06 March 2013

Kung Bakit Tayo Nagsisindi ng mga Lampara sa Gabi


Huling Lektura

Para sa aking mga mag-aaral ng Ph 103 (Seksyon M at N)
Ikalawang Semestre, Taong 2012-2013




Nakita natin nung huling klase sa ika-25 kabanata ng Proslogion na ayon kay San Anselmo, “Ano man ang iniibig mo, ano man ang ninanasa mo, naroon [sa Diyos] ito.” Na ayon sa kanya, makakamit mo ang lahat ng hinahangad at hinahanap mo sa Kanya—maging lakas ng katawan man ito, o mahaba at maginhawang buhay, kaluguran, kapangyarihan, seguridad, o sa isang salita, galak—ang lahat ng ito, at higit pa, ay matatanggap mula sa Kanya. Dahil sa kaisa-isa at pinakamataas na Kabutihan ang Diyos, o summum bonum, walang pagkukulang sa Kanya: walang nawawala, hindi nagbabago, walang kinakailangang iba, o, kung titignan naman ang kahulugan ng lahat ng iyan sa positibong paraan, masasabing ganap, absoluto, iisa’t buo, at Merong Meron Siya. Kaya naman sa Kanya lamang makakamit o manggagaling ang anumang kabutihan na maaaring mong hangarin, dahil ano pa ba ang kakailanganin mo sa ganap at buo? Dahil sa Kanya rin daw nanggagaling ang anumang mabubuting bagay sa daigdig—gaya ng araw na pinanggagalingan ng liwanag sa daigdig, at na maaari lamang gayahin ng anumang artipisyal na ilaw na likha ng tao. Siya raw ang lumikha ng lahat ng maaaring nagpapaligaya sa tao. Kaya isipin mo raw kung anong ligaya ang maibibigay Niya kung maligaya ka na sa Kanyang mga likha. Sa isang salita, Siya ang tanging kinakailangan; ang lahat ng iba ay pagsasalamin lamang sa Kanya, o kapiranggot lamang ng kadakilaan Niya. Bakit pa kakailanganin ang lampara sa tanghaling tapat?

May payak akong sagot diyan: dahil hindi naman sa lahat ng panahon ay sumisinag ang haring araw—may dilim din. Minsan makulimlim. Nagdidilim ang langit dahil tinatago ng mga ulap ang araw, at hindi tumatagos ang liwanag nito upang makarating sa lupa. Ngunit mas madalas, wala talagang liwanag kapag gabi. Kaya tayo nagsisindi ng mga lampara o nagbubukas ng mga ilaw—upang humalili ang mga ito sa araw na linisan tayo ng hindi man lamang nagpaalam o nagsabi.

Walang araw sa gabi kaya madilim. Napakapayak ng pangungusap na iyan, kahit mga hayop nauunawaan iyan. Ngunit isipin muli: Nawawala ba talaga ang araw kapag gabi? Namamatay ba ang liwanag nito gaya ng apoy sa lampara na hinipan? Malinaw na hindi. At iyan, tayo, at hindi mga tuko o kuwago o paniki, ang nakauunawa niyan—na hindi naman talaga tayo nililisan ng araw, hindi lang natin ito natatanaw dahil sa pag-ikot ng ating daigdig. Hindi naman pinapawi ng araw ang nagbabaga nitong apoy; hindi lang tayo inaabot ng init at sinag nito dahil nagtatago tayo mula rito. Sa sarili nito, hindi nawawala ang araw ni nababawasan ang liwanag nito. Tayo lang ang nasa dilim. O tayo talaga ang dilim. Kaya tayo nagsisindi ng mga lampara kapag gabi.

