Skip to main content

Katotohanan at Pag-ibig




Sa Isip Ko’y Yakap Ka Pa
Inawit ni Agot Isidro

Alam kong mayroon nang iba
Sa kilos mo’y nadarama
Mukhang ako ay kinalimutan mo na
Wala nang masasabi `di ba

Ang kapit mo’y kay lamig na
Pati halik mo’y wala nang gana
Maagaw ka man ng iba sa akin
Pag-ibig ko’y patuloy pa rin

Koro:
Sa isip ko’y yakap ka pa
Sa isip ko’y walang iba
Mananatiling ikaw ang kapiling
Kahit sa isip ko na lamang

Alam kong mayroon nang iba
Ang init ay nanlamig na
Ba’t di aminin nang di malilihis
Ikaw at ako’y tapos na

Bawa’t hakbang palayo ka
Walang linaw na babalik ka
Maagaw ka man ng iba sa akin
Pag-ibig ko’y patuloy pa rin

Sa isip ko’y yakap ka pa
Sa isip ko’y walang iba
Mananatiling ikaw ang kapiling
kahit sa isip ko na lamang

Mananatiling ikaw ang kapiling
Kahit sa isip ko na lamang

*

Minsa'y nangyayari na may mga katotohanan tayong ayaw tanggapin. May kakayahan tayong gawin ito, ang posibilidad na itanggi ang nagpapakita at nagpapadama. Ang tawag natin sa kakayahang ito ay pagtanggi sa katotohanan. 

Paano posible ito?--lalo na't ang mismong kahulugan nga ng katotohanan ay ang yaong nakakagat sa realidad, sa Meron, ang tunay na nagpapakita. Ito ang tanging lakas at dangal ng katotohanan: na hindi mo ito maitatangging talagang nariyan, dahil nga nariyan talaga. Nakikita ang katotohanan, matuturo, nangyayari--lahat sa labas ko, at nang hindi nakasalalay sa akin, dahil pagdating sa katotohanan, wala akong lakas. Maaari ko itong itago, ilihim, ikubli, ngunit upang gawin ko ang lahat ng ito, kinailangan ko munang aminin na may totoo bago pa man sa anumang maaaring gawin ko tungkol dito. Hindi dapat mahahadlangan ang katotohanan sa pagpapakita nito dahil likas sa sarili nito ang magpakita labag at labas sa anuman pasiya kong ikubli ito. At subukan ko mang itago ito, lagi itong makahahanap ng paraan magpakita di maglaon, gaya ng sabi ng karamihan.

Ngunit, ano pa man ang tingkad ng pagpapakita ng katotohanan sa sarili nito, kaya ko pa rin itanggi ito dahil kaya kong, sa pinakasimpleng paraan, ipikit ang aking mga mata. Sa pagpikit ng aking mga mata naglalaho ang lahat ng nagpapakita. Nariyan nga ang katotohanan, ngunit nananahan ito sa "labas ko." Hindi nito kailangang maghari sa aking kalooban kapag itatanggi ko ang pagpasok nito--kapag hindi ko aaminin na totoo ito. At dahil maaari kong isara ang lahat ng daan na maaaring tahakin ng katotohanan upang makarating ito sa akin, maaari ko ring baligtarin ang katotohanan sa loob ko. Sa isang salita, maaari kong isipin na totoo ang hindi totoo, na hindi totoo ang totoo. 

Dala man ito ng tindi ng aking imahinasyon o tibay ng aking desisyon, maaari akong gumawa ng sarili kong mga katotohanan na wala nang kinalaman sa realidad, sa nagmemeron, sa katotohanan. Maaari akong lumikha ng sarili kong mga imahen, magsulat ng sarili kong kwento, at gumawa ng sarili kong katotohanan--at lahat ng iyan ay maaaring maghari sa aking isipan--hiwalay sa daigdig, ngunit kasingyaman nito, muli, walang kinalaman sa daigdig, ngunit may kinalaman na sa lahat ng nais ko, lahat ng gusto ko, lahat ng iniibig ko. At sino ba naman ang pipiliin ang hindi niya nais, gusto, at iniibig?

*

Gayun din sa pag-ibig, ang isa sa pinakapinahahalagahan natin na katotohanan sa ating buhay. Ngunit ano nga ba ang kinalaman ng pag-ibig at katotohanan sa isa't isa? Kailangan bang maging totoo ang pag-ibig? Kailangan bang may kagat sa katotohanan ang isang pag-ibig? 

Kadalasan ay naiisip natin ang pag-ibig bilang isang lupon ng matitinding damdamin, gaya ng pagnanasa, kaligayahan, gaan ng loob, pagpapatalas ng ating mga pandama. Ngunit kung ganito nga ang pag-ibig, maaari ko pa ring isipin ang posibilidad na ang lahat ng aking nararamdaman ay, dahil sa nga sa akin ito, posibleng wala talagang kagat sa realidad o sa labas ko. 

