Skip to main content

Sana'y Maghintay ang Walang Hanggan

           


Inawit ni Sharon Cuneta


Doon ka, dito ako
Hindi magkatagpo
Tawag ko'y di marinig ba't kay layo mo
Lapitan man ay di mo matanaw
Bingi't bulag sa akin ay walang pakiramdam
Sayang na pagmamahal
Paano nang pag-ibig kong walang hanggan

Sana'y maghintay ang walang hanggan
Hanggang makilala mo ako ang iyong mahal
Baka ko matutuhan kita'y kalimutan
Baka pangako ko'y dumating sa kailanman
Sana'y maghintay ang walang hanggan
Sana ang iyong paglingap ay muli kong matikman
Subalit kong paglimot ay di mapigilan
Alalahanin mong kay tagal kitang hinintay

Narito ang puso kong inilaan sayo
Pagod na nanginginig baka magtampo
Naghihintay ang labi kong uhaw
Handog nito'y ligayang di mapapantayan
Sayang na pagmamahal
Parang hangin lamang sa iyo'y nagdaan

Sana'y maghintay ang walang hanggan
Hanggang makilala mo ako ang iyong mahal
Baka ko matutuhan kita'y kalimutan
Baka pangako ko'y dumating sa kailanman
Sana'y maghintay ang walang hanggan
Sana ang iyong paglingap ay muli kong matikman
Subalit kong paglimot ay di mapigilan
Alalahanin mong kay tagal kitang hinintay


*

Minsan ay napapagod din ang mga mangingibig. Habang totoo nga't walang hanggan ang kalooban--at mula sa kalooban ang pag-ibig--may hangganan din naman ang liksi, pananabik, ang pasensya natin. Iba ang nasa puso, iba rin ang nasa katawan. Sa pagkapagod ng katawan tayo madalas natatauhan, o madalas napapaisip: Tama pa ba ang ginagawa ko? May patutunguhan pa ba ito? May dahilan pa ba upang manatili? Kakayanin ko pa bang magmahal? Maaaring tiyak ang mga sagot natin sa mga tanong na ito, ngunit maaaring maging alanganin naman ang ating lakas at pasensya. Marami nang mga mangingibig na sumuko sa isa't isa hindi dahil hindi na sila nagmamahalan ngunit dahil hindi na rin sapat ang pag-ibig kung minsan: masakit na, ang tagal na, ubos na. At maaari lamang tayo tunay na mapagod dahil lubos tayong umibig at walang tinira.

Kadalasan ay kailangan lamang ng pahinga ng mga mangingibig na napagod ("I need some space," "I need some time," "I need to gather myself," mga ganyang drama). Baka magkabalikan kapag may lakas muli. O baka rin tuluyan nang magkahiwalayan dahil mayroon nang iba, mayroong ibang posibilidad na maaring hindi kasing hirap, kasama na riyan ang pagiging mag-isa. Ngunit anuman ang dahilan, mayroon pa ring batayan na maaaring balikan ang dalawang napagod na mangingibig, ang kanilang maaaring gawing sukatan kung ipagpapatuloy pa (o titigilan na) ang kanilang samahan--iyan ang dati nilang pag-iibigan, ang kanilang pinagsaluhang ligaya, ang kanilang kapwa nakaraan. May batayan: dahil alam ko na, naranasan ko na, dahil umibig at inibig na ako. Kaya mas madaling magpasya, dahil alam ko na. Ang alanganin ngayon, kung gayon, ay ang mga mangingibig na napagod at napapaisip kung dapat pa bang ituloy ang pag-ibig na wala namang batayan o wala namang babalikan. Sila ang mga mangingibig na hindi pa naman inibig ng kanilang sinta. Iyan ang dahilan ng kanilang pagkapagod: sa ubos lakas na pagmamahal sa isang hindi naman sila mahal.

*

Ang distansya na hindi matawid ng isang nais umibig ang pinakamabigat sa lahat--mabigat dahil kailangang buhatin ang puso sa ibayo na napakalayo. Madals ay madali lamang lapitan ang nais kong ibigin. Kailangan ko lamang magpakita sa kanyang abot-tanaw, magpakilala, maging penomenon sa kanya. Ito ang madalas gawin ng lahat ng nagnanais umibig mula sa malayo: tawirin ang distansya, mapalapit, upang ako'y makita't marinig. Nagiging masalimuot lamang ang sitwasyon kapag ang kalayuan na nais mong paiksiin ay hindi mapaiksi gaano man katindi ang iyong pagnanais na makalapit. Iyan ang pagkakataon kung kailan ang iniibig ko'y isang para bagang abot-tanaw na habang nilalapita'y lumalayo rin. Anumang pagsubok kong magpakita ako ay tinalilikuran niya. 

