Skip to main content

Tulay



O HESUS, HILUMIN MO

Koro:
O Hesus, hilumin Mo
Aking sugatang puso
Nang aking mahango
Kapwa kong kasimbigo

Hapis at pait Iyong patamisin
At hagkan ang sakit
Nang magningas ang rikit (Koro)

Aking sugatang diwa't katawan
Ay gawing daan
Ng 'Yong kaligtasan (Koro)


*



May mga sandali sa ating buhay kung kailan tayo ay nasasaktan, nasusugatan. Hindi natin madaling  makalimutan ang pakiramdam ng lungkot dahil, gaya ng kaligayahan, nadadama natin sa mga pagkakataong ito ang katalagahan ng ating buhay, na hindi pala tayo manhid o isa lamang bangkay. Upang kumirot ang iyong puso kailangan mo ng puso, upang masaktan kailangan mong magkaroon ng pakiramdam. 


Ngayon, alam nating lahat na kung papipiliin lamang tayo ng paraaan upang madama ang buhay, walang duda na ang pipiliin natin ay ang mga magagandang pakiramdam gaya ng kaluguran, saya, at kaligayahan--kung kailan tayo'y tila lumulutang, magaan, nasa langit, at hindi maaaring masaktan. Dahil sa kabilang banda, sa larangan ng lungkot at paghihirap, bumibigat ang ating katawan at loob, tila nagiging mga pandiin sa lupa at walang katuturan ang ating pag-iral, at sumusuko tayo sa isang pagdidilim ng daigdig kung saan walang nakikita o maaaninaw na pag-asa. 


Ngunit gaano man kadilim ang abot-tanaw ng kapanglawan, maaari pa rin ito magningas ng kaunting liwanag--isang itim na liwanag, kumbaga--na siyanama'y maaaring magpamulat sa atin ng iba pang katotohanan. Anong mga katotohanan ito? Walang duda, dahil madilim ang paningin ng lungkot, hindi nito maaaring makita ang mga bagay na babad sa araw, o naglalaro sa liwanag, gaya ng mga anak ng liwanag, ang kaligayahan, kapayapaan at pag-asa. Bagkus, kung hindi man matanaw ng lungkot ang mga may kinang, may iba pa rin itong maaaring makilala--at walang walang iba ito kundi ang mga kapatid nitong nagtatago sa dilim, ang mga naghihirap, at nasa kailaliman ng lungkot. Mamumukhaan mo ang isang taong nagdarahop kung ikaw rin ay naghihirap. Makikita mo sa dilim ang kapwa mong nababalot din ng dilim.


Sa pagkilala ng isang kapatid na nasa dilim, may ilang bagay kang maaaring gawin. Gaya ng isang maligayang tao na maaaring magkaroon ng makasariling paniniwala na siya lamang ang dapat maging maligaya at wala nang iba, maaari ring isipin ng isang taong naghihirap sa harap ng isa tulad nito na siya lamang ang may karapatang magdusa. Na mas mabigat ang pinagdadaanan nito, mas malalim ang mga sugat, o mas magaling sa larangan ng pag-iisa. Tila ganyan minsan ang tao: sakim sa mga pag-aari pati na rin sa hindi inaari. Kaya naman maaaring mangyari na hindi na lamang pinapansin ng ibang may pinagdadaanang lagim ang mga kasama nito sa matagal na biyahe tungo, harinawa, sa pag-asa. Baka mag-unahan pa. O 'di kaya tuluyang magkasakitan. Na para bang hindi mahahati ang saya na hindi pa rin naman natatanaw. Madalas mangyari ito dahil, gaya ng paulit-ulit na sinasabi ng iba, mahirap raw ibigay sa iba ang wala naman sa iyo. Kaya naman maaaring magtagal ang kalungkutan dahil umaabot ito minsan sa sandaling wala na itong mahugot na lakas at pag-ibig mula sa sarili. At paano magiging biglang meron ang wala?


