Skip to main content

Kung Bakit Matagal Maghilom ang Puso





Tugon Sa Kaibigang Walang Pangalan:


"Bakit nga kaya may mga taong kay bilis maghilom ang pusong nasugatan? Mas magaling lang kaya silang mag uto sa mga taong nasa paligid nila? O sadyang hindi ganuon kalalim ang pagmamahal na kanilang ibinahagi? At bakit may ibang inaabot ng taon ang pagluluksa? Masokista lang kaya talaga sila? O sadyang tuluyan na silang nabaliw at hinayaang maiwan sila ng pag ikot ng mundo?"


Madalas ngang mangyari na mabilis maghilom ang mga sugat dahil hindi ito ganoon kalalim. Baka galos lamang, kaya madaling magsara. Minsa'y ni hindi mo man ito kailangang pansinin o asikasuhin (gamot, bandage, tahi): nariyan lang, maliit, di kapansin-pansin, at sa isang linggo'y mawawalang ni walang bakas. Ganoon din yata sa pag-ibig: may mga umiibig nang hindi ganoon kalalim kaya naman hindi masasaktan ang puso kapag nabigo. Paglalandi, nagtampisaw lamang sa dalampasigan, hindi lumundag, walang pangangahas, walang pagtataya--wala ring mawawala. Ngunit baka isang posibilidad lamang ito, at may iba pang dahilang mahihinuha. Tignan natin.


Nangyayari rin minsan na bagaman tunay tayong nagmahal (nagtaya, nagbigay ng sarili, sinamba pa ang iniibig) ay mabilis tayong nakababangon mula sa pagkabigo. Hindi na mahalaga kung paano nasira ang pag-ibig; taglay ng lahat ng pagkabigo ang katangian ng kalungkutan sa pagkawala ng isang mahalagang tao at malapit sa puso.  (Masusukat mo ang halaga ng isang bagay hindi sa tindi ng ligaya noong nasaiyo ito kundi sa lalim ng lungkot na mararanasan mo kapag nawala ito.) Ngunit maaaring magkaiba ang ating tugon sa anumang kalungkutang dala ng pagkabigo: maaaring hindi ko ito maunawaan, o maaaring maintindihan ko ito. At palagay ko ang lahat ay humahantong sa tanong na ito: Naunawaan ko ba ang mga pangyayaring nagdulot sa pagkawasak ng pagmamahalan namin? Malungkot man ako, kaya ko bang silayan ang kadilimang bumabalot sa akin ng liwanag ng pag-unawa. Anong maaari kong unawain? Ito: na hindi na talaga maari pang ipagpatuloy ang pagmamahalan, na higit na mabuti na ang maghiwalay. Masakit man o magluksa man ako kapag nangyari ito. 


Hindi nag-iisip ang ating pandama, at sa lahat ng ating pakiramdam, sa sarili nito lungkot ang siyang pinakamangmang. Hindi ito kakulangan sa bahagi nito; tungkulin ng kalungkutan na ipadama sa atin ang kawalan. Ngunit walang halaga ang karanasan ng pagdadalamhati kung mananatili itong malungkot at magwawakas sa lungkot; kung ganoon lamang ang tungkulin nito, kasuka-suka lang ito. Kung gayon, para saan pa ang lungkot at paano ito masasagip mula sa pagiging absurdong karanasan lamang? Baka ganito: baka ang layunin ng kalungkutan ay turuan tayo. O ng anong aral! 


Kahit ano, basta mayroon--ng ating mga pagkakamali, pagkukulang; na kailangang ingatan ang pag-ibig, alagaan, dahil ang lahat ay maaaring matapos sa anumang sandali. Na hindi madali ang magmahal. Na laging may maaari pang ibigay. O, ang pinakamataas na aral: na laging may higit pang ligaya. Baka tinuturuan tayo ng kalungkutan na maghanda sa posibilidad ng mas malalim na kaligayahan. Ito ang gabi na kailangang harapin bago masilayan ang kagandahan ng bagong umaga. 


Hindi kinakailangang mangahulugang nagkulang ang pag-ibig kapag madali akong nakabangon mula sa pagdadalamhati sa pagtatapos nito. Baka isang tanda lamang ito ng kakayahan nating unawain ang kagandahan din ng pagkabigo. Kagandahan? Sa ilalim ng dilim ng kawalan ng pag-asa? Maaari. Ito ang kagandahan ng pangako ng ibang posibilidad. Hindi lamang posibilidad sa ganang Dahil tapos na ang aking relasyon, malaya na ako ngayong maghanap ng ibang iibigin. May mga ganyan (naranasan na natin iyan marahail) ngunit walang saysay iyan. Ang tinutukoy ko ay ang pangako ng panahon--o ang posibilidad na maunawaan ko na may panahon pa. Lagi't laging may panahon pa. Hindi natatapos ang lahat ngayon.


