Skip to main content

Ang Sandali ng Pag-ibig




HIRAM
Inawit ni Zsa Zsa Padilla
Titik at himig ni George Canseco


May isang umagang ‘di mo hahagkan
Ang mata kong ‘di ka magigisnan
Turuan mong ako’y huwag masaktan
Kahit ako para sa’yo
Ay isang hiram
At hindi dapat magdamdam

‘Di mo lang alam na kahit pa mali
Naging langit ang bawa’t sandali
Magmula nang halik mo’y dumampi
Pag-ibig mo, pag-ibig ko kapwa hiram
Wala ka bang pakiramdam

‘Di ba ako’y tao lang na
Nadadarang at natutukso rin
Maiaalis mo ba sa ‘kin
Na matutunan kang mahalin
Sa bawa’t sandaling hiram natin

Di ba ako’y tao lang na
Nadadarang at natutukso rin
Maiaalis mo ba sa ‘kin
Na matutunan kang mahalin
Sa bawa’t sandaling hiram natin

May isang umagang ‘di mo hahagkan
Ang mata kong ‘di ka magigisnan
Turuan mong ako’y huwag masaktan
Kahit ako para sa’yo
Ay isang hiram
At hindi dapat magdamdam

O hiram na kung hiram bawa’t saglit
Wala ako isa mang hinanakit
Basta’t kapiling ka’y langit
Walang sa ‘yo ay papalit
Hinding-hindi ako sa ‘yo magdaramdam
Kahit hiram

Hiram


*


Ano ba ang isang hiram na pag-ibig?

Sa unang tingin tila wala itong iba kundi isang pag-ibig na hindi ko maaaring angkinin, kupkupin, o tawaging akin—isang pag-ibig na sa dulo’y kailangan kong isauli. Ngunit anong pambihirang kalagayan ito na ako’y iibig ngunit ang iniibig ko’y di naman pala akin? Hindi ba’t nangangahulugan na hindi tunay na pag-ibig ang isang hiram na pag-ibig dahil sa payak na dahilang kung mawawala ito sa akin kapag kailangan ko na itong isauli, hindi ito kung gayon kailanman naging tunay na akin. Ang buong panahon na inakala kong tunay ang pag-ibig ko’y wala palang iba kundi, nasabi na, isang pag-aakala: waring tunay ngunit nagbabalatkayo palang pag-ibig. At waring hindi tunay ang hiram na pag-ibig dahil niloloko nito ang sarili sa pagkukunwari na ang iniibig nito ngayon ay maaari pa ring ibigin sa hinaharap. Ito nga ang kabalintunaang iniiwasang aminin ng isang hiram na pag-ibig: imposible maging tunay na pag-ibig ang isang hiram na pag-ibig dahil hindi pag-ibig ang pag-ibig na walang pagtanaw sa hinaharap.

Panandalian kasi ang isang hiram na pag-ibig. Nananalaytay ang lakas nito mula sa bugso at init ng pakiramdam na nararanasan lamang sa kasalukuyan. Ngayon, kitang-kita kita, narito ka sa aking tabi, malinaw ang nararamdaman ko para sa iyongayon maligaya ako. Ang kaligayahan ng sandali ay isang buhay na karanasang pumupukaw ng atensyon at pumupuno sa ating mga pagnanasa sa kasalukuyan. Hindi naman kataka-taka na nagpapakita ang pag-ibig sa ganitong anyo lalo na sa mga unang sandali nito. Ang problematiko ay kung napapako ang pag-ibig sa mga unang sandali nito, kung napapaloob lamang ito sa mga hangganan ng mga pakiramdam na nagpapaligaya at nagbibigay ng kaluguran sa atin, at kung hindi na ito nabigyan ng pagkakataon na sabay tumubo pa at lumalim. Sa isang salita, ang sabay na ganda at panganib ng isang hiram na pag-ibig ay nananatili lamang ito sa kasalukuyang panahon at hindi na tumatawid sa lagpas pa rito, o sa hinaharap.