Ngayon, kung hindi mula sa sarili, kung gayon, maaaring sa iba manggaling ang tulong na iyong kinakailangan. Oo, at iyan naman ang kadalasang inaasahan ng mga nagkukulang, kapos, nawalan, nasiraan--na sana'y may ibang tumugon sa aking tawag, tumulong sa akin, mag-ahon sa akin mula sa karagatan ng kawalan ng kasiguruhan. Humihingi tayo ng tulong sa iba upang tayo ay makatayo muli, maging kahit na papaano'y muling maging maligaya, upang muling tanggapin sa kaharian ng liwanag. Kaya lamang, at alam na natin ito, maaaring mangyari na walang tumugon sa iyong tawag, at maiwan ka pa ring mag-isa sa iyong pagdurusa. Dahil, nasabi na, iba ang pandinig ng mga masaya, iba ang pananaw mula sa taas, iba ang pinipiling makita ng maliligayang mga mata. Baka hindi ka nila makita o marining, lalo na't maintindihan at maunawaan. Sasabihin ng mga marurunong na Maging malakas ka lang, Huwag kang mag-isip ng mga negatibong bagay, Magdasal ka kasi, Lilipas din iyan--mga "payo" o "pampalakas ng loob" na madaling sabihin ng mga taong hindi naman nararanasan ang pinagdadaanan ng iba; mga salitang walang laman dahil wala namang bigat para sa mga walang dinadala. Ano pa ang maaaring maramdaman ng pinayuhan ng mga malalakas kundi ang lalong humina ang loob: dahil ang kahinaan ko pala ang nagdulot ng aking patuloy na lumbay, dahil marupok ako at hindi kasingtibay ng mga hindi naman talaga nasusubukan. Sa halip na matulungan ang kailangan ng tulong, maaari pang maging mapanakit ang mga salita ng mga taong "mabuti." Subalit kailangan pa ring sabihin na madalas naman ay hindi nila ito sadya, na may kabutihang loob pa rin sila; hindi lamang talaga nila alam ang kahulugan ng paghihirap dahil hindi nila ito nararanasan sa paraan na nararanasan mo ito. Ang tanong nga ni Alexander Solzhestein ay "Can a man who is warm understand one who is freezing?" Hindi mahirap sagutin iyan.


Kung hindi silang mga hindi nakararamdam ng iyong sakit ang maaring tumugon sa iyong tahimik na tawag, sino kung gayon ang maaaring makarinig sa iyo? Nasabi na, silang mga hindi rin naririnig ng iba, silang nasa pareho mong katahimikan, mga parehong may pinagdadaanan. Ngunit muli, paano ka nila matutulungan kung sila mismo'y nangangailangan ng kalinga? Sinabi nang hindi mo maaaring ibigay ang wala ka. Subalit hindi naman kailangang maipit sa ekonomiya ng pagbibigay-pagtanggap ang maaaring maitulong ng isang kapwa naghihirap. Maaari pa ring tumugon sa mga tawag at iyak sa dilim sa pamamagitan ng ibang paraan.




Maaari mo silang samahan lang, hawakan ang kamay habang naghihintay ng liwanag sa paglipas ng panahon. Hindi binabago ng pagkakaroon ng kasama ang dilim--nariyan pa rin ito talaga--ngunit hindi nagiging kasingnakakatakot ito. Hindi kailangang mawala talaga ang lungkot, o gumaan ang dala, o tumila ang bagyo ng luha--ngunit maaari pa ring makalimutan ito pansamantala, maisantabi, maantala. Hawakan mo lamang ang aking kamay, yakapin, at mag-usap tayo upang basagin ang katahimikan. At ang milagro ng mga milagro ay sa pagsama mo sa akin ay nagkaroon ka rin ng kasama, may hahawak din ng iyong kamay, may kausap ka rin. Wala kang ibinigay sa akin, at sa katotohanan ay wala rin akong naibigay sa iyo. Ngunit sa pagbibigayan natin ng wala ay may tumubo, may nagbago, may sumibol.


