Skip to main content

Huling Lektura: Ilang Pagmumuni Tungkol sa Pag-asa ayon kay Charles Pèguy


Margaret Bernardine Hall, "Fantine" (1886)
Walker Art Gallery, Liverpool
Para sa aking mahal na mga mag-aaral
ng Pilosopiya ng Relihiyon
Seksyon M at N Semestre I 2012-13


Bakit kaya maihahambing ang isang musmos o bata sa pag-asa? Ano ang taglay ng mga bata na sumasalamin sa kakayahan nating umasa? Bakit sila, at hindi ang matatanda, ang mga nagtatrabaho, ang mga marurunong na sa buhay, bakit mga bata pa, higit sa lahat, ang may karunungan tungkol sa pag-asa?

Pansinin ang mga bata, sabi sa atin ni Pèguy, kung nais mong matutunan kung paano umasa. Tignan sila. Ano ang katangian nila? Paano sila? Sino sila? Ang nakalulungkot ay kung paanong para bagang mahaba na ang panahong lumipas mula ng tayo’y naging bata. Parang ibang tao na sila. Parang nakalimutan na natin kung paano maging bata. Minsan lang daw kasi tayo maging bata.

Ang mga bata, kung iyong titignan, ay hindi napapagod. Gaya ng pag-asa. Gaya ng puso na walang kaubusan. Tignan kung paano sila tumakbo. Hindi sila marunong maglakad. Kailangan laging tumakbo. Pareho lang naman ang mararating maglakad man sila o tumakbo. Pero hindi iyan ang mahalaga sa kanila, kung saan o kailan makarating sa nais nilang puntahan. Dahil hindi mahalaga ang mararating, ang mahalaga ay ang papunta, kung masaya ang pag-alis, kung may makikita. Lagi silang may nakikita. Sa kotse, lagi silang nakadungaw sa bintana. Sa kalye, laging pinagmamasdan ang mga dumaraan (hindi sila nahihiyang tumingin sa mukha ng iba, wala silang dapat ikahiya dahil biyaya ang makakita). At laging bago ang lahat ng makikita nila. Walang luma. Hindi sila nagsasawa.

Sabi ni Pèguy tayong mga matatanda lamang ang may pakialam kung saan tayo pupunta, at kung kailan tayo makararating; lagi nating iniisip kung malayo ba o mahirap bang makarating sa nais natin puntahan—nagtitipid kasi tayo ng lakas at pasensya, iniiwasang may masayang na panahon o gasolina. Hilig nating kalkulahin kung ano ba ang mas madali, ano ang mas mabilis, ano ang pinakamadali at pinakamabilis, dahil iniiwasan nating mapagod at magsayang ng oras at ayaw kasi nating nahihirapan. Para namang may madali. At para namang magiging masaya ka kung naging mabilis at mabilis. Walang pakialam ang bata sa lahat ng iyan—sa oras, sa pagod, sa dali. Ang nais lamang nila ay makakita. Ngunit tayong matatanda, hindi na marunong magmasid sa paligid: hindi na napapansin ang luntiang mga damo, ang kakatwang anino ng mga puno sa pagbagsak nito sa daan, ang mukha ng kapwa na nagmamadali rin marating ang nais puntahan, wala na tayong nakikita—dahil nagmamadali tayo, dahil aksaya ng oras ang mamasyal pa, dahil ayaw nating napapagod. Wala na tayong nakikita, nais lang nating marating ang pupuntahan, para namang may makakamit ka o makikita doon na hindi mo makakamit o makikita kung nasaan ka ngayon o sa landas patungo roon.

Walang kapaguran ang mga bata, para raw silang mga tuta na inuunahan ang kanilang amo kapag ito’y naglalakad, tapos babalik sa amo, tapos mauuna muli. Pabalik-balik. Dalwampung beses inuulit ang landas na isang beses lamang nating gustong tahakin. Gaya ng mga bata. Paulit-ulit sila. Sa laruang hilig hindi nagsasawa. Sa cartoons sa DVD na paulit-ulit nilang gustong panoorin kasama ka (kahit sawang-sawa ka na). Dahil sa kanila laging bago ang lahat. Walang nakakasawa. Walang nauulit. Kaya maaaring ulitin ang lahat. Tumakbo at bumalik. Maglaro at manood. Dahil wala naman silang pupuntahan. Wala silang nais malaman. Wala naman silang ibang gagawin. Kaya ayos lang kung mapagod. Parang pag-asa. Hindi napapagod. Kahit paulit-ulit. Kahit nabigo na rati. Kahit nasaktan, nasugatan, iniwan, nawasak at nawala ang pinakaminimithi. Hindi napapagod ang pag-asa dahil wala itong talagang nais makamit. Sapat kasi ang mga landas, ang mga kasama nito ngayon, at ang darating pa.