Mapanganib ang pag-ibig na walang pagtanaw sa hinaharap dahil maaaring ang tunay na iniibig ng pag-ibig na ito ay ang kaligayahan lamang ng sandali at hindi ang tao mismo. Dahil sa labis na karamdaman nito, maaaring malito ang panandaliang pag-ibig sa kung ano ba talaga ang iniibig nito. Ang iniibig ko ba ay ang kanyang mga katangian—ang kanyang ngiti o halik, kilos o bait, malalim na mga salita o makukulay na damit—o siya mismo—ang kanyang pagkatao, ang kanyang kalooban, ang kanyang “ako” o tunay niyang sarili. Madali lamang mabighani sa mga katangian dahil nakikita ito agad ng mga mata, ngunit kailangan ng panahon upang makilala ang isang tao para masabi ng puso na tunay na umiibig na ito. Kung matali ako sa pag-ibig ng mga nakikitang katangian ng isang tao, hindi ba’t maaaring isipin na ang tunay kong iniibig ay hindi siya ngunit ang kanyang mga katangian: ang kanyang ngiti ngunit hindi siya na ngumingiti, ang kanyang katawan ngunit hindi ang kanyang kalooban, ang kanyang pag-iisip at hindi ang kanyang puso? Sa isang salita, iniibig ko siya dahil—at hanggang sa—nakikita ko siya. At kung wala siya ngayon at hindi makita, hindi ko na rin siya iniibig. 

Hindi na naman pag-ibig ang ganitong pag-ibig na umiibig lamang dahil sa presensiya o pagiging narito niya sa kasalukuyan. Isa pa rin itong hiram na pag-ibig dahil may plano itong isauli ang pag-ibig—hinihiram lamang kita dahil sa walang ibang dahilan kundi narito ka ngayon. At gaya ng mga nag-iibigan na nagtatagpo lamang kapag gabi at naghihiwalay sa pagsapit ng umaga, hindi maaaring hindi matapos agad ang isang hiram na pag-ibig.

Ngunit paano kung hindi mo na nais isauli ang hiniram mong pag-ibig? Paano kung ang sa una’y inakala mong panandalian lamang na pag-ibig ay tuluyang maging pag-ibig na nais mong ipagpatuloy, nais mong magtagal at pagtayaan ng hinaharap? Paano kung nais maging tunay na pag-ibig ang isang hiram na pag-ibig?

Una sa lahat, malaking problema ito kung hindi naman ganito ang pagtingin ng iyong iniibig dahil lalabag ka sa “usapan” (na “no strings attached” dapat, “enjoy the moment” na lang, huwag na munang isipin ang bukas, manatili lamang sa kasalukuyan).  Baka magalit pa ang iniibig sa iyo at tuluyan kang iwan dahil hindi niya naman maibibigay ang hinihingi mo. At mauunawaan naman ito: “Huwag kang magbigay ng pusong baka hindi ko naman kayang tanggapin” (“Do not give a heart I may not receive”) (Racine). Ang kabalintunaan ay mabibigo ang nais pang umibig nang tunay dahil pinalalabo nito ang sa una’y malinaw na kalagayan ng panandaliang pag-ibig. At wala nang mas payak o malinaw pa sa isang panandaliang pag-ibig: walang ibang nakaaalam nito dahil hindi naman kailangan, walang mga paumanhin o tampo dahil wala namang pinanghahawakan, at wala ring mga pangarap o plano sa hinaharap dahil wala rin namang mga pangako.

Lagi kasing kumplikado at masalimuot ang pag-ibig na may pagtanaw sa hinaharap: sinusubukan nitong tignan ang hindi pa nakikita o handang makita, hawakan ang hindi pa naman mahahawakan o takot pang hawakan, hingin ang pangako na baka hindi pa naman kayang bitawan. Mangmang tayo sa harap ng hinaharap; at kung hindi natin ito nalalaman, lalo na’t kung hindi tayo nakatitiyak dito, natatakot tayo’t tumatakbo mula sa tanong na iibigin mo pa rin ba ako bukas o sa makalawa? At hindi naman “kasalanan” kung lumayo o maglaho ang iniibig sa oras na ika’y humingi ng higit sa maibibigay niya. Marahil mas mabuti pa ito, na siya’y maging tapat, kaysa paasahin o lokohin ka lamang sa pamamagitan ng mga salita na hindi naman niya pangangatawanan.