Baka sa parehong paraan, ganoon din ang Diyos. Hindi nawawala o nagtatago ang Diyos—maaaring tayo ang tumatalikod at tumamakbo sa at mula sa Kanya. Hindi rin Siya nagbabago, tayo ang nag-iiba, nagbabago ng isip, ng loob, humihina ang lakas at kapangyarihan. Marahil mabuti nga lagi ang Diyos, nakita natin sa Silence ni Endo, ngunit maaaring hindi natin nauunawaan ang Kanyang kabutihan dahil sa mga imahen natin sa kung ano Siya, o kung ano dapat Siya. Ngunit ang Diyos ay Diyos, Siyang-Siya, Meron na Meron, itanggi ko man ito at hindi tanggapin, paniwalaan man o hindi, maunawaan man o pagdudahan. Tahimik na nariyan ang Diyos bagaman hindi natin ito nakikita, gaya ng araw na hindi nawawala bagaman gabi, hinihintay ang pagdating ng umaga upang muling balutin at yakapin ang daigdig ng liwanag.

Pero totoo pa rin ang dilim, walang duda. Nararanasan ito, “nakikita” ito, nariyan talaga ito. Hindi mo maaaring sisihin ang tao na matakot sa dilim bagaman nauunawaan niya na panandalian lamang ito at darating din naman ang araw. Nakatatakot din kasi ang Kawalan. At iyan, kung babalikan ninyo, ang karanasan ng matandang serbidor sa “A Clean, Well-Lighted Place” ni Hemingway. Mahaba ang mga gabi sa kanya, kaya kung maaari ay nais niyang may kasama siyang iba; ayaw niyang umuwi dahil alam niyang kapag umuwi siya ay magiging mag-isa siya at makikipagbunuan na naman siya sa dilim. Minsan hindi tayo nakakatulog, hindi lamang dahil hindi tayo inaantok o marami kasing nasa isip; hindi rin tayo nakakatulog kapag kumakapal ang dilim, lumalapot ang panahon at bumabagal ang oras, at hinahalina tayo ng Kawalan. Sa mas payak na mga pananalita: Hindi tayo nakakatulog dahil natatakot tayo sa dilim. Sa dilim kasi maaari mong maramdaman ang buong sarili mo—katawan, isip, at kaluluwa—bilang isang kaisahan dahil tila nagbuklod ang mga ito, nagtipon sa harap ng mapanganib na paglapit ng Kawalan. Ayon kay Heidegger, sa harap ng Kawalan mo mararamdaman ang hubad mong pag-iral, gaya ng sa banta ng kamatayan mo lalong pagpapahalagahan ang buhay. O gaya ng sa gitna ng kalungkutan mo muli hahanapin ang kaligayahan. Kaya tayo nagbubukas ng mga lampara sa dilim. Kaya tayo pumupunta sa malilinis at maliwanag na lugar sa gabi. Hindi madaling harapin ang tanong kung Para saan ka nga ba umiiral? May kabuluhan ba ang iyong buhay? O bakit ka malungkot?

Ngunit upang hanapin ang liwanag sa gabi, nangangahulugan lamang na likas sa atin ang magbabad sa liwanag, na tayo ay mga nilalang na may panloob na liwanag. Ika nga ng palaisip na si Plotinus: “Hindi makakakita ang mata kung hindi ito katulad ng araw.” Upang hanapin natin ang kaligayahan sa gitna ng kalungkutan, nangangahulugan lamang na likas sa atin ang maging maligaya, na mga nilalang tayo na ginawa upang maging maligaya. Sabi nga ni Aristoteles, kaligayahan ang tunay na hinahangad ng tao.

Gayumpaman, bakit tila may mga gabi na sadyang napakatagal dumating ng araw? Bakit may mga pagkakataon na nawawalan tayo ng pag-asa dahil tila hindi na muling maaabot ang higit na ligaya? Ang sagot ni Anselmo riyan sa pinakapayak na paraan ay ganito: Dahil hindi pa panahon. Wala pa kasi tayo “doon” sa lugar na walang takipsilim, at kung saan hindi lumulubog ang araw. Hindi pa raw kasi natin kapiling ang Diyos. Kaya hanggang sa pagdating ng panahong iyon, lagi’t laging darating ang dilim, at kailangan pa ring magsindi ng lampara tuwing gabi.