Hindi napapagod ang pag-asa gaya ng mga bata dahil para sa kanila ang bawat araw ay bago. Walang alaala ang mga bata. Hindi nila naaalala na kahapon ay sila’y umiyak dahil nasugatan ang tuhod sa paglalaro. Makalilimutan nilang sila’y nasaktan bukas. Gugustuhin nilang maglaro pa rin, kahit nasugatan kahapon. Dahil iba ang bukas para sa bata kaysa sa kahapon. Laging iba ang mga araw sa bata. Wala silang kinalaman sa isa’t isa. Dahil wala namang pupuntahan ang mga bata. Hindi kailangang ipagdugtong ang mga araw at taon para makamit ang mga pangarap at makarating sa nais marating. Marunong lumimot ang mga bata. Wala silang nakaraan. Hindi gaya natin. Ang mahalaga lamang sa kanila ay ang pagkakataong maglaro sa labas o mamisekleta o magsaya ngayon. Kahit paulit-ulit. Gaya ng pag-asa. Kahit paulit-ulit, wala itong naaalala.

Matuto kang lumimot. Hindi ka matututong umasa kung hindi ka marunong lumimot. Matuto kang lumimot at iwan ang kahapon. Hindi ka matututong maging maligaya kung hindi mo kayang iwan ang kahapon. Matuto kang magpatawad. Patawarin mo ang iyong kapwa dahil gaya mo, nais niya ring maging maligaya. Higit sa lahat, patawarin mo ang iyong sarili para makamit mo ang ligaya. Dahil wala sa nakaraan o kasalukuyan ang higit na ligaya kundi parating pa lamang. Darating iyan bukas ng umaga.

At iyan ang lihim o sikreto ng mga bata. Marunong silang lumimot. At marunong silang lumimot dahil marunong silang matulog sa gabi. Sa gabi, kapag inabutan na sila ng antok, muling nag-iipon sila ng lakas para sa darating na umaga. Dahil maglalaro pa sila, aalis, tatakbo, kailangan nilang matulog. Ang gabi ay ginawa ng Diyos upang tayo ay matulog at lumimot upang kinabukasan makapagsisimula muli tayo. At ang ibig sabihin ng magsimula muli ay ang tapusin ang tapos na, kalimutan ang wala na, na parang walang nangyari. Parang mga bata, walang nangyari kahapon. Kaya walang naiipon na pagod o lungkot o sama ng loob. Nakakalimutan nila iyan sa gabi kapag natutulog.

Ayaw daw higit sa lahat ng Diyos ang mga hindi natutulog sa gabi. Ang mga hindi marunong magpahinga. Ang mga nagpupuyat. Ang mga hindi marunong ipagpabukas na lamang ang kailangang gawin, ang kanilang tungkulin, ang kanilang trabaho. Ayaw daw ng Diyos iyong mga trabaho lang ng trabaho buong araw tapos hindi nagpapahinga sa gabi—dahil isip ng isip, alala ng alala, dahil gusto ay handa na ang lahat bukas ng umaga, na para namang matatapos ang lahat sa loob ng isang araw, at wala nang magagawa bukas. Ayaw ng Diyos ang mga hindi natutulog dahil hindi nila kayang ipagkatiwala sa Kanya ang iilang oras lamang sa gabi. Wala silang tiwala sa Diyos na kaya Niyang pamahalaan at asikasuhin ang mga hindi nila natapos na gawain. Sabi aniya ng Diyos, “Para namang wala pa akong napatanuyan sa inyo. Para namang hindi ko kayang bantayan ang gabi habang natutulog kayo. Ako mismo ang gumawa ng gabi.”

Sa lahat ng Kanyang nilikha, hilig daw ng Diyos ang gabi. At palagay ko alam ko kung bakit: dahil ang gabi ay ang biyayang ipinagkakaloob Niya sa mga tao na nawawalan na ng pag-asa dala ng paghihirap at pagdurusa. Hilig ng Diyos ang gabi, higit sa lahat, dahil sa gabi maaaring magpahinga ang tao upang makapag-ipon muli ng lakas, upang makalimot, upang muling paghandaan ang mga ibibigay Niya pang biyaya. Matuto kang matulog. Hindi ka matututong umasa at maging maligaya kung hindi ka marunong matulog.

*

At dito nagtatapos ang kurso natin sa pilosopiya ng relihiyon. Gaya ng bawat araw, nagtatapos kasi ang lahat sa pagtulog. Sa pagpahinga. Pagkatapos ng lahat ng paghahanap, pag-aabala, paghihirap, kahit pagtatanong, natatapos lahat sa pahinga at pagtulog. Gaya ng ginawa ng Diyos nung ika-pitong araw, nagpahinga rin Siya. Ang lahat ay natatapos sa pahinga. Kung nagsimula tayo sa matandang serbidor ni Hemingway na nawalan na ng pag-asa at hindi makatulog, natatapos tayo sa isang bata na marunong umasa at mahimbing kung matulog. Hindi pagkabigo ang matapos sa pag-asa “lang.” Hindi pag-asa “lang” ang pag-asa. Hindi ibig sabihin na umaasa lamang tayo kapag wala na tayong magagawa. Gaya ng hindi ibig sabihin na kung natutulog ka ay wala kang ginagawa. Sa katunayan, ang ginagawa mo kapag natutulog ka ay mag-ipon ng lakas para bukas ay makapagsimula ka muli. Sa katunayan, ang ginagawa mo kapag umaasa ka ay maghanda maging mas maligaya.