Paano na ngayon ang mangingibig na naghangad lang naman ng pag-ibig na magtatagal at lagpas sa mga nakaw na sandali? Bakit niya kasi ito nagawa?—ang hingin ang hindi maaaring ibigay, ang ibigin ang hindi naman siya iibigin lampas sa iba’t ibang saglit. Ang interesante rito ay kung paano naging posible iyon?—na hindi manatiling hiram lamang ang pag-ibig sa puso ng isang mangingibig, na hingin nito ang hinaharap dahil hindi na sapat ang mga panandaliang saglit. O huli, paano nangyayari na mula sa iba’t ibang hiram na sandali ay maaaring naisin ng isang mangingibig na maging kanya magpakailanman ang kanyang iniibig at hindi na muli itong isauli?

*

Ang lahat ay nakasalalay sa pagtanaw.

Para sa isang hindi umiibig o nagkukunwari lamang umibig, ang isang sandali ay isang saglit lamang, isang sandali na mabilis kung lumipas, dumadaan lamang o dumarating, maaaring bumalik, maaaring hindi. Ito ang pag-ibig sa anyo ng pagnanasa at, gaya ng nasabi na, ang pagnanasa ay nananahan at nagkakaroon lamang ng kahulugan sa mabilis na paglipas ng panahon. At mas nagliliyab ang pagnanasa kapag mas maiksi ang panahon: "One should permit oneself excess only with people one intends to leave shortly" (Laclos). Walang pagtingin sa hinaharap ang pagnanasa dahil ang layon nito ay ang kasalukuyang kaluguran lamang. Sa mismong sandali na napunan na ang pagnanasa, pansinin na wala na agad itong pagnanasaan o aasahan pa. (Bakit mo nanaisin agad ang kakukuha mo pa lamang?) Ito ang mga sandali na sandali lamang at madali.

Ngunit tila mayroon pang ibang kahulugan ang o maaaring mangyari sa loob ng isang sandali, isang karanasan na hindi lamang panandalian, isang saglit na hindi gaya ng iba pang sandali, o isang pambihirang sandali na hindi lamang madali. May binabanggit ang pilosopong si Martin Heidegger tungkol sa isang sandali na hindi lamang isang saglit. Ang tawag niyo rito’y augenblick. Ang literal na kahulugan nito sa Aleman ay “sa isang kisap (-blick) ng mata (augen-)” o “blink of an eye” sa Ingles. Sa pang-araw-araw na pagkakahulugan nito wala namang pinagkaiba ang augenblick kung gayon sa sandali o saglit (isang mabilis na pangyayari, halos hindi mahuli, dumadaan lamang, agad kung umalis). Ngunit para sa pilosopo may mga pangyayari kung saan, gaano man ito kadali, nasusulyapan natin ang malayong hinaharap o ang kinabukasan. May mga pagkakataon, gaano man ito kabilis, kung kailan naaninaw natin ang kabuuan at nararamdaman ang magpakailanman.

Gagamit ako ng isang payak at, kung pagbibigyan, isang personal na halimbawa. Noong ako’y nasa ikaapat na taon ng kolehiyo, dahil hindi ako gaya ng iba na may mga balak na kung ano ang gagawin sa pagtatapos ng pag-aaral, wala akong idea kung saan ako pupunta. Ako ba’y maghahanap ng trabaho sa isang tanyag na kumpanya, kung saan kikita ako ng malaking salapi ngunit baka hindi ko naman ibigin ang aking gagawin? O ako ba’y “tatambay” muna, “magpapahinga” (na para bang isang mabigat na pasan ang pag-aaral) o maglalakbay sa mga banyagang bansa? Hindi ko alam ang gagawin noon dahil iyon din ang mga panahong wala pa akong nakikitang anumang bakas ng sagot sa tanong na gumugulo sa aking isipan noon: Ano ba ang tunay na kaligayahan? Kambal ng tanong na ito ang isa pang tanong: Saan kaya ako liligaya? Dahil bata pa at wala pang karanasan, ninais kong malaman noon kung anong gawain o trabaho kaya ang makapagbibigay sa akin ng tunay na kaligayahan. At hangga’t hindi ko pa nasasagot iyon (na ngayon sa tingin ko’y imposible pala talagang sagutin) inisip ko na hindi ako makapagpapasiya  kung ano ang aking dapat gawin pagkatapos mag-aral.