Madaya ba, mga katoto? Para bang masyadong simple, ano? O kaya korny? Humahantong lamang ba si Anselmo sa isang pangkaraniwang sagot sa isang pangkaraniwang suliranin? Nauuwi ba siya sa isang cliché, na pawang sinasabi na Huwag kang mag-alala, matatapos din iyan; “All shall be well”; Magtiwala ka lang at magiging maayos ang lahat dahil mahal ka ng Diyos, atbp.—mga salita na sabay maganda at maaaring maging inspirasyon (at sana’y totoo), pero baka isang uri ng optimismo na walang batayan, at para sa isang nagdurusa o hindi na nauunawaan ang daigdig, mga salitang wala naman talagang sinasabi o hindi makatutulong sa isang kongkretong paraan? Dahil ang pinakamahirap gawin sa gitna ng dilim ay maghintay ng liwanag. Ang pinakamahirap gawin sa kailaliman ng kalungkutan ay isiping palapit na ang kaligayahan. Baka nga may “daya” si Anselmo sa huli, at hindi ka maaaring sisihin kung ito ang iyong pakiramdam o iyong naisip. Hindi naman lahat ay gaya ni Anselmo. Ang bawat pilosopo ay may sikreto.

Ngunit kung pakikinggan pa si Anselmo, linilinaw niya rin naman na hindi ganoon kasimple ang lahat, na para bagang kailangan lamang natin maghintay, na kailangan lamang manampalataya muna. Kung hindi pa halata mula sa simula ng kanyang dasal, bumabalik sa lupa at abot-tanaw ng karanasang pantao si Anselmo, o sa pangkaraniwan na nararanasan ng tao. At ang hinihingi niya sa Diyos ay: “Hayaan mong tanggapin ko ang iyong ipinangako sa pamamagitan ng iyong katotohanan, ‘na mapuno ang aking galak’. Diyos ng katotohanan, humihingi ako upang ako ay makatanggap, na ang galak ko ay mapuno. Samantala . . . .” (“Let me receive that which you promised through your truth, ‘that my joy may be full’. God of truth, I ask that I may receive, so that my joy may be full. Meanwhile. . . .”) Samantala, ano? “Meanwhile,” ano? Habang wala pa ang aking hinihingi, ano dapat ang mangyayari?

Ano ang dapat kong gawin habang wala pa ang araw, habang hindi pa dumarating ang ligaya, at hindi pa nasisilayan ang mukha ng Diyos? Para kay Anselmo, hindi lamang tayo dapat maghintay nang nakatanga, o palipasin na lamang ang oras sa pamamagitan ng pag-aabala sa maraming bagay, o aliwin ang sarili, at lalong-lalo na—sumuko. Ang hamon ni Anselmo ay habang wala pa tayo “roon” sa piling ng Diyos, hanggang hindi pa tayo aniya “nakakapasok sa kaligayahan ng Diyos,” ay lalo raw nating patindihin ang ating pagnanasa para makapiling Siya, lalong hanapin at subukang unawain Siya, lalong mahalin Siya. Aniya, “Let the knowledge of you increase in me here, and there let it come to its fullness. Let your love grow in me here, and there let it be fulfilled, so that here my joy may be in a great hope, and there in full reality.”

Ang hamon ni Anselmo ay habang wala pa ang araw, ay lalo tayong manabik sa pagdating nito sa halip na mainip; na habang wala pa ang ligaya ay lalo nating naisin at hanapin ito sa halip na sumuko at mawalan ng pag-asa. Ngunit paano iyon? Hindi ba’t gaya ng nasabi na, iyon nga ang pinakamahirap?—ang manabik sa matagal pang darating, ang manatiling magkaroon ng pag-asa sa gitna ng kawalan nito? Hindi ba’t kung iisipin talaga, imposible ito dahil mahirap manabik sa wala pa, hanapin ang hindi nga nakikita? Hindi ba pinakamahirap sa lahat ay ang magkaroon ng at manatiling may pag-asa?