Sa mga pagkakataon na inaabot tayo ng kay tagal upang makabangon mula sa dilim ng pagluluksa, nangyayari ito dahil nakalimutan natin o hindi pa nalalaman ang katotohanan ng panahon. Iyan ang katangian ng pagluluksa, iniisip at nadarama nito na wala nang panahon, na wala nang maaaring magbago, na kapareho o magkamukha lamang ang bukas sa ngayon, na kalungkutan din ang mararanasan ko sa hinaharap gaya ng kalungkutan ko ngayon. Isang mahabang ngayon ang pagdadalamhati: wala itong pagtanaw sa kinabukasan, o mas mabuting sabihing wala na itong pagtiwala dito, o tuluyan nang nawala ito. Kaya tila tumitigil ang daigdig ko kapag ako'y nasaktan, iniwan, at pag-ibig ay nasira. 


Ngunit kung may itinuturo man sa akin ang galaw ng araw at pag-ikot ng mga planeta, ng alon sa dagat at pagdaloy ng tubig sa ilog--iyan ang mataas na aral na nagpapatuloy ang lahat, sumama man ako sa ritmo't galaw ng mga ito, magpaiwan man ako. At pansinin: parehong araw ang nagtago sa akin kagabi at ngayo'y naghahari sa langit, iisang dagat ang walang kibo kanina at ngayo'y nilalamon ang dalampasigan. Iisang araw, iisang ilog, ngunit ibang-iba rin. Ginawa silang bago ng panahon. 


El Nido, 2010


Iisang puso na ngayo'y sugatan at walang laman, at iisang puso rin na bukas ay baka tuluyan din na alagaan ng isang magmamahal sa akin. Natutunan kong hayaan ang panahon gawin ang tungkulin nitong baguhin ang tila hindi na magbabago. Natutunan ko sa mga taon na ang siyang maaaring pumatay sa akin ang maaari ring lumigtas sa akin. Sa mga taon--hindi kailanman mabilis, hindi kailanman madali. Kailangan din ng panahon ng panahon upang turuan tayo ng mga sekreto't aral nito. Kaya pagkatapos ko sabihin ang lahat ng ito, pagkatapos ng lahat ng katwiran at retorika at mga talinhaga, ginagalang ko sa lahat silang matagal kung magluksa. Ginagalang ko hindi silang may mga metapisikal man o pangkaranawinang pag-unawa sa kalikasan ng panahon kundi silang may mga sugat na matagal kung maghilom. Sila ang sa balang araw ay magiging mga kaibigan ng panahon.







Comments

  1. "At bakit may ibang inaabot ng taon ang pagluluksa?"

    Baka naman hindi na iyon pagluluksa para sa kanya. Baka nakita na niya ang kaligayahan niya--yung tipong sapat na para sa isang buhay--sa minahal niya kahit na nilisan siya nito. Baka araw-araw namamangha, nabibighani pa rin siya sa minamahal niya, kahit na sa malayo. Baka sapat na sa kanyang nabubuhay yung taong mahal niya, o na kahit sa isang maiksing pagkakataon nakasama niya ito. Baka nadaig ng pasenyoso at taimtim na pag-ibig ang lungkot at sakit, kaya hindi masakit.

    ReplyDelete
  2. Anonymous12/13/2011

    It's like allergies. If you keep exposing yourself to the offending agent, you'll never get better. Stay away. Destroy everything that reminds you of your once-beloved. Move on.

    ReplyDelete
  3. Ngunit kaibigan, hindi nga pagluluksa iyan kundi ang isang uring maluwalhating tagumpay ng puso sa paglabas nito sa sarili at paghangad ng kabutihan para sa dating inibig. May kaligayahan na riyan, at hindi na lungkot. Mahirap yatang mangyari na magsabay sila sa isang tao. May pagka-absoluto ang kaligayahan at kalungkutan: hindi maaaring maghalo. Kuro-kuro lamang.

    Patawarin, ngunit madalas akong magduda sa kanilang madaling nakatatawid mula sa lungkot na ako'y sinaktan tungo sa sinasabi mong tila bagong anyo ng pag-ibig (na halos banal) sa kanya. Natanong na ito, pero hindi kaya tuluyan lang talagang nawala na ang pag-ibig sa akin kaya maaari ko na siyang hayaan? "Hindi naman nawawala ang pag-ibig, nagbabago lang," ika nila. Sana nga totoo iyan. Ngunit ang suspetsa ko ay nawawala lamang ang pag-ibig sa puso, at nakalilimot lang tayo.

    ReplyDelete
  4. That's a start. It also happens however that you don't even need to see anything tangible to be reminded of the lost beloved. The final battle is invisible, within.