Kapag nagsisimulang magustuhan ng isang binatilyo ang isang dalaga, maaaring magsimula ang komedya ng lahat ng kanyang nararamadaman sa sarili niya lamang. Ang pagkagusto kasi ay tila isang pasya (ng aking isip, katawan, loob?). Pansining hindi kinakailangang maging maganda o matipuno ang iyong gusto--maaari pa ngang mangyari na kabaligtaran talaga siya ng lahat ng iyong nakikita. Ngunit bagaman hindi niya talaga taglay ang lahat ng katangiang "nakikita" ko sa kanya, maaari pa rin siyang maging lahat ng ito para sa akin. Anong kaguluhan ito?--nakikita ko ang wala naman talaga? 

Posible ito dahil galing pa rin sa akin ang mga kategorya at kahulugan ng mga katangiang ipinapataw ko sa sinuman sa labas: maganda siya para sa akin, mabait siya para sa akin, atbp. May sarili akong pagpapakahulugan sa kagandahan, sa kabaitan, atbp. At dahil dito, maaari ko ring pagpasiyahan (madalas sa arbitraryong paraan) kung sino ang maganda o mabait o anuman. Parang potahe na ako lamang ang may gusto, palabas na naibigan ko ngunit tinulugan ng iba, pinta na naunawaan ko--ako ang tagapaghusga ng kagandahan at kahulugan dahil nagmumula ako sa punto-de-bista na akin lamang. Kaya "para sa akin" . . . . , o sa aking "opinyon" . . . , o "sa akin lamang" . . ..  At pagdating sa "para sa akin," walang usapan, walang debate, walang maaaring magsabi sa akin na mali ako o na hindi totoo ang sinasabi ko.

Kung gayon, paano pa kaya maililigtas ang pag-ibig mula sa pagiging hindi totoo kung maaari ko itong iiuwi sa aking gusto lamang o arbitraryong pasya? Higit pa, paano ko malalaman kung ang pag-ibig ko at pag-ibig niya para sa akin ay totoo? Madalas, hindi kailangang bigkasin ang huling tanong; dahil nga maaari akong lumikha ng aking mga katotohanan, maaari ko rin itong pangalagaan hangga't mistulang totooo talaga ito. Ngunit may nakikita akong isang natatanging pagkakataon kung kailan maaaring bigkasin ang tanong tungkol sa katalagahan ng isang pag-ibig, at iyan ay ang mga sandali kung kailan sinusubukan tayo at naghihirap o nasasaktan.

Hindi lumilitaw ang mga tanong kapag tayo'y maligaya at payapa; iyan ang mga panahon na taglay natin ang lahat ng sagot at matibay ang ating mga nalalaman. Ngunit sa sandali na tayo ay nasasaktan o nahihirapan, dahil ginigising ng mga ito ang aking madalas na natutulog na pag-iisip at kamalayan, nagkakaroon tayo ng pagkakataon upang magdududa at, dala nito, magtanong. Sa harap ng kabiguan at pagkabasag ng sarili tanging mga tanong lamang ang natitirang mga piraso na mapupulot. Ati ilan sa mga tanong na sumasapit sa isip sa pagkabigo ay May katotohanan ba sa anumang pinaniwalaan ko? o Nagkamali ba ako? At ang kakatwa sa lahat ay kung paanong minsa'y ang maaaring pinaka-inakala kong tiyak ang siya pang lalabas na hindi totoo.

Ngunit maaaring tanungin, ano ba ang gagamitin kong pamantayan o batayan upang masukat ang katalagahan ng isang pag-ibig? Ano ang maaari kong hanapin sa isang, halimbawa, relasyon upang masabi kung totoo ito o hindi? Ang nagiging problema kasi ay bukod pa sa pangamba na linilikha ko lamang sa aking isip ang nais kong maging totoo, ay maaaring nililinlang din lamang ako ng aking iniibig: baka hindi niya naman talaga ako mahal at niloloko niya lamang ako. Kaya laging may posibilidad ng pagkakamali dahil kapwa maaari naming ikubli ang katotohanan. Sa payak na pananaw, maaaring nagpapakita lamang siya sa akin ng pag-aruga, katapatan, at masidhing damdamin; ginagawa niya ang mga gawain na iniisip kong mga nagpapatunay ng isang "tunay" na pag-ibig. At dahil hindi ako nakababasa ng isip o nakahihinuha ng mga tunay na intensyon ng isang tao dahil wala akong direktang intwisyon sa kaluluwa niya (paano pa kung minsan hindi ko rin nauunawaan ang aking sarili?), mahirap makarating sa katiyakan tungkol sa tunay na nararamdaman o intensyon ng isang tao. Iyan ay bunga ng batas ng pagiging mag-isa at hiwalay sa iba. Kaya kung pagbabatayan ko lamang ang mga kilos o salita ng aking iniibig, lagi akong maaaring magduda sa kanya. Walang pinagkaiba sa aking pandinig kapag sinasbihan akong Mahal kita ng isang totoong nagmamahal sa akin o ng isang nag-aanyo na ang nais talagang gawin ay saktan ako: pareho ang mga salita at pareho ang paraan ng pagsabi. Kung gayon, paano ko kailanman malalaman kung sino ang totoo?

