Skip to main content

Pamimilosopiya at Pagmamadali



There Is a Place Beyond Ambition
Mary Oliver

When the flute players
couldn’t think of what to say next

they laid down their pipes,
then they lay down themselves
beside the river

and just listened.
Some of them, after a while
jumped up
and disappeared back inside the busy town.
But the rest—
so quiet, not even thoughtful—
are still there,

still listening.



*

Nakita na natin sa mga huling klase kung paano para kay Marx isang matinding panganib ang pangingibabaw ng modernong kapitalismo sa kanyang panahon, at masasabing sa panahon pa rin natin. Dahil sa kapwa ideolohiikal at politikal na kapangyarihan ng kapitalismo—o ang malawakang pag-iisip na matatagpuan ng tao ang kahulugan sa pagkamkam at pag-iipon ng pribadong pag-aari—naiiwan ang tao sa tinawag naman ni Weber sa isang “bakal na kulungan,” kung saan napipilitan ang tao na mabuhay at kumilos sa loob lamang ng mga hangganan nito. Sa loob ng makitid na espasyong ito, nakikipagbunuuan tayo sa ating mga sarili, kapwa, at daigdig para makahinga nang kaunti, maging maginhawa, at kung maaari, maging maligaya. Hindi kaya, gaya ng mga nakagapos sa loob ng yungib at tumitingin sa mga anino, hindi kaya tayo rin ay nakakulong sa isang mapaglinlang na daigdig?
            Para sa mga pag-iisip na tinalakay natin, tila ilan sa mga dulot ng kapitalismo kung gayon ay ang pagsisikip ng daigdig na maaari nating galawan, ang pagtatayo ng mga pader na kinukulong tayo sa halip na bigyan tayo ng pagkakataon maglakad tungo sa mga posibilidad na nasa ibayo; at ang pagpigil sa ating lumikha—lumikha ng isang bagong daigdig, at lumikha ng bagong mga sarili. Hindi ba’t ang matinding panganib na maaari nating makita sa modernong panahon ay ang pagiging pare-pareho na lamang ng mga tao: pare-parehong gawain, pare-parehong itsura at pananamit, pare-parehong mga pangarap at hangarin, pare-parehong pag-unawa sa kung ano ang makapagbibigay ng ginhawa at kaligayahan sa tao—maging kayamanan man iyan o tagumpay, pagkakaroon ng seguridad para sa kinabukasan o mga panandaliang aliw.
            Tila ganyan din ang ipinapahiwatig ni Heidegger sa kanyang “Memorial Address,” isang talumpati niya noong siya’y bumalik sa kanyang kinalakihan upang kilalanin ang mga gawa ng isang musikero na si Conradin Kreutzer. May mga nakikita rin na mga pangamba si Heidegger noong panahon niya, na hindi gaanong nalalayo sa panahon natin. At sa halip na kapitalismo naman ang kanyang pinuna gaya ni Marx, ang nakitang panganib ni Heidegger ay ang hindi nalalayong kapatid nito, ang modernong teknolohiya.