Kung anuman ang dahilan ng kanyang pagkailap (hindi niya ako gusto o tipo, may mahal siyang iba, hindi pa siya handa umibig, atbp.) ay hindi na mahalaga. Ang katotohanan lamang na nalalaman ko ay mayroon akong pag-ibig na nais kong ibigay. Ito lamang ang nararamdaman ko: May pag-ibig akong tangan, nais ko itong ibigay sa iyo, ngunit hindi tayo nagtatagpo--walang espasyo at panahon kung saan tayo maaaring maging penomenon sa isa't isa. Gaya ng mga larong mataya-taya, taguan, Marco Polo minsan ang laro ng pag-ibig. Isang pagsigaw ng pangalan ng mangingibig na nasa malayo na nagbubunga ng nakakatakot na mga alingawngaw. Gaya ng pagsigaw ni Echo at pagtakbo ni Narcissus tungo sa tunay niyang mahal, laging nahuhuli ang pag-ibig na hindi tinatanggap. Hindi makasabay, hindi umaabot sa hinahabol, hindi man lamang masabi ang nais sabihin dahil sa sumpa ng distansyang walang anuman, ni sigaw, ang makatatawid. 

John Williams Waterhouse, Echo and Narcissus, 1903.
  
Dahil sa pagod, darating ang sandali na kailangan mong huminto. Pero muli: hindi dahil naglaho na ang pag-ibig kundi dahil lamang naglaho na ang lakas, naubos sa paghahanap, pagsigaw, sa pagsubok tawirin ang bangin, sa pagtangkang ipamalas ang pag-ibig na hindi niya pinapansin--sa pagsubok ng pagsubok na masyado nang sinubukan ang iyong tunay na sarili. Paano pa ba kung hindi tumigil na muna sa pansamantala? Pansamantala: ngayon hindi na muna. Ngunit paano bukas o sa makalawa?

Kaya ng tiyak na mangingibig na maghintay sa makalawa. Ang tunay na katiyakan kasi ay tiyak sa anumang panahon. Gaya ng matematika, may bakas ng walang hanggan ang tunay na pag-ibig: pag-ibig na sub specie aeterni, pag-ibig na mula sa tanaw ng walang hanggan. O gaya ng Diyos, may kakayahan ang mangingibig na umibig magpakailan pa man. Marahil kung mayroon tayong kakayahan na tunay na maihahalintulad sa kakayahan ng Diyos, iyan ang kakayahan nating umibig. Ang lahat ng iba, tibay ng katawan, lalim ng pag-unawa--lahat ng iyan ay wala sa kalingkinan ng sa Kanya. Pero ang pag-ibig na walang hanggan ang salamin ng Diyos.

Ngunit habang kaya ko ngang maghintay at magpatuloy magmahal bukas o sa walang hanggan, hindi ko  iyan masasabi para sa iniibig ko. Habang ang tanging kayamanan ng aking yagit na pag-ibig ay ang kakayahan nitong maghintay, iyan naman ang hindi taglay ng aking iniibig. May pangambang mawalan siya ng panahon upang makita ako sa wakas. Baka hindi na dumating sa kanya ang pagkakataon na makilala ako. Dahil may sarili siyang panahon, mga plano, mga pagnanais na iba sa akin, baka magkatotoo ang tunay na pangamba ko: na hindi niya ako kailanman mabigyan ng pagkakataong mahalin. Paano magtatagpo ang dalawang magkaibang panahon, ang panahon ko at ang panahon niya? Baka kulang pa pala ang aking pag-ibig na walang hanggan.

Sa mga pagkakataong pati ang lahat na ng aking maibibigay ay kulang pa rin, diyan ako higit sa lahat nawawasak. Dahil ibinigay ko na mismo pati ang hindi ko kayang ibigay, o dapat hindi ko na kayang ibigay--ang pag-ibig na walang panahon. At ano pa ang maibibigay ng isang puso na pati ang hindi naman talaga dapat ibigay ay ibinigay na? Ni Diyos o ang lahat ng mga anghel ay wala nang magagawa kung pati ang larangan ng walang hanggan ay wala nang magagawa para sa akin. Kung kulang pa rin ang higit na sa walang hanggang pag-ibig, ano pa ang maaari kong asahan? Ano pa ang maaari kong hawakan? 