Absurdo kasi ang pag-asa. Paano mo makikita ang wala nga sa ngayon, paano mo malalaman ang hindi nga tiyak ngayon, paano mo kakapitan ang hindi man lamang mahawakan ngayon? Ang siyang nagpapahirap sa atin pagdating sa pag-asa ay ang pagiging nasa hinaharap nito. Laging nananahan sa kinabukasan ang pag-asa; ang hinaharap ang kaharian nito, at tagapangalaga ito nga mga paparating pa lamang. Ang mga inaasahan mong bagay ay wala sa nakaraan, ni sa kasalukuyan—bakit mo aasahan ang tapos na? at bakit pa kailangang antabayanan ang narito na? Pagdating sa kinabukasan tayo laging nahihirapan—kinakabahan, natatakot, nag-aalangan—dahil sa payak na dahilang bulag tayo sa harap ng hinaharap, gaya ng bulag tayo sa loob ng silid na madilim. At sa mga hindi nakikitang bagay, sa mga hindi pa natin nalalaman, lagi’t lagi tayong natatakot, gaya ng natatakot tayo sa pagsapit ng gabi. Kaya mas madaling mawalan ng pag-asa. Mas makatwiran na hindi na lamang umasa. Kung susuriin, imposible ang pag-asa, hindi natin ito dapat kaya.

Ngunit hindi lahat ng imposible ay hindi nangyayari. Hindi lahat ng hindi nakikita ay wala talaga. Hindi lahat ng hindi tiyak ay hindi maaaring kapitan. Dapat imposible para sa isang makatwirang tao ang pag-asa. Pero kaya pa rin niya, hindi sa paraang sinusuko niya ang kanyang katwiran, ngunit sa pagkilala na may humihigit sa katwiran at katiyakan, na totoo pa rin, na tiyak pa rin. May katiyakan ang pag-asa, hindi ito pagwawalang-bahala. May katwiran din ang pag-asa, hindi ito bulag o mangmang. May nalalaman ito—isang kaalaman na natututunan ng puso, isang katiyakan na hatid ng pananampalataya.

Hindi nakagugulat na ang tatlong teolohikal na birtud ay Pananampalataya, Pag-ibig, at ang huli, Pag-asa. Bakit birtud ang mga ito? Dahil linilinang ito, dahil hamon ito, dahil hindi ito madaling makamit, dahil dapat imposible ito. Kung iisipin, imposible dapat ang manampalataya. Imposible dapat umibig sa maaaring hindi ka ibigin. Imposible dapat umasa sa pagdating ng sa ngayon ay wala pa. Ngunit bagaman imposible dapat, kaya pa rin natin, nagagawa pa rin natin. Dumating na sa ating buhay ang mga pagkakataon na nagtaya tayo, na nagpaubaya na tayo sa iba, na nagmahal tayo, na may inasahan tayo. Imposible dapat, pero nangyayari. Imposible dapat, ngunit totoo.

Gaya ng, halimbawa, imposible dapat na magpatuloy kayong magpursige sa pag-aaral, sa paggawa ng tesis, pagbuo ng mga presentasyon, magsulat ng mga papel, kumuha ng mga eksamen, maghanda sa mga pabigkas na pagsusulit sa mga panahong ito na kayo ay napapagod, nahihirapan na, malapit nang sumuko, malapit nang bumitaw. Ngunit tignan mo, nagagawa mo pa rin at natatapos mo pa rin ang mga ito ng isa-isa. Mas madaling sumuko, para bagang wala nang dahilan upang ipagpatuloy, ngunit ang himala ay kaya mo pa rin—at kakayanin mo pa rin hanggang magtapos ka, hanggang magmartsa ka, hanggang iwan mo na ang Ateneo. Hindi mo dapat kaya iyan, pero nagagawa mo pa rin kahit wala ka nang lakas. Saan kung gayon nanggagaling ang lakas na iyon?

Hindi kaya dahil sa kaloob-looban ng iyong sarili ay nananahan doon ang kakayahan mo na umasa, aminin mo man ito o hindi? Hindi kaya na sa kailaliman ng iyong puso ay may nakatago kang pananampalataya na hindi mawawasak ang lahat at mauuwi sa wala? Hindi kaya dahil, aminin mo man o hindi, tiyak ka na sa gitna ng mga paghihirap at sakripisyo ngayon, alam mo na magiging mabuti ang lahat? Na sa pagdidilim ng lahat, nakakakita ka pa rin dahil may nanggagaling na liwanag walang iba kundi sa iyo mismo.