            Isa sa mga unang palaisip si Heidegger na pinagmunihan kung ano ang esensya ng modernong teknolohiya—pinagumunihan, ibig sabihin, sinubukang unawain kung ano ang kahulugan ng pangingibabaw ng modernong teknolohiya sa kanyang panahon. At gaya ni Marx at Heidegger at ibang pilosopo, tungkulin ng mga palaisip linawin kung ano ang mga katangian ng mga yugto ng ating kasaysayan, at kung ano ang maaaring mga kahulugan nito. At ang ilang bansag nating para sa ating panahon ay ang “age of information technology,” “digital age,” o “computer age.” Kumabaga, ito ang panahon ng paghahanap, pangangasiwa, pagdisenyo, at pagbebenta at pamimili ng impormasyon, o kung mamarapatin, kahit ng karunungan. Makikita ito sa pinakapayak na paraan na kahit ang mga babasahin natin sa klase ay naka-PDF, ginawang data, may megabytes, isang file na umookupa ng espasyo sa inyong kompyuter o USB flashdrive; sa isang salita, ginawa nating 1 o 0 ang sinasabi ni Platon tungkol sa Mabuti, ang sinabi ni Merleau-Ponty sa pagkakaroon ng kabuluhan ng daigdig, o ang sinabi ni Marx tungkol sa paghihirap ng tao sa alyenadong paggawa—mga ideya at kaisipan na totoo, makabuluhan, hindi madaling makita o mahawakan, at hindi makakalkula ng megabytes o word count.
            Para kay Heidegger, upang pangasiwaan ang impormasyon at kaalaman gaya ng ating ginagawa sa ating panahon, ibig sabihin may nangingibabaw na uri ng pag-iisip na ginagawa ng tao, isang natatanging pagharap ng tao sa kanyang daigdig, at isang partikular na pamamaraan ng pagtingin ng tao sa mga bagay at tao. At ang tawag ni Heidegger sa partikular na pag-iisip na ginagamit ng tao sa teknolohikal na daigdig ay ang kalkulatibong pag-iisip, o “calculative thinking.” Ano para kaya Heidegger ang “kalkulatibong pag-iisip”? Ano ang ginagawa nito, at paano nito tinitignan ang daigdig? Ayon sa kanya:

. . . whenever we plan, research, and organize, we always reckon with conditions that are given. We take them into account with the calculated intention of their serving specific purposes. Thus we can count on definite results. This calculation is the mark of all thinking that plans and investigates. Such thinking remains calculation even if it neither works with numbers nor uses an adding machine or computer. Calculative thinking computes. It computes ever new, ever more promising and at the same time more economical possibilities. Calculative thinking races from one prospect to the next. Calculative thinking never stops, never collects itself (p. 2).

            Ang kalkulatibong pag-iisip kung gayon, ay isang uri ng pag-iisip na tinitignan at nagbibigay ng halaga sa mga bagay sa daigdig—gaya ng likas na yaman, ibang tao, impormasyon, at kahit baka Diyos—ayon sa lente lamang ng kung ang mga ito ay magiging produktibo o mapapagkakitaan, o makapagbibigay ng resulta o higit na kaalaman, masusukat o mabibigyan ng karampatang halaga. Ibig sabihin, sa ganitong pagtingin ang tao ay nagtitimbang, nagsusukat at ginagamit at inaabuso ang mga nagmemeron sa daigdig. Sinabi na nito ni Protagoras noong sinaunang panahon pa: “Man is the measure of all things: of things which are, that they are, and of things which are not, that they are not.”
            Kaya naman kasabay nitong atitiud ng tao sa sangkameronan, ang mga nagmemeron din sa daigdig ay nagpapakita lamang bilang nabibilang, natitimbang, nasusukat, may katumbas na halaga (Magkano iyan?), o nagpapakita ang mga bagay sa atin bilang mga gamit at instrumento, bilang nakapagbibigay ng panandaliang aliw, kaginahawaan, kapangyarihan. Iisa na lamang para kay Heidegger ang mga mukha ng mga nagmemeron sa panahon natin: ang mga bagay ay nagiging teknikal na mga gamit, technical devices. Ang tao kung gayon ay lumilikha na lamang ng mga teknikal na kagamitan—mga nakokunsumo, ginagamit sandali, tapos tinatapon. Kasabay nito, sinabi ni Heidegger na wala na tayong talagang nalilikha na tumatagal, na nakaugat sa daigdig, na nagbubunga gaya ng mga halaman na nakaugat sa lupa at nagtatagal sa panahon.