Ang maaari ko na lamang gawin yata ay sumuko--o subukan siyang malimutan. Dahil hawak ko ang panahon, tangan ko rin ang kakayahan na lumimot. Ang mga tao kasi na walang tiwala sa panahon ang hindi nakakalimot. Nagmamadali sila, gusto na nilang hindi masaktan ngayon, nais na nilang maghilom mga pagbubukas ng puso kahit wala pa ito sa panahon. Dahil maaari na akong makalimot sa loob ng panahon na binuksan o linuwagan ng aking pag-ibig, ang siyang ibibigay ko sana sa kanya ang ngayo'y maaaring makapagligtas sa akin. O walang hanggan na ngayong aking kaibigan, pagkalooban mo ako ng isang silid kung saan maaari akong makalimot sa loob ng iyong kaharian.

Ano ba ang nangyayari sa pag-ibig na nalimutan? Nawawala ba ito? Nagiging hindi na totoo? Wari ko'y hindi naman pinapatay ng pagkalimot ang nakaraan, na para bagang "nawala" na ito, naging hindi na nagmemeron. May pagmemeron pa rin ang mga alaala ng nakaraan; ngunit ang pagmemeron nito ay iba lamang sa pagmemeron ng kasalukuyan. Mas manipis lamang, baka hindi na kasintindi, mukhang hindi na kasingtotoo. Ngunit "mukha" lamang. Sa katunayan ay mas nagmemeron ang nakaraang alaala dahil may kakayahan itong magmeron sa kasalukuyan sa isang paraan na maaari pa nitong matabunan, o gawing parang wala, ang kasalukuyan. Alam na natin ito: may mga panahon kung kailan nalulungkot tayo dahil sa mga mapapait na pangyayari sa nakaraan. At ano pa ba ang ibig sabihin nito kundi minsa'y mas buhay ang nakaraan sa kasalukuyan?

Kaya naman may pangangailangan din na makalimot. Pangangailangan sa isang istriktong paraan: dahil kung hindi, maaaring "walang mangyari" sa akin kung hindi ako makalimot. May sinabi si Nietzsche na para bang ganyan: isang "necessary forgetfulness" upang makapagpatuloy mabuhay. Isipin mo na lamang ang kalagayan ng isang tao na hindi kayang makalimot? Paano ka mabubuhay na matiwasay kung naaalala mo ang lahat at wala kang malimutan?

Alam nating kinakailangan ng paglimot ang panahon, o ng panahon ang paglimot. Magkapatid ang dalawa. Biyaya ng panahon sa atin ang kapangyarihang malimutan ang nakaraan. At ano pa nga ba ang panahon kung hindi nakaraan? Wala naman talagang "hinaharap" dahil hindi ko ito tiyak. Wala rin naman talagang kasalukuyan dahil hindi ko ito mahawakan (madulas, biglang wala na). Ngunit ang nakaraan ang siyang tiyak: nakita ko na, malinaw sa isip ko ngayon, at ang mga nangyari noon ay naipako na sa kasaysayan at hindi na mababago--sa isang salita, tiyak.

Sa katunayan, ang tunay na inaasahan ng mangingibig na hindi iniibig ay hindi lamang ang pagkakataon na balang araw ay siya'y ibigin. Kasabay niyan ang kanyang dasal na malimutan niya rin na hindi siya inibig. Wari ko'y pareho lamang naman ang dalawa. Hindi ba't kapag nalimutan natin ang mga hindi umibig sa atin ay parang nagiging bago sila muli sa atin, nagiging bagong posibilidad muli ng pag-ibig? Kung ngayo'y ako ay hindi mo iniibig, bukas o makalawa ay baka ibigin mo rin ako. At iyon ang hahawakan ko, isang baka. At magiging totoo lamang para sa akin ang posibilidad na baka mahalin mo ako kung makalilimutan ko agad ang katotohanang hindi mo ako mahal ngayon.



--------
Mga Tangang Tanong



  • Bakit nga ba may mga minamahal tayong hindi tayo minamahal? 
  • Isang "trial and error" lang ba talaga ang pag-ibig?
  • O bakit sa unang banda pa lamang ay nagugustuhan natin ang mga hindi naman tayo gusto? Anong kaguluhan ito? Bakit kailangang mahirap?
  • Hindi ba maaaring ibigin lamang natin ang tiyak na iibig sa atin? Oo, "mali." (Ngunit mali para kainino?) Pero puwede naman kung sa puwede.