Hindi ito isang tanong tungkol sa pakikiramay dahil hindi ko kailangan ng karamay, dahil hindi mo naman ako maiaahon gaya ng hindi rin kita maiaahon. Ang tunay na handog sa akin ng pagkamulat na may kapwa akong naghihirap tulad ko ay ito: binibigyan mo ako ng dahilan upang umahon dahil doon lamang ako magkakaroon ng kakayahan at lakas upang ikaw ay maiahon. Dahil narinig ko ang iyong tawag sa dilim, kailangan kong maging liwanag para sa iyo, at magagawa ko lamang ito kung makakayanan kong lumabas sa sarili kong mga paghihirap, tawirin ito upang tumungo sa iyo.


Kung ako lamang, kung mag-isa ako, wala akong dahilan o pagkakataon upang lampasan ang aking sariling paghihirap. Subalit dahil nariyan ka, at tumatawag ka, kailangan kong tumayo at bumangon--isang pagbangon na hindi lamang para sa aking kapakanan kundi para sa iyo na, dahil kung hindi man ako, nais kong muli kang maging maligaya.





Comments

Popular posts from this blog

The Fields of Amorsolo

The first National Artist in Philippine history, referred to warmly as the “Grand Old Man of Philippine Art,” Fernando Amorsolo (1892–1972) still stands today as a looming figure in Philippine art responsible for being one of the artists who helped define what we up to now visually imagine as essentially Filipino. The images of rural life, of golden fields below clear blue, blue skies; the smiles of farmers which diminish their weariness as they plant, harvest, and winnow rice;most especially the iconic figure of the Filipina maiden working in the fields—the beloved dalagang bukid--; these, I believe, even after generations of Filipino painters since Amorsolo, have remained in our hearts and memory. Amorsolo did what great masters do for their country: bestow upon it its own icons, represent its native beauty, that is, to give its people and lands an identity and a face. There are, however, as many intentions for art as there are works of art. And these intentions will always remain in…

[Payapang Daigdig]

Written by Pat Nogoy, S.J.

Payapang Daigdig Felipe de Leon, Sr. 
Ang gabi'y payapa Lahat ay tahimik  Pati mga tala      Sa bughaw na langit 

Kay hinhin ng hangin Waring umiibig          Sa kapayapaan          Ng buong daigdig     
Payapang panahon    Ay diwa ng buhay Biyaya ng Diyos       Sa sangkatauhan
Ang gabi'y payapa Lahat ay tahimik Pati mga tala Sa bughaw na langit  
Pati mga tala           Sa bughaw na langit


The gift delivers Being/being Jean Luc Marion

There is something about the night.
The blanket of darkness hovering the other half of the day sparks ambivalence. Everything is the same in darkness—fear, joy, pain, triumph, doubt, glory, sorrow. Identities recede unto the vast anonymity. There is a pervading anxiety where existence slips into nothingness. One is never certain what to make out of darkness; maybe that is why the night shakes us because we never know. One cannot avoid imagining a something that is greater, higher, mightier, (even sinister) that lurks (hence the power of ghos…

Without Why (The Rose) II

Lifetime is a child at play; moving pieces in a game.
Kingship belongs to the child.

Heraclitus, Fragment 52


The child at play never asks itself why it plays. The child just plays; and if it could, it will play as long as possible, it will play throughout its life. See its delight and witness its smile.

If it would never go hungry or if the sun would never set it too will never leave its playmates and playthings. Time flies at play because it stops or suspends time. Time -- as we grownups only know too well -- is the culprit for order, schedules and priorities; yet for the child, there is no time, there is only bottomless play. It is we who impose that this or that should be done at this or that time. We stop the absurd and supposedly endless play ("He does nothing but play") because we insist that discipline, order and priorities be instilled in the child at an early age ("He needs to learn other things beside playing"). So that the child will become like us one da…