Vincent van Gogh, A Pair of Shoes, 1886 
Oil on Canvas, 37.5 X 45 cm
Van Gogh Museum, Amsterdam 

            Pati ang tao, ayon kay Heidegger, ay hindi na nakaugat sa lupa. Ibig sabihin, wala nang pinaghuhugutang mas malalim; punta rito at punta roon dala ng pabago-bagong gusto o kuryosidad. Ibig sabihin, hindi na raw tayo nananahan, namamalagi, tumitigil, hindi na tayo marunong maghintay. At diyan naman maaaring makita ang isa pang tinatawag ni Heidegger na uri ng pag-iisip ng tao na nasa kanya na, ngunit baka hindi na nagagamit o nakikilalang nasa kanya pala: ang mapagnilay-nilay na pag-iisip, o meditative thinking. Ano naman itong mapagnilay-nilay na pag-iisip? Sabi niya: “Meditative thinking

does not just happen by itself any more than does calculative thinking. At time it requires greater effort. It demands more practice. But it must also bide its time, to await as does the farmer, whether the seed will come up and ripen (p. 2)
           
Ang ganitong uri ng pag-iisip ay maaari nating tawaging pamimilosopiya. Di ba’t nakita natin kay Platon at Arendt na ang pamimilosopiya ay hindi nagmamadali, minsan paikot-ikot, tila pag-aksaya ng oras (gaya ng pag-aksaya natin ng oras sa klase); minsan parang walang nangyayari, walang napuntahan, lalo pang nakagugulo ng isipan. Tao ba talaga si Gregor Samsa o hindi? Ako ba talaga, akin ba ang aking katawan, o mayroon lang ba akong katawan? Maarin mo ring tignan ang pamimilosopiya bilang walang halaga kasi baka wala kang bagong nalaman maliban na lamang sa kaalaman na ayon kay Sokrates na tayo ay mangmang at wala pa lang nalalaman.
            Iyan din ang ilan sa masasabi nating katangian ng pamimilosopiya o pagninilay-nilay na sinasabi ni Heidegger: di gaya ng kalkulatibong pag-iisip na nagmamadali, sumusunod sa iskedyul, at naiinip malaman ang mga resulta, ang pamimilosopiya ay mabagal, dahan-dahan, at higit sa lahat, marunong itong maghintay. Ang paghihintay para kay Heidegger ay hindi lamang ang paghihintay sa inaasahan mo namang tiyak na darating sa isang oras na nakatakda na. Ang paghihintay, gaya ng pamimilosopiya, para kay Heidegger ay hindi pag-aaksaya ng oras, o pagpatay ng oras. Bagkus ang tunay na paghihintay—baka ang tunay na pamimilosopiya—ay ang paghihintay na wala naman talagang hinihintay. Baka walang dumating, baka matagal, kaya baka walang bunga, baka walang resulta, baka walang makakamit. Pero naghihintay pa rin ang pilosopo, nananalig na hindi mawawala ang lahat, may pagtataya pa rin. Gaya ng isang magsasaka na nagtatanim ng binhi—hindi  naman niya talaga alam kung magbubunga ang kanyang tinanim, pero kahit na hindi niya talaga maasahan ang mangyayari, alam niyang kailangan niya pa ring magtanim. At pagkatapos magtanim, walang ibang magagawa kundi maghintay.
            At ang paghihintay na ito para kay Heidegger ang tinatawag niyang pagiging bukas sa misteryo, openness to the mystery, na kinakailangan daw nating gawin sa ating panahon ng modernog teknolohiya. Anong misteryo ito? Walang iba kundi ang misteryo kung bakit nagpapakita ang daigdig ngayon, at ang mga nagmemeron, sa paraang teknikal—sa mga anyo na nasusukat, nagagamit, nabebenta, nabibili. Hindi daw talaga nating “kasalanan” na ganito ang pagpapakita ng daigdig natin ngayon, dahil may higit na kahulugan ang teknolohikal na panahon na lagpas sa ating mga gawa at hangarin.  Ang Meron kasi mismo ay napagpasiyahan, kumbaga, na magpakita sa teknikal na anyo. Baka nakikibagay lamang tayo sa pagpapakita ng mga nagmemeron bilang mga obheto na nakakalkula, nabibilang, nasusukat, nagagamit.
        Ngunit ang ibig sabihin ng “misteryo” sa orhinal nitong kahulugan ay hindi isang kababalaghan o isang bagay na hindi mapapaliwanag. Ang ibig sabihin ng misteryo o mysterium ay isang bagay na nagtatago lamang, nasa dilim, nagkukubli, hindi nakikita ang tunay na anyo, hindi buong-buong namamalasan. Ibig sabihin, baka ang nakikita lamang natin ay mga anino gaya ng anino sa loob ng yungib na inilarawan ni Platon—may nakikita ka naman, ngunit ang nakikita mo ay hindi ang sarili nito, hindi ang katotohanan nito, hindi ang merong-meron. At minsan hindi mo mapipilit ang isang bagay magpakita sa kabuuan nito, anumang subok mo. Ang maaari mo na lamang gawin ay hayaan ang mga ito, gaya ng tinatawag niyang Gelassenheit, o releasement toward things, at hintayin ang buong pagpapakita ng Meron sa hinaharap, kung magpakita man ito.