Sa isang makulimlim at pangkaraniwang tanghali, narinig ko ang sagot sa aking tanong. Tinatalakay noon sa klase namin ng pilosopiya si Aristoteles. Aniya, sa pilosopiya lamang mahahanap ang kaligayahan (eudaimonia) na tunay at tatagal (hindi gaya ng kasiyahan na, muli, panandalian lamang o hiram). Ang palaisip o pilosopo ang pinakamaligaya raw sa lahat dahil ang pag-iisip ay isang gawain na sapat sa sarili nito, hindi ginagawa para sa kung ano pang interes o hangarin o kapalit, at, kung gayon, isang gawain na “masarap” lamang gawin. Wari ko’y bumuka ang langit at suminag ang araw sa sandaling iyon; mula noo’y nalaman ko kung ano ang dapat kong gawin. Magtuturo ako ng pilosopiya.

Bagaman malayo pa rin, para bagang ganoon din ang augenblick ni Heidegger. Isa itong matinding sandali kung kailan nagpapakita sa atin ang isang bagay na sabay kilala na ngunit dayuhan pa rin sa atin. Isa itong “moment of vision,” isang sandali ng purong pagtuklas sa maaaring matagal na nating hinahanap, o matagal na palang hinahanap kahit hindi man natin nalalaman. Ang augenblick ay isang sandali ng pag-unawa kung saan, sa isang hindi maipaliwanag na dahilan at paraan, unti-unting nahuhulog ang lahat sa nararapat nitong kalagyan at tila nagkakaroon ng saysay at kahulugan ang lahat. Sa mga sandaling ito rin natin nakikita at nahahawakan nang buo ang ating sarili. Kaya naman ang isa pang paglalarawan ni Heidegger sa augenblick ay isa itong "moment of decision," isang sandali ng buong pagpasiya dahil nakita mo na sa isang kisap-mata ang nais mong gawin o mahalin.

Mahalagang igiit na ang augenblick, o ang pagtingin o pag-unawa sa loob ng isang sandali, ay hindi galing sa aking kusa o nagmumula sa sarili kong lakas. Hindi ko mapipilit ang ganitong mga sandali: wala pa rin akong makikita kung hindi nagpakita ang nagpakita sa sandaling iyon sa isang dalisay na paraan. At tawag ng mga Griyego sa pagpapakita ng dating hindi makita ay aletheia, isang paglabas mula sa pinagkukublihan, ang paglantad ng dating nagtatago. Ito kasi para sa mga Griyego ang kilos at galaw ng katotohanan: mahilig magtago, ayaw pahuli, at kung minsa’y mapaglaro, ngunit kapag mamalasan ay mas malakas pa sa araw kung suminag at nagsasabog ng liwanag sa lahat ng bagay. Hawig sa aletheia na tumutukoy sa kilos ng katotohanan, may tinatawag din si Heideger na ereignis na pumapatungkol naman sa pag-iral o Meron. Tinutukoy ng salitang ito ang isang partikular na pangyayari (ereignis, “event”) sa loob ng isang sandali kung kailan dumarating upang mamalasan at maunawaan ang hindi kailanman nakita o natarok sa kasaysayan ng pag-iisip—ang kahulugan ng pag-iral o kung bakit Meron at hindi Wala. Ngunit ang aletheia o ang pagpapakita ng katotohanan, at ang ereignis o ang pagpapamalas ng Meron, ay kapwa pa ring isinisilang sa loob ng isang mabilis na sandali o  sa isang napakadaling saglit. Isinisilang pa rin ang mga katotohanang wagas sa ganitong mga partikular na sandali dahil sa abot-tanaw pa rin ng panahon ito unang maaaring magpakita.

Ang mga pambihirang sandaling kung kailan nagpapakita ang katotohanan, kapag pinagdaanan nang may dalisay na puso, ay hindi maaaring itanggi na nangyari: totoo ang katotohanan kilalanin ko man ito o hindi. Ang mga sandaling ito, kapag tinignan nang may tapat na mga mata, ay hindi maaaring isantabi: totoo ang katotohanan yakapin mo man ito o hindi. Hindi ka maaaring hindi baguhin ng katotohanan. Nagpapakita at nagpapa-unawa sa atin ang pinakamahahalagang bagay—ang mga nagpapabago sa ating buhay—sa iba’t ibang mabibilis na sandali at pangyayari.