Comments

  1. Ang ganda nito.

    Have you read Paz Marquez Benitez's Dead Stars? http://www.sushidog.com/bpss/stories/stars.htm

    ReplyDelete
  2. Heard of it before, but I haven't. Will take a look.

    Thanks, Trish! It's good to know that I can still be understood. Sabog kasi e.

    ReplyDelete
  3. "Why had he obstinately clung to that dream?

    So all these years--since when?--he had been seeing the light of dead stars, long extinguished, yet seemingly still in their appointed places in the heavens."

    *

    Naku, hindi kaya sabog! Ang galing nga eh. Sumagi rin sa isip ko yang mga bagay na yan, pero hindi ko masusulat nang ganiyan yan. Napa "oo nga" rin ako sa mga tanong mo. Bakit nga ganoon. :(

    ReplyDelete
  4. Anonymous12/09/2011

    kung mapabibilis lamang ang pag ikot ng mga kamay ng orasan upang dumating agad sa panahong manhid ka na o maaaring nalansi mo na ang iyong puso na nakalimutan mo na ang isang pag ibig na nakapagdulot ng ibayong dalamhati, mas marami sigurong pusong mas magiging matapang magmahal muli.

    Bakit nga kaya may mga taong kay bilis maghilom ang pusong nasugatan? Mas magaling lang kaya silang mag uto sa mga taong nasa paligid nila? O sadyang hindi ganuon kalalim ang pagmamahal na kanilang ibinahagi? At bakit may ibang inaabot ng taon ang pagluluksa? Masokista lang kaya talaga sila? O sadyang tuluyan na silang nabaliw at hinayaang maiwan sila ng pag ikot ng mundo?

    ReplyDelete
  5. Anonymous7/16/2012

    sana nga isang tao na lang ang ibigin natin, iyong taong nakalaan para sa atin (kung mayroon man), para wala ng nasasaktan. may biyaya bang naidudulot ang sugatang puso?

    bakit nga ba tayo nagkakagusto sa isang taong hindi naman tayo gusto? nangungusap ba talaga sila sa ating puso? o iniisip lamang natin ang lahat?

    ReplyDelete
  6. Laging naroon ang pangamba, kaibigan, na isipin natin na ang isang posibleng mangingibig ay ang siyang nakatakda sa atin--na siya na talaga, wala nang iba pa. At laging mapanganib ang pag-aakala na ito dahil maaari akong magkamali, baka iniisip ko lang pala.

    Sa isang banda, hindi iyan matatakasan: kailangan kasi munang dumaan sa aking imahinasyon at pagpasiya ang kaisipang siya ang karapatdapat mahalin, na siya ang ganap na aking iibigin. Dahil ano na lamang ba ang pag-ibig na hindi ko iniisip na totoo? Ngunit diyan tayo nagkakamali. Kasi baka hindi niya naman pala nakikita ang nakikita ko. Kasi baka nasa isip ko lamang pala ang lahat--kahit ang sinasabi kong "mahal ko siya," baka ito'y imahinasyon lamang. Magkaiba kasi ang "Iniisip ko na siya na" sa "Siya na."

    Walang ibang paraan kung hindi dumaan diyan. Ipinapanalangin na lamang natin na tama ang ating pag-aakala, o may katalagahan ang isang pag-ibig. At, bagaman labis na itong sinabi, kailangan lamang ng panahon upang malaman ang dapat malaman, makita kung totoo nga ang isang pag-ibig (kung mahal niya ba talaga ako, kung mahal ko ba talaga siya, atbp.). Napapatunayan kung tama o mali ang ating mga iniisip o pag-aakala sa tagal ng panahon. Mapapagod ka lamang kasi kung pipilitin mong maging totoo ang pag-ibig na wala naman talaga.

    Ang sabi ni Descartes isang bagay lamang ang dahilan ng lahat ng ating mga pagkakamali. At iyan ay lagi tayong nagmamadali. Nagmamadaling magpasiya, maghatol, maniwala, kung saan maaari ka pa naman sanang naghintay upang maglantad ang totoo. Ang suliranin lamang ay pagdating sa pag-ibig, tila ang pinakamahirap gawin ay maghintay.

    ReplyDelete
  7. At--laging may mabiyaya masaktan sa pag-ibig, ngunit nakikita mo lamang ito sa huli. Anong biyaya? Nalaman mong hindi pala siya ang para sa iyo. Tunay na kaalaman pa rin iyon.