        At habang naghihintay tayo sa panibagong pahanon, tinatawag tayong mga nasa loob ng panahon ng kapitalismo at teknolohiya, sa panahon kung saan baka mga anino lamang ang nakikita natin—tinatawag tayong subukan pa ring mag-isip, mag-aksaya ng oras, maghintay, o gaya ng sana’y nasimulan ninyong gawin sa semestreng ito—ang mamilosopiya.



Huling Lektura sa Pilosopiya ng Tao I 2013-14

Comments

Popular posts from this blog

The Fields of Amorsolo

The first National Artist in Philippine history, referred to warmly as the “Grand Old Man of Philippine Art,” Fernando Amorsolo (1892–1972) still stands today as a looming figure in Philippine art responsible for being one of the artists who helped define what we up to now visually imagine as essentially Filipino. The images of rural life, of golden fields below clear blue, blue skies; the smiles of farmers which diminish their weariness as they plant, harvest, and winnow rice;most especially the iconic figure of the Filipina maiden working in the fields—the beloved dalagang bukid--; these, I believe, even after generations of Filipino painters since Amorsolo, have remained in our hearts and memory. Amorsolo did what great masters do for their country: bestow upon it its own icons, represent its native beauty, that is, to give its people and lands an identity and a face. There are, however, as many intentions for art as there are works of art. And these intentions will always remain in…

[Payapang Daigdig]

Written by Pat Nogoy, S.J.

Payapang Daigdig Felipe de Leon, Sr. 
Ang gabi'y payapa Lahat ay tahimik  Pati mga tala      Sa bughaw na langit 

Kay hinhin ng hangin Waring umiibig          Sa kapayapaan          Ng buong daigdig     
Payapang panahon    Ay diwa ng buhay Biyaya ng Diyos       Sa sangkatauhan
Ang gabi'y payapa Lahat ay tahimik Pati mga tala Sa bughaw na langit  
Pati mga tala           Sa bughaw na langit


The gift delivers Being/being Jean Luc Marion

There is something about the night.
The blanket of darkness hovering the other half of the day sparks ambivalence. Everything is the same in darkness—fear, joy, pain, triumph, doubt, glory, sorrow. Identities recede unto the vast anonymity. There is a pervading anxiety where existence slips into nothingness. One is never certain what to make out of darkness; maybe that is why the night shakes us because we never know. One cannot avoid imagining a something that is greater, higher, mightier, (even sinister) that lurks (hence the power of ghos…

Without Why (The Rose) II

Lifetime is a child at play; moving pieces in a game.
Kingship belongs to the child.

Heraclitus, Fragment 52


The child at play never asks itself why it plays. The child just plays; and if it could, it will play as long as possible, it will play throughout its life. See its delight and witness its smile.

If it would never go hungry or if the sun would never set it too will never leave its playmates and playthings. Time flies at play because it stops or suspends time. Time -- as we grownups only know too well -- is the culprit for order, schedules and priorities; yet for the child, there is no time, there is only bottomless play. It is we who impose that this or that should be done at this or that time. We stop the absurd and supposedly endless play ("He does nothing but play") because we insist that discipline, order and priorities be instilled in the child at an early age ("He needs to learn other things beside playing"). So that the child will become like us one da…