    ReplyDelete
  5. Matagal talagang maghilom ang pusong nasaktan nang sobra. Hindi naman dahilan ang panahon para sumuko sa pag-ibig di ba? Kung mahal mo talaga ang isang tao, handa kang maghintay kahit gaano katagal... at kahit walang kasiguraduhan kung babalik pa siya sayo.

    Ako, patuloy pa ring magmamahal at hindi magsasawang maghintay kung kailan mapapagod yung puso ko. Sa palagay ko, hindi isang katangahan ang maghintay. Ang paghihintay ay isang patunay na mahal mo talaga yung taong iyon. At kung darating nga yung panahong wala na kong nararamdamang pagmamahal sa taong minsan kong inibig, magdiriwang ang puso ko dahil nakalaya na ko sa pang-aalipin ng mga alaala ng kahapon.

    ReplyDelete
  6. Melody,

    Humahanga ako, baka nga naiinggit pa, sa katiyakang hawak mo, na handa kang maghintay dahil tunay ang pag-ibig mo.

    Ang problematiko lamang, kung mayroon man at kung pahihintulutan mo akong idagdad, ay ito: minsan isang pasya ang pagwakas ng isang relasyon o ang posibilidad ng pagbalik nito. Sa halip maghintay mapagod, minsan ang hamon ay magpasiya na hindi ko kailangang mapagod para malaman na hindi talaga ito para sa akin. Dahil para malaman mo na ngayon na darating din ang araw na mapapagod ka, ay para mo na ring alam na baka hindi talaga.

    Maging maligaya ka sana ngayong Pasko. Salamat sa iyong mga nakapagbibigay ng pag-asa na mga salita.

    ReplyDelete
  7. Anonymous12/23/2011

    ...naisip ko na din dati ang sunugin ang lahat ng mga pisikal na bagay na makapagpapaalala pa sa taong nagdulot ng labis na pighati sa akin, ngunit naisip kong napakababaw naman kung gagawin ko iyon.Makita mo mang abo ang mga liham, at mga kung anu ano pang bagay na ibinigay, naroroon pa din ang lungkot. Kung ganuon nga lamang kadali sana... ngunit alam nating lahat na hindi.

    May nakapagsabi na nuon nito sa akin: 'ayos lamang ang magluksa ngunit dapat binibigyan din ito ng hangganan'. Tama nga rin naman, ngunit hindi rin ganuon kadali ang magbigay ng taning sa kung hanggang saan mo mararamdaman ang pangungulila at pighati...

    Sana'y dumating na ang oras na maging kaibigan ko na din ang panahon, na hindi na ako matakot o umiwas sa kanya, na matutunan ko ang lahat lahat ng mga aral na kanyang itinuturo sa aking matigas at makulit na ulo. Sa pagkakataon sigurong iyon, mas nanamnamin ko na ang bawat oras, araw at taong lumilipas sa aking mahabang pagluluksa.

    Marubdob kong panalangin sa Sanggol sa sabsaban na sa darating na Kapaskuhan, kahit sa araw man lamang na iyon, sana ay walang taong may lungkot sa puso.Nawa kahit sandali ay mapawi ang lumbay sa aking puso, isang uri ng kalungkutang hindi mo nanaising maramdaman ng ibang tao, kahit pa ng pinaka mortal mong kaaway.

    Sa iyo kaibigan, maraming salamat.

    ReplyDelete
  8. Nararamdaman ko ang sabay bigat at kaluwalhatian ng iyong mga salita. Sinsasabi nila sa akin na nanggagaling sila sa isang malubha ngunit mabungang karanasan--na sinubok ka, na piniga ka, winasak at binuo ka sa pagkawasak.

    Pagdating sa usaping pag-ibig, walang sinuman ang maaaring magsalita kung paano ganito o ganyan. Kaya hindi ko rin sasabihin sa iyo na ganyan talaga iyan, "move on," umasa ka lang, atbp. dahil wala namang laman ang mga salitang iyan. At sa katotohanan, nakikita kong alam mo ang ginagawa mo at nangyayari sa iyo. At hanggang may kamalayan tayo, wala tayong kailangang ikabahala.

    Ang masasabi ko lang ay ganito: tuturuan ka ng karanasan mo tungkol sa pag-ibig, kabutihan, at pagiging tao. Ang dasal ko naman para sa iyo ay ang ikalawa: Maging mabuti ka nawa sa sarili mo ngayong Pasko.

    Maligayang Pasko, kaibigan. Magsulat ka lang nang magsulat. Nakatulong ito sa akin.