Ang ginagawa mo kung marunong kang umasa ay ang magtiwala. At hindi madali ang magtiwala, hindi madaling hayaan at bitawan ang lahat. Iyan ang dapat matutunan: ang walang gawin, ang iwan ang hindi mo na kayang bitbitin, dahil may sasalo naman kung hindi mo na kaya. Kaya maaari ka nang magpahinga. Dahil kung hindi mo kaya, tiyak na kaya ng iba, tiyak na kaya Niya. Nangako naman Siya na sasaluhin ka niya. Gaya ng alam ng bata na hindi naman ito pababayaan ng kanyang ama at ina, na kahit sa pagtulog nito’y nanonood sila. Walang pangamba ang mga bata dahil mayroon nang nangangamba para sa kanila—na mas marunong, mas malakas, at minamahal sila. At ito, mga katoto, ang tanging nalalaman ko sa pag-asa: natuto akong umasa noong natuto akong bitawan ang nakaraang tapos na, at hayaan ang bukas na hindi pa naman nagsisimula. Sa katunayan, mas madali iyon. Mas simple. Mas masaya. Hindi iyan pagpapabaya kundi pagsasaubaya sa mga taong mahal tayo, sa Sumasaibayo.

At gaya ni San Anselmo sa katapusan ng kanyang dasal na Proslogion, hindi nakalulungkot ang matapos lamang sa pag-asa; bagkus, ang pag-asa ay mayaman, nag-uumapaw, isang matinding ligaya na baka hindi maipapaloob sa hangganan ng ating mga puso. Hindi malungkutin ang taong umaasa dahil para sa kanya, kung ang dinaranas niya man sa kasalukuyan ay lungkot at pagdurusa, alam niyang hindi roon natatapos ang lahat. Huwag kayong mangamba, mga katoto, kung ano ang mangyayari bukas, sa makalawa, kapag natapos kayo sa kolehiyo, kung anong mangyayari sa buhay ninyo. Hangga’t marunong kang matulog, walang kang dapat ikabahala, magiging maayos ang lahat. Ganyan ang panahon: inaayos nito ang lahat. Kaya maaari kang matulog sa pagsapit ng gabi, kaya maaari kang maglaro at tumawa at mag-aksaya ng lakas at panahon ngayon gaya ng mga bata, dahil bukas ng umaga magiging bago ang lahat.



4 Oktubre 2012





Comments

Popular posts from this blog

The Fields of Amorsolo

The first National Artist in Philippine history, referred to warmly as the “Grand Old Man of Philippine Art,” Fernando Amorsolo (1892–1972) still stands today as a looming figure in Philippine art responsible for being one of the artists who helped define what we up to now visually imagine as essentially Filipino. The images of rural life, of golden fields below clear blue, blue skies; the smiles of farmers which diminish their weariness as they plant, harvest, and winnow rice;most especially the iconic figure of the Filipina maiden working in the fields—the beloved dalagang bukid--; these, I believe, even after generations of Filipino painters since Amorsolo, have remained in our hearts and memory. Amorsolo did what great masters do for their country: bestow upon it its own icons, represent its native beauty, that is, to give its people and lands an identity and a face. There are, however, as many intentions for art as there are works of art. And these intentions will always remain in…

Without Why (The Rose) II

Lifetime is a child at play; moving pieces in a game.
Kingship belongs to the child.

Heraclitus, Fragment 52


The child at play never asks itself why it plays. The child just plays; and if it could, it will play as long as possible, it will play throughout its life. See its delight and witness its smile.

If it would never go hungry or if the sun would never set it too will never leave its playmates and playthings. Time flies at play because it stops or suspends time. Time -- as we grownups only know too well -- is the culprit for order, schedules and priorities; yet for the child, there is no time, there is only bottomless play. It is we who impose that this or that should be done at this or that time. We stop the absurd and supposedly endless play ("He does nothing but play") because we insist that discipline, order and priorities be instilled in the child at an early age ("He needs to learn other things beside playing"). So that the child will become like us one da…

A Love Sooner than Later

BROWN PENNY William Butler YeatsI whispered, 'I am too young,' And then, 'I am old enough'; Wherefore I threw a penny To find out if I might love. 'Go and love, go and love, young man, If the lady be young and fair.' Ah, penny, brown penny, brown penny, I am looped in the loops of her hair. O love is the crooked thing, There is nobody wise enough To find out all that is in it, For he would be thinking of love Till the stars had run away And the shadows eaten the moon. Ah, penny, brown penny, brown penny, One cannot begin it too soon.

*
One cannot begin to love too soon--conversely, one should not love too late or in life's demise. That waiting for the "right time," or the "right person" to love, what are these but the cries or sighs of an unready, even tired, heart? One becomes ready only when one begins to understand love slowly (or again), and one understands love progressively when one, simply, performs the act of love. Love, like mos…