At baka ang sinasabi lamang ni Anselmo pagdating sa pag-asa ay ganito: hayaan mong suminag ang liwanag na galing sa iyo, ngunit baka nakatago lang. Lalo mong patindihin ang apoy sa loob mo na baka humina lang. Hindi tayo umaasa dahil sa mga inaasahan natin—halimbawa, dahil nagbigay ang mga ito ng garantiya—gaya ng hindi tayo nananampalataya dahil sa nakatitiyak tayo, at hindi rin tayo umiibig dahil sa iniibig tayo. Umaasa, nananampalataya, at umiibig tayo dahil . . . —baka dahil hindi natin kayang hindi. Dahil kung wala tayo ng mga ito, gaya ng sinabi ni Tolstoy sa simula ng semestre, imposible yata ang mabuhay. Imposible yata matulog sa gabi kung wala akong anumang paniniwala na bubuti ang lahat bukas ng umaga. Imposible yata na hindi ko mahalin ang kapwa ko na tinatawag at kinakailangan ako. Imposible yata na hindi ako manampalataya na may hihigit pa rito sa daigdig ng luha at pawis. Hindi ko yata kayang mabuhay sa daigdig na iyan na hindi nababaliw. Umaasa tayo bagaman tila imposible ito dahil ang ibig sabihin ng mabuhay ay walang iba kundi magkaroon ng pag-asa. At hanggang pinipili mo ang buhay, pinipili mo rin ang pag-asa—alam mo man ito o hindi.

Alam kong maaaring wala na naman itong sinasabi. Baka korny na naman. Baka gasgas na. Tiyak mali ang lohika (o walang lohika), o baka dinaan ko (na naman!) lamang sa retorika. Nahihirapan ako sa katunayan ipaliwanag kung ano kaya itong pag-asa na binanggit ni Anselmo. Hindi niya rin naman ito talaga pinaliwanag—para bang tinuro lamang niya ang daan, at siguro kailangan itong matuklasan ng bawat isa. Aaminin ko na: Hindi ko tunay na maunawaan. At hindi ko maaaring ituro ang hindi ko nauunawaan.

Ngunit hindi naman laging kailangang maunawaan ang isang bagay upang ilarawan ito—bagkus, kailangan mo lamang ito pakiramdaman, maranasan. At diyan, baka may masabi ako. Kaya sa huling pagkakataon, baka ganito: 

Baka parang buwan ang pag-asa ng tao.
Habang parang araw naman ang kadakilaan ng Diyos.
Sa gabi mo lamang makikita ang buwan.
Minsan hindi ito natatanaw kapag masungit ang panahon at makulimlim ang langit, o kung natatabunan ito ng anino ng ating daigdig.
Kumpara sa araw, tiyak na mahina ang liwanag na binibigay ng buwan.
At sa sarili nito, ang buwan ay isang dambuhalang bato lamang na walang anumang ningning
     paikot-ikot lamang sa daigdig
     tila naliligaw
     parang walang pupuntahan
     —hindi gaya ng araw na hindi gumagalaw.

Ngunit, gaano man ito kaliit, kahina, kadilim kumpara sa araw, nagiging magkawangis ang buwan at araw kapag gabi.
Buwan ang araw ng gabi.
At alam ng buwan na hindi galing sa sarili nito ang liwanag na nakikita nating taglay nito.
Mapagkumbabang tinatanggap lamang nito at sinasalamin ang yaong nanggagaling sa araw.
—Nanghihiram pansamantala ng liwanag mula sa araw
     upang sa pagbantay sa atin sa gabi
     ay kahit papaano’y makakita pa rin tayo
     kahit sa gitna ng dilim.



27 Pebrero 2013




No comments

Post a Comment

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...

Share This

© Divine Availability
Maira Gall