    ReplyDelete
  9. Anonymous12/24/2011

    tama ka, isang laksang payo ang darating sayo ukol sa iyong kalagayan, dumating at darating ang panahong magsasawa ang mga kaibigan sa pakikiramay.. Ngunit ang katotohanan, anu pa man ang sabihin ng lahat ng tao, nasasaakin pa din kung kailan matatapos ang lahat ng ito.

    Ang kaligayahan ngayon para sa akin ay ang makatulong sa ibang tulad ko din ay napilayan, nasugatan at naghihirap ang loob. Maaaring sa pagtulong sa iba ako nakakatulong sa aking sarili.

    Sa ngayon pinta ako ng pinta dahil hindi naman ako kasing lalim at kasing ganda mag tahi tahi ng mga salita tulad ng paboritong Santo. Nakakatulong nga ito ng malaki, mas higit pa sa alak o ng anu pang mga kababawan...

    Maligayang Pasko sa iyo at sa iyong mga mahal sa buhay!!

    ReplyDelete
  10. Natutunan ko iyan sa aking mga pinagdaanan: nakalalabas tayo sa ating mga sarili--damdamin, pag-iisip, at abot-tanaw--sa pamamagitan ng pagkalinga sa aking kapwa na, tandaan, ay lagi't laging may dinadalang mas mabigat na pasan sa natin--kung aalamin ko lamang ito't pagmumunihan.

    Lumalaki tayo sa ating mga sarili tuwing inaalala ang iba. Palagay ko ang huli at pinakamalubhang parusa ng kalungkutan ay pinananatili tayo nito sa mga hangganan ng ating sarili. Ginagawa tayong mag-isa. Kung kailan, gaya ng sa mga panahong tayo'y maligaya, laging nariyan ang aking kaibigan at kapwa.

    "Some cannot loosen their own chains yet can nonetheless redeem their friends," ayon sa mahal kong Nietzsche.

    Sabay mo akong umaasa para sa isang mas mabiyaya at maligayang taon na darating. Lagi namang may higit na kalagayahang darating.

    Salamat sa mga pag-uusap na ito, aking kaibigang artista.

    ReplyDelete

Post a Comment

Popular posts from this blog

The Fields of Amorsolo

The first National Artist in Philippine history, referred to warmly as the “Grand Old Man of Philippine Art,” Fernando Amorsolo (1892–1972) still stands today as a looming figure in Philippine art responsible for being one of the artists who helped define what we up to now visually imagine as essentially Filipino. The images of rural life, of golden fields below clear blue, blue skies; the smiles of farmers which diminish their weariness as they plant, harvest, and winnow rice;most especially the iconic figure of the Filipina maiden working in the fields—the beloved dalagang bukid--; these, I believe, even after generations of Filipino painters since Amorsolo, have remained in our hearts and memory. Amorsolo did what great masters do for their country: bestow upon it its own icons, represent its native beauty, that is, to give its people and lands an identity and a face. There are, however, as many intentions for art as there are works of art. And these intentions will always remain in…

[Payapang Daigdig]

Written by Pat Nogoy, S.J.

Payapang Daigdig Felipe de Leon, Sr. 
Ang gabi'y payapa Lahat ay tahimik  Pati mga tala      Sa bughaw na langit 

Kay hinhin ng hangin Waring umiibig          Sa kapayapaan          Ng buong daigdig     
Payapang panahon    Ay diwa ng buhay Biyaya ng Diyos       Sa sangkatauhan
Ang gabi'y payapa Lahat ay tahimik Pati mga tala Sa bughaw na langit  
Pati mga tala           Sa bughaw na langit


The gift delivers Being/being Jean Luc Marion

There is something about the night.
The blanket of darkness hovering the other half of the day sparks ambivalence. Everything is the same in darkness—fear, joy, pain, triumph, doubt, glory, sorrow. Identities recede unto the vast anonymity. There is a pervading anxiety where existence slips into nothingness. One is never certain what to make out of darkness; maybe that is why the night shakes us because we never know. One cannot avoid imagining a something that is greater, higher, mightier, (even sinister) that lurks (hence the power of ghos…

Without Why (The Rose) II

Lifetime is a child at play; moving pieces in a game.
Kingship belongs to the child.

Heraclitus, Fragment 52


The child at play never asks itself why it plays. The child just plays; and if it could, it will play as long as possible, it will play throughout its life. See its delight and witness its smile.

If it would never go hungry or if the sun would never set it too will never leave its playmates and playthings. Time flies at play because it stops or suspends time. Time -- as we grownups only know too well -- is the culprit for order, schedules and priorities; yet for the child, there is no time, there is only bottomless play. It is we who impose that this or that should be done at this or that time. We stop the absurd and supposedly endless play ("He does nothing but play") because we insist that discipline, order and priorities be instilled in the child at an early age ("He needs to learn other things beside playing"). So that the child will become like us one da…