    Kung titignan: habang magiging mas madali nga na may nakatakda na para sa atin (at alam natin ito mula simula), magiging maligaya pa rin kaya tayo kung ganoon? Na wala tayong pagpili kung sino ang iibigin? Na wala tayong kalayaan? Para sa akin lamang ito, ngunit tila walang halaga ang isang pag-ibig na hindi nanggaling sa kailaliman ng aking kalayaan.

    Ngunit nauunawaan kita. Naranasan ko na rin iyan. At hindi madali. At naisip ko rin noon na sana'y mas madali na lamang kasi ang lahat.

    ReplyDelete
  8. Anonymous7/16/2012

    Sinasabi mo bang may kalayaan tayong ibigin ang kahit sino nating gusto? ibig sabihin ba nito, matuturuan natin ang ating puso?

    Salamat din, saint. Sa pagbabasa ng iyong mga sanaysay, naramdaman kong hindi ako nag-iisa sa aking kabiguan.

    ReplyDelete
  9. Wari ko'y ang puso ang pinakamahirap turuan. Di gaya ng isip na mabilis maisaulo ang kaalaman, ang katawan na madaling mapaso ng karanasan, o ng kaluluwa na may sariling alaala--makakalimutin ang puso: nakaliligtaan nito ang dati nitong pinagdaanan, kaya naman naglalaho ang dapat natutunan. Ngunit mas mabuti na rin kung gayon dahil paano pa ba makapagsisimula muli kung nakakulong ang puso sa nakaraan?

    Ngunit sa ngayon, kung anuman ang pinagdadaanan mo, alalahaning hindi nagtatapos diyan ang lahat. Ang ibig sabihin ng tunay na masaktan ay palapit na ang pagdating ng higit na ligaya.

    Ingat, kaibigan.

    ReplyDelete

Post a Comment

Popular posts from this blog

The Fields of Amorsolo

The first National Artist in Philippine history, referred to warmly as the “Grand Old Man of Philippine Art,” Fernando Amorsolo (1892–1972) still stands today as a looming figure in Philippine art responsible for being one of the artists who helped define what we up to now visually imagine as essentially Filipino. The images of rural life, of golden fields below clear blue, blue skies; the smiles of farmers which diminish their weariness as they plant, harvest, and winnow rice;most especially the iconic figure of the Filipina maiden working in the fields—the beloved dalagang bukid--; these, I believe, even after generations of Filipino painters since Amorsolo, have remained in our hearts and memory. Amorsolo did what great masters do for their country: bestow upon it its own icons, represent its native beauty, that is, to give its people and lands an identity and a face. There are, however, as many intentions for art as there are works of art. And these intentions will always remain in…

[Payapang Daigdig]

Written by Pat Nogoy, S.J.

Payapang Daigdig Felipe de Leon, Sr. 
Ang gabi'y payapa Lahat ay tahimik  Pati mga tala      Sa bughaw na langit 

Kay hinhin ng hangin Waring umiibig          Sa kapayapaan          Ng buong daigdig     
Payapang panahon    Ay diwa ng buhay Biyaya ng Diyos       Sa sangkatauhan
Ang gabi'y payapa Lahat ay tahimik Pati mga tala Sa bughaw na langit  
Pati mga tala           Sa bughaw na langit


The gift delivers Being/being Jean Luc Marion

There is something about the night.
The blanket of darkness hovering the other half of the day sparks ambivalence. Everything is the same in darkness—fear, joy, pain, triumph, doubt, glory, sorrow. Identities recede unto the vast anonymity. There is a pervading anxiety where existence slips into nothingness. One is never certain what to make out of darkness; maybe that is why the night shakes us because we never know. One cannot avoid imagining a something that is greater, higher, mightier, (even sinister) that lurks (hence the power of ghos…

Without Why (The Rose) II

Lifetime is a child at play; moving pieces in a game.
Kingship belongs to the child.

Heraclitus, Fragment 52


The child at play never asks itself why it plays. The child just plays; and if it could, it will play as long as possible, it will play throughout its life. See its delight and witness its smile.

If it would never go hungry or if the sun would never set it too will never leave its playmates and playthings. Time flies at play because it stops or suspends time. Time -- as we grownups only know too well -- is the culprit for order, schedules and priorities; yet for the child, there is no time, there is only bottomless play. It is we who impose that this or that should be done at this or that time. We stop the absurd and supposedly endless play ("He does nothing but play") because we insist that discipline, order and priorities be instilled in the child at an early age ("He needs to learn other things beside playing"). So that the child will become like us one da…