Madaling sabihin ng marami: Malalaman mo rin ang totoo sa tagal ng panahon. Sa isang banda, may sinasabing mahalaga iyan. Mahirap kasing magkunwari sa matagal na panahon kung sa payak na dahilan man lang na nakakapagod ito. Kung mahirap manatiling tapat sa isang tao, kasinghirap din na patuloy magkunwari; nangangailangan ng kapwa lakas maging pareho sa matagal na panahon. Pangalawa, at kaikabat nito, matatanong ng isang nag-aanyo: Para saan? Katuwaan? Ngunit ang isang katuwaan, kapag pauulit-ulit nang pinagtatawanan, ay nakasasawa. Isa pa: Di kaya'y para patuloy na makasakit? At diyan tayo pumapasok sa hiwaga ng kasamaan.

Masipag din ang kasamaan, maaari itong maging kasingsigla at sipag ng maparaan, at habang ang huli ay kumikilos upang magbigay lamang ng kabutihan, ang una'y para naman maging masama lamang. Mahilig mag-anyo ang kasamaan dahil sa pamamagitan ng pagtago ng tunay nitong "kulay" at intensyon ay lalo itong makapagbibigay ng sakit. At sa larangan ng posibilidad, kayang magkunwari ang masama sa matagal na panahon upang lalo itong makasakit. Kaya kung naghahanap tayo ng katiyakan at katibayan ng katotohanan, hindi pa rin makapagbibigay ng malinaw na lunas ang subukan sa tagal ng panahon ang mga nag-aanyo. At kapag ang tanging paraan ko na lamang upang tiyak na malaman kung alin ang totoo ay pagkatapos akong masaktan at iwan, huli na ang lahat. Walang halagang sukatan sa katotohanan ang sukatan na magagamit mo lamang kapag nalaman mo nang hindi nga ito totoo dahil tapos na ang lahat. Para isang doktor na nalaman lamang ang sanhi ng pagkamatay ng tao nung bangkay na ito.

. . . 



Comments

Popular posts from this blog

The Fields of Amorsolo

The first National Artist in Philippine history, referred to warmly as the “Grand Old Man of Philippine Art,” Fernando Amorsolo (1892–1972) still stands today as a looming figure in Philippine art responsible for being one of the artists who helped define what we up to now visually imagine as essentially Filipino. The images of rural life, of golden fields below clear blue, blue skies; the smiles of farmers which diminish their weariness as they plant, harvest, and winnow rice;most especially the iconic figure of the Filipina maiden working in the fields—the beloved dalagang bukid--; these, I believe, even after generations of Filipino painters since Amorsolo, have remained in our hearts and memory. Amorsolo did what great masters do for their country: bestow upon it its own icons, represent its native beauty, that is, to give its people and lands an identity and a face. There are, however, as many intentions for art as there are works of art. And these intentions will always remain in…

[Payapang Daigdig]

Written by Pat Nogoy, S.J.

Payapang Daigdig Felipe de Leon, Sr. 
Ang gabi'y payapa Lahat ay tahimik  Pati mga tala      Sa bughaw na langit 

Kay hinhin ng hangin Waring umiibig          Sa kapayapaan          Ng buong daigdig     
Payapang panahon    Ay diwa ng buhay Biyaya ng Diyos       Sa sangkatauhan
Ang gabi'y payapa Lahat ay tahimik Pati mga tala Sa bughaw na langit  
Pati mga tala           Sa bughaw na langit


The gift delivers Being/being Jean Luc Marion

There is something about the night.
The blanket of darkness hovering the other half of the day sparks ambivalence. Everything is the same in darkness—fear, joy, pain, triumph, doubt, glory, sorrow. Identities recede unto the vast anonymity. There is a pervading anxiety where existence slips into nothingness. One is never certain what to make out of darkness; maybe that is why the night shakes us because we never know. One cannot avoid imagining a something that is greater, higher, mightier, (even sinister) that lurks (hence the power of ghos…

Without Why (The Rose) II

Lifetime is a child at play; moving pieces in a game.
Kingship belongs to the child.

Heraclitus, Fragment 52


The child at play never asks itself why it plays. The child just plays; and if it could, it will play as long as possible, it will play throughout its life. See its delight and witness its smile.

If it would never go hungry or if the sun would never set it too will never leave its playmates and playthings. Time flies at play because it stops or suspends time. Time -- as we grownups only know too well -- is the culprit for order, schedules and priorities; yet for the child, there is no time, there is only bottomless play. It is we who impose that this or that should be done at this or that time. We stop the absurd and supposedly endless play ("He does nothing but play") because we insist that discipline, order and priorities be instilled in the child at an early age ("He needs to learn other things beside playing"). So that the child will become like us one da…