa paglipas ng mga taon. O baka minsa’y nawala lang tayo, o nalito kung saan nga ba ito matatagpuan. Kaya kung minsa’y may kalungkutan din na dala ang Pasko: alam mong dapat at gusto mong maging maligaya sa panahong ito dahil naalala mo na naging masaya ka na dati, ngunit para bang nalito ka na kung paano, parang naguluhan ka na, gaya ng paborito mong laruan na kabisado mong paglaruan nung bata at hindi mo na gamay sa iyong pagtanda. Kaya minsan tumatabang ang Pasko, parang hindi na ito tulad ng dati; parang nagbago na, hindi na kasingsaya.


Ngunit kasabay ng tila pagbabago ng anyo at kahulugan ng Pasko, tandaan lamang na nagbabago rin ang mga regalo at biyaya nito. Hindi ka na nga bata, totoo, at baka kaunti na lang ang mga regalong may pangalan mo sa ilalim ng krismas tree. Ngunit baka natutunan mo na rin sa pagdaan ng maraming Pasko na, hindi gaya ng iniisip ng mga bata, hindi pala maiuuwi sa mga mamahalin at uso at malalaking regalo ang diwa ng Pasko. O kung sakaling tungkol pa rin sa regalo ang Pasko, kailangan mo lang hanapin kung saan nakatago ang mga ito. Ni hindi na nga kailangan pang ibalot, lagyan ng ribon, o ilihim mula sa iyo upang maging isang surpresa, ang mga tunay na regalo ng Pasko. Araw-araw mo itong tinatanggap, ipinagkakaloob sa bawat sandali. Hindi lamang ang pagsilang at kaarawan at kabataan ni Hesus ang dapat mong ipagdiwang ngayong Pasko—ipagdiwang mo rin ang sa iyo. Na ikaw ay biniyayaan ng buhay kahit hindi naman kailangan, at laging may panahon pa upang muling matuklasan ang higit na ligaya—ano pa ang regalong mas gaganda?





Comments

Popular posts from this blog

The Fields of Amorsolo

The first National Artist in Philippine history, referred to warmly as the “Grand Old Man of Philippine Art,” Fernando Amorsolo (1892–1972) still stands today as a looming figure in Philippine art responsible for being one of the artists who helped define what we up to now visually imagine as essentially Filipino. The images of rural life, of golden fields below clear blue, blue skies; the smiles of farmers which diminish their weariness as they plant, harvest, and winnow rice;most especially the iconic figure of the Filipina maiden working in the fields—the beloved dalagang bukid--; these, I believe, even after generations of Filipino painters since Amorsolo, have remained in our hearts and memory. Amorsolo did what great masters do for their country: bestow upon it its own icons, represent its native beauty, that is, to give its people and lands an identity and a face. There are, however, as many intentions for art as there are works of art. And these intentions will always remain in…

Without Why (The Rose) II

Lifetime is a child at play; moving pieces in a game.
Kingship belongs to the child.

Heraclitus, Fragment 52


The child at play never asks itself why it plays. The child just plays; and if it could, it will play as long as possible, it will play throughout its life. See its delight and witness its smile.

If it would never go hungry or if the sun would never set it too will never leave its playmates and playthings. Time flies at play because it stops or suspends time. Time -- as we grownups only know too well -- is the culprit for order, schedules and priorities; yet for the child, there is no time, there is only bottomless play. It is we who impose that this or that should be done at this or that time. We stop the absurd and supposedly endless play ("He does nothing but play") because we insist that discipline, order and priorities be instilled in the child at an early age ("He needs to learn other things beside playing"). So that the child will become like us one da…

A Love Sooner than Later

BROWN PENNY William Butler YeatsI whispered, 'I am too young,' And then, 'I am old enough'; Wherefore I threw a penny To find out if I might love. 'Go and love, go and love, young man, If the lady be young and fair.' Ah, penny, brown penny, brown penny, I am looped in the loops of her hair. O love is the crooked thing, There is nobody wise enough To find out all that is in it, For he would be thinking of love Till the stars had run away And the shadows eaten the moon. Ah, penny, brown penny, brown penny, One cannot begin it too soon.

*
One cannot begin to love too soon--conversely, one should not love too late or in life's demise. That waiting for the "right time," or the "right person" to love, what are these but the cries or sighs of an unready, even tired, heart? One becomes ready only when one begins to understand love slowly (or again), and one understands love progressively when one, simply, performs the act of love. Love, like mos…