Gaano kabilis? Gaya ng isang kisap-mata: maaaring hindi mo makita,  ngunit kapag nakita’y walang kasinganda o mas malinaw pa.

At pinakamahalaga sa lahat ng iba pang sandali kung kailan nagpapahiwatig sa iyo ang katotohanan sa isang pangyayari ay ang sandali kung kailan natuklasan mo sa isang kisap-mata kung sino ang tunay mong iibigin hindi lamang ngayon ngunit pati na rin sa magpakailanman.

John Everett Millais, The Black Brunswickers, 1860,
Lady Lever Art Gallery, Liverpool


Kaya naman hindi masisisi ang sa una’y nag-akalang panandalian lamang ang pag-iibigan na bigla na lamang matutunan o matuklasan sa loob ng isang sandali na tunay pala ang kanyang pag-ibig at na hindi lamang ito panandalian. Huwag kang magalit sa akin dahil lamang sa hindi mo nakita ang aking nakita o naramdaman ang aking naramdaman. Hindi kasindali para sa akin na isauli ang ipinahiram mong pag-ibig. Huwag mo akong hingan ng paliwanag dahil hindi naman sa akin galing ang liwanag na suminag sa mga sandali ng pag-iibigan natin. Hindi ko rin naman ito ginusto o inasahan. Huwag mo na akong saktan. Kahit sa huli’y ako lang naman pala ang tunay na nagmahal, hinding-hindi naman ako sa iyo magdaramdam. Dahil sa mga hiram na sandaling iyon langit at walang-hanggan naman ay aking narating at naramdaman.

Comments

Popular posts from this blog

The Fields of Amorsolo

The first National Artist in Philippine history, referred to warmly as the “Grand Old Man of Philippine Art,” Fernando Amorsolo (1892–1972) still stands today as a looming figure in Philippine art responsible for being one of the artists who helped define what we up to now visually imagine as essentially Filipino. The images of rural life, of golden fields below clear blue, blue skies; the smiles of farmers which diminish their weariness as they plant, harvest, and winnow rice;most especially the iconic figure of the Filipina maiden working in the fields—the beloved dalagang bukid--; these, I believe, even after generations of Filipino painters since Amorsolo, have remained in our hearts and memory. Amorsolo did what great masters do for their country: bestow upon it its own icons, represent its native beauty, that is, to give its people and lands an identity and a face. There are, however, as many intentions for art as there are works of art. And these intentions will always remain in…

[Payapang Daigdig]

Written by Pat Nogoy, S.J.

Payapang Daigdig Felipe de Leon, Sr. 
Ang gabi'y payapa Lahat ay tahimik  Pati mga tala      Sa bughaw na langit 

Kay hinhin ng hangin Waring umiibig          Sa kapayapaan          Ng buong daigdig     
Payapang panahon    Ay diwa ng buhay Biyaya ng Diyos       Sa sangkatauhan
Ang gabi'y payapa Lahat ay tahimik Pati mga tala Sa bughaw na langit  
Pati mga tala           Sa bughaw na langit


The gift delivers Being/being Jean Luc Marion

There is something about the night.
The blanket of darkness hovering the other half of the day sparks ambivalence. Everything is the same in darkness—fear, joy, pain, triumph, doubt, glory, sorrow. Identities recede unto the vast anonymity. There is a pervading anxiety where existence slips into nothingness. One is never certain what to make out of darkness; maybe that is why the night shakes us because we never know. One cannot avoid imagining a something that is greater, higher, mightier, (even sinister) that lurks (hence the power of ghos…

Without Why (The Rose) II

Lifetime is a child at play; moving pieces in a game.
Kingship belongs to the child.

Heraclitus, Fragment 52


The child at play never asks itself why it plays. The child just plays; and if it could, it will play as long as possible, it will play throughout its life. See its delight and witness its smile.

If it would never go hungry or if the sun would never set it too will never leave its playmates and playthings. Time flies at play because it stops or suspends time. Time -- as we grownups only know too well -- is the culprit for order, schedules and priorities; yet for the child, there is no time, there is only bottomless play. It is we who impose that this or that should be done at this or that time. We stop the absurd and supposedly endless play ("He does nothing but play") because we insist that discipline, order and priorities be instilled in the child at an early age ("He needs to learn other things beside playing"). So that the child will become like us one da…